
Ayaw Mauungusan ng Ginang na Ito sa Negosyo, Halos Sumuko ang Katawan Niya nang Dahil Dito
“Mahal, nabalitaan kong malaki ang kitaan sa pagbebenta ng itlog, subukan din kaya natin?” sambit ni Lily sa kaniyang asawa, isang hapon nang makita niyang maraming nagtatanong ng presyo sa kumare niyang nagbebenta ng itlog sa social media.
“Malaki nga ang kitaan doon, mahal, kaso, halos lahat ng kapitbahay natin, nagtitinda na no’n. Gagaya rin ba tayo?” sagot ng kaniyang asawa na ikinakunot ng noo niya. “Bakit hindi? Panigurado namang mas marami ang kukuha sa akin dahil marami akong kakilala rito sa lugar natin!” kumpiyansado niyang tugon habang iniisip ang maaari niyang gawing taktika.
“Huwag na siguro, mahal, hayaan mo na sa kanila ‘yon. Maganda naman ang takbo ng negosyo natin sa gulayan, eh. Iyon na lamang muna siguro,” payo nito na labis niyang ikinataas ng kilay.
“Ayan, mukhang nakakampante ka na sa perang nalilikom natin kaya ayaw mo nang sumubok ng ibang pagkakakitaan! Kaya tayo napag-iiwanan ng mga kasabayan nating negosiyante, eh!” sigaw niya rito na ikinagulat nito.
“Hindi naman sa ganoon, mahal. Ang akin lang, baka hindi na natin kayanin,” pag-aalala nito saka hinawakan ang kaniyang kamay upang siya’y bahagyang kumalma.
“Hindi talaga natin makakayanan kung gan’yan ka mag-isip! Nakakatamad kang katuwang sa buhay!” bulyaw niya pa rito saka agad itong iniwan sa pagtitinda.
Ayaw na ayaw ng ginang na si Lily na malalamangan siya ng kaniyang mga kumare sa lahat ng aspeto ng buhay lalo’t higit pagdating sa negosyo. Gusto niya, siya palagi ang tinitingala at nangunguna sa larangang ito.
Kapag napapansin niyang may umaarangkadang bagong paninda ang isa sa kaniyang mga kumare o kahit kakilala sa social media, agad na siyang nakakaramdam ng pagkataranta at gagawin niya ang lahat upang maungusan niya ang taong iyon. Kahit gayahin niya ang paninda nito, ayos lang sa kaniya dahil alam niyang mas makakabenta siya kumpara sa iba.
Ito ang dahilan para agad niyang kumbinsihin ang kaniyang asawa na magtinda ng itlog nang makita niyang malaki ang kitaan dito. Hindi man ito sumang-ayon sa kaniya noong araw na iyon, araw-araw niya itong kinulit at pinaliwanagan kung ano’ng maitutulong noon sa kanilang pag-iipon para sa kanilang pamilya.
“Isipin mo, mahal, kung may paninda na tayong gulay at prutas, tapos dadagdag pa itong itlog, wala na tayong dapat ikapag-alala dahil tiyak na makakaipon talaga tayo nang malaki sa loob ng isang buwan!” pangungumbinsi niya pa rito dahilan para pumayag na rin ito at siya’y samahan sa paghahanap ng aangkatan nila ng mga itlog.
Kaya lang, kapalit ng dagdag ipon na kaniyang inaasahan ay dagdag responsibilidad at pagod sa kanilang mag-asawa. Nagawa nga nilang makahanap ng murang angkatan, napakalayo naman sa kanilang tinitirhan kaya ang oras na dapat ay pahinga na nilang dalawa, nailalaan na nila ngayon sa pagbiyahe upang makuha ang order nilang mga itlog.
Malaki nga talaga ang kinita nila rito sa unang linggo ng kanilang pagtitinda na labis niyang ikinatuwa dahil muli niya na namang naungusan ang kaniyang mga kapwa negosiyante.
Kaya lang, paglipas ng ilan pang mga araw, bigla nang sumapit ang tag-ulan at sila’y nahirapan sa pag-angkat ng mga itlog dahil hindi ito pupwedeng mabasa.
Sa sobrang pag-iingat niya na huwag mabasa ang mga panindang itlog, siya na ang nababasa sa ulan. Ang paulit-ulit na pangyayaring ito ay talagang nagbigay sa kanilang mag-asawa ng sakit na labis niyang ikinainis.
Pinapanghinayangan niya pa ang mga araw na pinapahinga nilang mag-asawa dahil nabalitaan niyang naaagaw na ng iba ang mga mamimili niya.
“Hindi pupwedeng tumigil tayo sa pagtitinda, hindi pa natin nababawi ang puhunan natin!” sigaw niya sa asawang nakabalot ng kumot dahil sa lamig na nararamdaman.
“Mahal, hindi mo ba naisip na ang pinakapuhunan mo sa negosyo ay ang katawan mo? Sa sobrang kagustuhan mong kumita, napapabayaan mo na ang sarili mo! Kita mo ngayon, may sakit ka pero gusto mong lumuwas para makabili ng panindang itlog! Ano ka ba naman? Maawa ka naman sa katawan mo at sa anak nating pupwede mong mahawa! Aanuhin mo ang pera at pagiging una sa larangan ng negosyo kung may sakit tayong buong pamilya?” sigaw nito sa kaniya dahilan para siya’y mapatigil at mapatingin sa anak niyang unti-unti nang nahahawa sa kanilang mag-asawa.
Doon tumakbo sa isip niya na tila tama nga ang kaniyang asawa. Hindi niya kailangan ng maraming pera at manguna sa pagtitinda lalo na kung ang kapalit nito ay ang kalusugan at kaligtasan nilang pamilya.
Kaya naman, simula noon, hinati niya ang oras sa pagtitinda at sa kanilang pamilya. Sinisigurado niya ring may pahinga silang mag-asawa araw-araw na talagang nagpatibay sa kanilang samahan at maging sa kanilang mga resistensya.
May iba mang nauna sa kaniya sa pagtitinda at bahagyang bumaba man ang kita niya sa isang araw, masaya pa rin ang puso niya dahil ngayon, marunong na siyang makuntento at pahalagahan ang dapat pahalagahan, iyon ang kalusugan at pamilya.