Labis na Nagpakipot sa Manliligaw ang Dalagang Ito, Pinagsisihan Niya nang Mapagod at Sumuko Ito

“Hoy, Belle, ang ganda-ganda mo ba talaga? Bakit ayaw mo pang sagutin si boss? Akala ko ba siya na talaga ang tingin mong nakatadhana sa’yo? Bakit ayaw mo pa siyang sagutin? Mag-iisang taon na siyang nagpapapogi sa’yo!” inis na wika ni Helly sa kaniyang kaibigang pakipot habang sila’y nagkakape sa tapat ng kanilang opisina.

“Ano ka ba naman, Helly? Hindi naman porque siya ang boss natin, sasagutin ko na agad siya! Syempre, nagpapakipot muna ako para masigurado ko kung gusto niya ba talaga ako!” pangiti-ngiting sagot ni Belle habang pinapaikot sa kaniyang daliri ang mahabang buhok.

“Diyos ko, hindi mo pa ba napapatunayan na ang lakas ng tama sa’yo no’n? Isipin mo, ha, pinagrenta ka ng sasakyan para huwag ka lang mag-commute kapag papasok at uuwi mula sa trabaho, araw-araw kang may bulaklak, may pagkain at pinataas pa ang posisyon mo rito sa opisina! Ano pa bang kulang?” sambit pa nito saka hinila-hila ang kaniyang buhok dahilan para siya’y mapatawa. 

“Basta! Gusto ko lang magpakipot! Para naman kabahan siya nang kaunti sa panliligaw sa akin!” tugon niya saka tumingin sa naturang binatang kararating lang.

“Naku, bahala ka, kapag may dalagang umaligid d’yan, tapos ang pag-iinarte mo!” babala pa nito sa kaniya saka tuluyan nang kinuha ang atensyon ng kanilang boss at pinalapit sa kanilang kinauupuan.

Todo pakipot ang dalagang si Belle sa manliligaw niyang napakayaman na, daig pa ang isang artista sa sobrang gwapo. Gustong-gusto niya ang binatang ito dahil bukod sa ito ang may-ari ng pinagtatrababuhan niyang kumpanya, kitang-kita at ramdam na ramdam niya ang mabuting intensyon nito sa kaniya. Ngunit kahit pa ganoon, ayaw niya munang ibigay ang matamis niyang “oo” upang hamunin at subukin pa ito.

Gusto niya kasi, maipagmalaki sa lahat ng kaniyang katrabaho na pinahirapan niya ang binatang nagpapasweldo sa kanilang lahat. Kaya kahit na isang taon na simula nang siya’y tanungin nito kung pupwedeng manligaw, hanggang ngayon, kahit magulang na niya ang nagtutulak sa kaniyang sagutin na ito, hindi niya pa rin ito sinasagot.

Sa katunayan, isang taon na rin siyang buhay prinsesa sa kanilang opisina. Papasok siyang walang gagawin doon, kakain nang masarap na pagkaing bigay nito, at uuwing may sweldo dahilan para labis na lumaki ang ulo niya at mapanatag na kahit anong gawin niya, mananatiling baliw sa kagandahan niya ang naturang binata.

Advertisement

Ngunit nang araw na ‘yon, inabutan lang siya nito ng bulaklak sa kapehang iyon saka agad nang umalis na labis niyang pinagtaka. Hindi naman kasi ganoon ang trato nito sa kaniya.

Nasundan nang nasundan ang panlalamig nito sa kaniya. Tanungin man niya ito kung anong problema, lagi nitong sagot, “Pagod lang ako sa trabaho,” na kaniya namang iniintindi.

Ngunit, isang araw, bigla na lang siyang nagulat na may pinalit na ito sa posisyon niya sa trabaho, iba na rin ang hinahatid-sundo ng sasakyang nirentahan nito, wala na siyang natatanggap na mga bulaklak at hindi na siya pinapadalhan nito ng pagkain na labis niyang ikinapagtaka dahilan para sadyain niya ito sa opisina upang kumustahin. 

Kaya lang, imbis na mapanatag ang nababagabag niyang puso noong mga araw na iyon, pagsisisi ang kaniyang naramdaman dahil sa sinabi ng binata sa kaniya.

“Pakiramdam ko kasi wala ka namang intensyon sa akin. Pakiramdam ko, hindi mo ako gusto kaya ganito ang ginagawa mo sa akin. Ayoko nang magsayang ng oras, Belle, lalo’t tutok ako sa trabaho. Gusto kong magkaroon ng makakatuwang sa buhay, hindi ng taong papahirapan ako lalo at ipapakita sa mga empleyado ko na kinakaya-kaya ako. Mabuti na lang nakahanap na ako, pasensya ka na, hindi ko na nasabi sa’yo nang maayos,” sambit nito na talagang nagpadurog sa puso niya. 

Umalis siya roon na nagpipigil ng luha at nang makita niya sa pasilyo ang kaniyang kaibigan, doon siya labis na humagulgol. 

Napag-isip-isip niyang tila sobra nga ang ginawa niyang pagpapakipot sa binata at ito’y labis na niyang napahirapan. Sising-sisi man siya dahil sa napalampas niyang pagkakataon na mahalin ng isang matagumpay na binata, wala na siyang magawa kung hindi ang tingnan itong masaya kasama ng bago nitong nobya na katrabaho rin nila. 

“Ni minsan, hindi ko siya nakitang ngumiti nang gan’yan kapag kasama o kausap niya ako. Mukhang napahirapan ko talaga siya nang husto sa pagpapakipot at pag-iinarte ko,” sambit niya sa kaibigan dahilan para mariing siya nitong yakapin.

Advertisement

Hindi man niya alam kung kailan may muling manliligaw sa kaniya, nangako na siya sa sariling hindi na iyon muli uulitin dahil ayaw na niyang magpahirap ng lalaki at magsisi sa huli.