Piniling Pakasalan ng Babae ang Mayamang Matanda Kaysa sa Kaniyang Nobyong Simple Lang ang Buhay; Maging Masaya Kaya Siya sa Kaniyang Desisyon?

“Bakit, Carmina? Paano mo nagawa sa ’kin ’to?” Bakas ang labis na lungkot sa mukha ni Justine habang kausap ang nobyang si Carmina. Nangingilid ang kaniyang luha at handa na iyong pumatak dahil sa labis na sakit na nararamdaman niya sa kaniyang dibdib.

Isang kaibigan ang nakakita kay Carmina nang pumasok ito sa isang motel kasama ang isang matandang lalaking mukhang mayaman. Hindi naman na nakatanggi pa si Carmina sa kaniya dahil may pruwebang litrato pa si Justine.

“Pasensya ka na, Justine. Wala ka kasing pangarap, samantalang ako ay mataas ang gusto kong maabot. Hindi mo maibibigay sa akin ang buhay na gusto kong maranasan… at kay Joaquin ko nakita ang pag-asa ko,” sagot naman sa kaniya ni Carmina na ni hindi man lang kababakasan ng panghihinayang sa ilang taong pinagsamahan nila.

“Pero ikakasal na tayo, ’di ba? S-saka, matanda na ang Joaquin na ’yon! Paano ka sasaya sa kaniya kung hindi na kayo magkakaanak?” giit pa ni Justine, ngunit mukhang nakapagdesisyon na talaga ang kaniyang nobya.

“Palayain mo na ako, Justine. Makakahanap ka rin ng babaeng para sa ’yo.” Matapos sabihin iyon ay inilapag ni Carmina sa mesang pumapagitan sa kanila ng dating nobyo ang singsing na ibinigay nito sa kaniya nang alukin siya nito ng kasal. Pagkatapos ay tuluyan na niyang tinalikuran ang binata at nilayuan ito, sa kabila ng matinding pagtutol ng sarili niyang damdamin.

Mahal niya si Justine, ngunit mas mahal niya ang kaniyang sarili. Mas mahal niya ang kaniyang mga luho at ang marangyang buhay na bata pa man siya ay inaasam na niyang makamit. Ngayong nakakita ng oportunidad si Carmina na matupad iyon ay hindi na niya sasayangin pa ang kaniyang pagkakataon. Kahit pa ang mismong katawan at pagkatao niya ang maging kapalit.

Matapos silang makasal ni Joaquin, ang sitenta y tres anyos na mayamang lalaking pinili niya kaysa sa kaniyang nobyo, ay naging masaya naman si Carmina. Masaya siya dahil nabibili niya ang lahat ng gusto niya gamit ang pera ng asawa. Magagandang damit, magagarang aparato, sasakyan at mamahaling mga sapatos at alahas. Halos kainggitan nga siya ng maraming mga nakakakilala sa kaniya dahil animo perpekto na ang kaniyang buhay.

Ngunit panandalian lamang pala ang lahat ng iyon. Dahil nagsimulang magsawa si Carmina. Habang nadaragdagan kasi ang kaniyang edad ay tila lalo niyang nararamdamang mayroong kulang sa kaniyang pagkatao. Lalo na sa tuwing nakakakita siya ng mga nanay na kasama ang mga anak nito.

Advertisement

Nagpasya siyang mag-ampon kaya naman bahagyang naibsan ang kaniyang kalungkutan, ngunit isang trahedya ang dumating sa buhay nila ng asawang si Joaquin. Nagkasakit ang mister nang malubha at halos maubos sa pagpapagamot nito ang lahat ng pera nilang mag-asawa, ngunit sa huli ay hindi pa rin ito nakaligtas dahil na rin sa katandaan.

Muli ay lumubog sa hirap si Carmina, at ngayon ay may alalahanin pa siya, dahil hindi na siya nag-iisa. Nariyan na ang batang inampon niya na napamahal na rin sa kaniya kahit sa maiksing panahong pinagsamahan nila.

Ginawa ni Carmina ang lahat upang itaguyod ang buhay nilang mag-ina matapos ang pagkawala ni Joaquin sa buhay niya. Ngunit sa huli ay sumuko rin siya. Hanggang sa pagkakataong iyon ay siya pa rin ang dating Carmina na hindi marunong magtiis para sa kaniyang mahal sa buhay. Dahil nang makakita siya ng pagkakataon ay ipinamigay niya rin sa iba ang kaniyang anak. Masakit man sa kalooban niya ay ginawa niya ’yon upang maibsan ang kaniyang pasanin. Upang pagaanin ang kaniyang buhay.

Nag-apply si Carmina bilang serbidora sa isang restawran at doon siya kumukuha ng panggastos sa araw-araw. Isang gabi, habang abala sa pagtatrabaho si Carmina ay hindi niya akalaing makikita niya ang isang taong magpapabalik ng lahat ng alaala niya sa nakaraan… si Justine.

“Carmina, ikaw ba ’yan?” tila nagugulat na tanong ni Justine nang magtagpo ang kanilang mga mata. Ibayong kabog naman sa kaniyang dibdib ang naramdaman ni Carmina. Doon ay napagtanto niyang mahal pa pala niya ang lalaki, ilang taon man ang lumipas…

Akmang lalapitan na niya ito nang isang babae ang biglang sumulpot at umangkla sa braso ni Justine. Kitang-kita niya kung papaanong nagningning ang mga mata ng dating nobyo nang makita nito ang buntis na babae. Sinalubong nito iyon ng halik at agad na nakalimutan ang kaniyang presensya.

Labis na pagsisisi ang naramdaman ni Carmina. Nagsisisi siya na noon ay mas pinili niya ang pera kaysa sa pagmamahal. Hindi na sila muling nagkita ng lalaki matapos iyon, ngunit nabalitaan niya mula sa isang dating kaibigan na ikinasal na ito at maganda na ang buhay buhat nang suwertehin ito sa negosyo. Ngayon ay wala na siyang magagawa pa kundi ang umiyak na lang at tanggaping ito na ang kaniyang kapalaran.