Niloko ng Lalaki ang Mag-amang Walang Alam sa Alahas; Kung Inaakala Niyang Naka-Jackpot Siya ay Doon Siya Nagkakamali

“Naku, manong. Maliit lang ang bentahan nito rito, e. Lumang style na kasi ’yan, saka hindi naman ito purong ginto,” ani Bernard sa mag-amang nagsasanla sa kaniya ng alahas nang araw na iyon sa pawn shop na kaniyang pinagtatrabahuhan.

Napakamot naman agad sa kaniyang ulo ang lalaki na mukhang wala talagang alam sa ganito. “E, magkano ba ang pinakamataas na kaya n’yong i-offer sa akin para d’yan?” tanong pa nito.

“Sampung libo ho,” agad namang sagot ni Bernard. Lihim niyang hinihiling na sana ay magoyo niya ito. Ang totoo kasi niyan ay mataas ang presyuhan ng klase ng alahas na ibinibenta nito sa kaniya. Nang mapansin niya kasing tila nagdududa ang mag-ama tungkol sa naturang alahas ay agad siyang nakakita ng oportunidad na lokohin ang mga ito ’tulad ng palagi niyang ginagawa sa ilang mga nagiging kostumer niyang halatang walang kaalam-alam sa mga ganitong bagay.

“Hayaan n’yo na, ’Tay. Napulot lang naman natin ’yan, e. Ibigay n’yo na,” sabat naman ng binatilyong kasama ng lalaki.

“Oo nga. Sapat naman na siguro ’yang sampung libo para makauwi kami ng probinsya,” sabi pa ng lalaki na agad namang nakapagpangisi nang labis kay Bernard.

Ni hindi na niya pinagkaabalahan pang kunin ang pangalan ng nasabing mag-ama at ilista iyon sa kanilang inventory, dahil ang balak niya ay sarili niyang pera ang ipambayad sa naturang alahas. Bukod doon ay binura rin niya ang kopya ng CCTV kung saan nakuhanan ang paglapit ng mga ito sa kanilang pawn shop upang hindi makahalata ang kaniyang boss na sinabotahe niya ang kanilang kostumer para sa pansarili niyang pagkakaperahan.

“Jackpot ’to! Sigurado akong tiba-tiba ako kapag ibinenta ko ’to. Mahigit isang daang libo pa ang kaya kong kitain kapag nagkataon,” aniya pa na halos hindi magkandatuto sa sobrang kasabikang mahawakan ang perang kikitain niya dahil sa ginawa niyang panloloko.

Likas na tuso si Bernard. Ang totoo, bago pa siya matanggap sa pinagtatrabahuhang pawn shop ngayon ay kung anu-anong trabaho na ang kaniyang pinasukan noon. Mga trabahong umiikot lamang sa panloloko at panlalamang sa kapwa, dahil doon ay mas mabilis ang pera.

Advertisement

Hindi uso sa bokabularyo ni Bernard ang salitang ‘pagbabanat ng buto’ dahil katuwiran niya’y daig ng madiskarte ang masisipag at matitiyaga. Ilang taon nang pinaniniwalaan ni Bernard ang baluktot na katuwirang iyon kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natututo kahit pa ilang beses na siyang muntik na mapahamak noon sa kaniyang mga ginagawang kalokohan.

Tiba-tiba si Bernard matapos niyang maibenta ang nasabing alahas. Nagpakasasa siya sa perang hindi naman niya pinaghirapan. Binili niya ang lahat ng kaniyang luho. Inom dito, inom doon. Makailang ulit din siyang nagpabalik-balik sa iba’t ibang club upang magbayad ng mga babae.

Ngunit panandalian lang pala ang dulot ng ‘jackpot’ na kaniyang tinatawag. Dahil isang araw ay bigla na lang siyang tinunton ng mga pulis upang hulihin sa salang pagnanakaw!

“S-sandali ho, nagkakamali ho yata kayo! Hindi ho ako magnanakaw!”

“Anong hindi? E, papaano mo ipapaliwanag ang kuha sa CCTV kung saan ibinibenta mo ang alahas na ito ni Mr. Ching sa isang pawn shop?! Naroon din ang pangalan at address mo!” sagot naman sa kaniya ng pulis.

“N-nakaw? Hindi ko alam na nakaw pala ang alahas na ’yan! Ibinenta lang sa akin ’yan ng isang mag-ama noon—”

“Naku, lumang katuwiran na ’yan, ser. Ang mabuti pa, sa presinto ka na lang magpaliwanag.” Pinutol ng pulis ang sinasabi niya.

Anuman ang gawin niyang pagpapaliwanag ay walang naniniwala sa kaniya, lalo na at wala siyang ebidensyang ibinenta nga lang sa kaniya ang nasabing alahas. Hindi naman kasi niya kinuha ang pangalan ng mag-amang ’yon, pagkatapos ay binura niya pa ang kopya ng CCTV noong araw na iyon upang hindi siya mahalata ng kaniyang boss! Lalo pang nagkaroon ng katibayan ang pulisya na siya nga ang magnanakaw nang lumabas sa imbestigasyon na noon pa man ay nanloloko na siya ng tao upang kumita ng pera!

Advertisement

Laking panlulumo ni Bernard sa nangyayari. Hindi niya inaasahang ang inaakala niyang ‘jackpot’ ay daan pala upang makuha niya ang karmang dapat ay noon niya pa naranasan. Nakahanap siya ng katapat. Hindi nagtagal ay nagkaroon ng napakaraming hearing at nahatulang may sala si Bernard. Himas rehas ngayon si Bernard. Iyon ang inabot niya sa kaniyang diskarte.