
Hirap Magbigay ang Binatang Ito sa Kaniyang Pamilya, Isang Matanda ang Nagbigay ng Kabutihan sa Kaniya
“Insan, hindi ba’t kamakailan lang, naregular ka na sa trabaho mo? Baka naman may naiipit ka riyang pera, hindi ko na kasi kayang sagutin pa ang pagpaospital ni lolo ngayon. Malaki-laki na rin ang nagastos ko sa operasyon niya, baka pupwedeng iyong natitirang bayarin, pakisagot muna para mailabas na siya at hindi na lumaki pa ang bill niya roon,” daing ni Ben sa kaniyang pinsan, isang araw nang madatnan niya itong nagkakape sa bahay.
“Nahihibang ka na ba? Talagang sa akin ka pa lumapit, ha? Alam mo namang ako lang ang inaasahan dito sa bahay namin! Ako lang ba ang apo ni lolo bukod sa’yo?” inis na tanong ni Julmar saka inubos nang tuluyan ang kaniyang inuming kape.
“Ikaw lang kasi ang pinakamalapit, insan, kaya ikaw ang pumasok sa isip ko,” nakatungong sagot nito, bakas sa mukha ng binata ang labis na pag-aalala sa perang kailangang bayaran.
“Wala akong pera, sa ibang kaanak ka na lang humingi ng tulong,” pagtataboy niya pa rito.
“Insan, si lolo naman ‘yon, eh, pati ba naman sa kaniya magdadamot ka? Siya ang nag-alaga…” hindi na niya pinagtapos ang pangongonsenya nito at agad na niya itong pinilit lumabas ng kanilang bahay.
“Wala akong pakialam! Umalis ka na, may pupuntahan pa ako,” sambit niya saka agad na isinara ang kanilang pintuan.
Hirap na hirap ang binatang si Julmar na magbigay ng pinansyal na tulong sa kaniyang mga kaanak. Kahit nga sa sarili niyang mga magulang at kapatid, nagdadalawang-isip pa siya kung magbibigay ba siya ng panggastos o hindi, lalo na kung alam niyang may pera naman ang kaniyang mga kapatid.
Sa katunayan, ginagawa niya ang lahat upang siya’y makatipid sa gastusin ng kanilang bahay. Bago pa man siya sumweldo, kinukwenta na niya kung magkano lang ang ibibigay niya sa kaniyang ina sa isang buong buwan at kung magkano ang ititira niya sa kaniyang bangko.
Syempre, palaging mas malaki ang tinitira niya para sa kaniya kaysa sa kaniyang pamilya at tuwing dadaing ang nanay niya na kulang ang binigay niya, lagi niyang sagot, “Pasalamat nga kayo binibigyan ko pa kayo ng pera! Ako ba ang magulang dito para ako ang magpakahirap para sa inyo?” dahilan upang matahimik ito at pagkasiyahin na lang ang perang bigay niya.
Lalo pang umigting ang pagdadamot niya sa kaniyang pamilya ngayong lumaki na ang sahod niya sa trabaho at kahit ang lolo niyang palaging nagbibigay sa kaniya noon ang hindi makalabas sa ospital dahil sa laki ng bill, hindi niya naisip tulungan. Katwiran niya, “May mas mayayaman pa siyang apo, hindi lang ako!”
Nang araw na iyon, pagkatapos umalis ng kaniyang pinsan, agad na siyang nag-ayos upang mag-withdraw ng pera. Araw kasi ng sahod ngayon at naiinis na naman siya dahil alam niyang mababawasan na naman ang pinaghirapan niyang pera dahil sa gastusin sa kanilang bahay.
Simangot na simangot siyang pumila sa ATM upang kumuha ng pera. Tirik na tirik pa ang araw na talagang nakapagpadagdag sa kaniyang pagkainis.
Ngunit, bigla siyang nagulat nang may lumapit sa kaniyang matanda, saktong-sakto kung kailan niya ipapasok sa ATM ang card niya.
“Ay, bakit po lolo?” pagtataka niya saka agad na tinago ang card sa bag niya sa pag-aakalang masamang loob ito. “Gusto ko lang makita kung paano kumuha ng pera riyan. Ilang beses ko na kasing sinusubukan, eh, ayaw lumabas ng pera ko. Pwede mo ba akong tulungan?” sambit nito dahilan para bahagya siyang kumalma at ito’y kaniyang tulungan.
Nakita niyang wala pang isang libo ang laman ng card nito at lahat ng pera, nais na nitong kuhanin dahilan para ito’y kaniyang sundin.
Pagkatapos niyang kuhanin ang pera, iniabot niya na rin ang card nito at laking gulat niya ng bigyan siya nito ng isang daang piso.
“Salamat, apo, ha?” nakangiting wika nito.
“Naku, hindi na po!” tanggi niya.
“Sige na!” pagpupumilit nito saka siya tuluyan siyang iniwan doon.
Habang pinagmamasdan niyang maglakad ang mahinang matanda, sinalat niya ang perang nasa kamay niya. Agad siyang nakonsensya sa ugaling mayroon siya.
“Sa konting halagang mayroon si tatay, nagawa niya pa akong abutan kahit hindi niya ako kilala. Tapos ako, kahit lolo at pamilya ko, nagdadamot pa ako,” sambit niya saka agad na napailing sa ugaling mayroon siya.
Nagdesisyon siya nang araw na iyon na puntahan sa ospital ang kaniyang lolo upang bayaran na ang bill nito. Halos maiyak sa tuwa ang matanda sa labis na pagpapasalamat sa kaniya at tanging pagyakap lamang ang nagawa nito na talagang nagbigay sa kaniya ng kaligayahan.
Hindi niya na rin labis na tinipid ang kaniyang pamilya pagdating sa pera na ikinatuwa ng kaniyang ina.
“Pasensya na po, mama, kung nagdadamot ako sa inyo noon. Pangako, ibibigay ko na ngayon lahat ng pangangailangan niyo nang bukal sa loob ko,” sambit niya rito na labis nitong ikinaiyak.
Simula noon, lalong dumalas ang pagpasok ng pera sa kaniya. Malaki man ang inilalabas niyang pera, malaki rin ang balik nito sa kaniya.
“Salamat sa matandang iyon, natuto akong maging mapagbigay sa pamilya ko. Ang sarap pala talaga sa pakiramdam,” wika niya sa sarili habang tinitingnan na nagsasalu-salo sa bigay niyang pagkain ang kaniyang pamilya at lolo.