Kinukumpara ng Ginang na Ito ang Tagumpay Niya sa Dating Kaibigan; Mas Matagumpay na Pala Ito sa Kaniya

“Grabe, mahal, ‘no? Halos tatlong buwan pa lang tayong nagtitinda ng mga damit, nakabili na tayo agad ng motorsiklo mo! Hindi katulad ng kumare kong si Ann, halos mag-iisang taon na yata silang papalit-palit ng negosyong pagkakakitaan, hanggang ngayon, wala pa ring napupundar kahit isang bisikleta!” patawa-tawang wika ni Chrizia habang pinagmamasdan ang bagong bili nilang motor ng kaniyang asawa.

“Paano mo naman nasabing wala silang naipundar? Imposible naman yata ‘yon, lalo na’t katulad ng sabi mo, papalit-palit sila ng pinagkakakitaan,” tugon ng kaniyang asawa na ikinakunot ng noo niya.

“Papalit-palit sila ng pagkakakitaan dahil palagi silang nalulugi! Sino ba naman kasing bibili sa kanila kung ang tataas ng patong nilang tubo sa bawat produkto, hindi ba? Mabuti pa talaga tayo!” wika niya pa habang ninanamnam ang sayang nararamdaman.

“Sigurado ka ba? Baka hindi lang ‘yon nagpapakita ng mga napupundar niya sa social media,” sagot pa nito na ikinainis na niya.

“Bakit ba kamping-kampi ka roon, ha? Siguro, hindi ka pa nakakamove-on do’n, ano? Mahal mo pa ‘yon, ‘no?” sigaw niya rito saka niya ito pinaghahahampas ng kamay.

“Ito na naman tayo!” kamot-ulong sabi nito habang panay ang iwas sa kaniyang mga hampas.

Palaging kinukumpara ng ginang na si Chrizia ang buhay niya sa dati niyang matalik na kaibigang si Ann. Bukod kasi sa parehas silang nagbebenta ng kung anu-anong produkto sa social media kagaya ng pangpaputi, make-up, mga damit at kung ano pang gamit sa bahay, naging nobya rin kasi ito ng kaniyang asawa dahilan para naisin niyang palagi itong maangatan.

Tinalikuran niya ang kanilang pagkakaibigan ng naturang dalaga para mapakasalan ang pinapangarap niyang binata noon pa man. Ngunit kahit pa ganoon, sa tuwing mararamdaman niyang kinakampihan o pinagtatanggol ito ng kaniyang asawa, katakot-takot na away ang sisimulan niya dahil nga ayaw na ayaw niyang magiging bida ito sa pandinig niya. 

Advertisement

Kaya naman, ngayong unti-unti nang umaangat ang buhay nilang mag-asawa dahil sa pagbebenta niya ng mga branded na damit mula sa ibang bansa at sila’y makabili ng pangarap nilang motorsiklo, ganoon na lang siya labis na natuwa.

Lalo’t alam niya, mas mataas na ang estado ng kaniyang buhay ngayon kaysa sa kaibigan niyang ito na biglang tumahimik sa social media.

Wika niya pa, “Mukhang nasa akin talaga ang huling halakhak, nasa akin na ang pogi at maaasahang lalaki, nakakapundar pa kami ng mga gusto naming bagay!”

Nang araw na ‘yon, bago niya pa tuluyan mabugb*g ang asawa, bigla silang kinatok ng isa sa kanilang mga kaibigan. May pinabibigay raw sa kaniyang asawa si Ann dahilan para agad na mag-init ang kaniyang ulo at hablutin ang sobreng iniaabot nito. 

Pagkahablot niya, agad niya itong binuksan at labis siyang nagtaka nang makita ang pangalan nilang mag-asawa roon.

“Para saan ‘to?” wika niya habang binabasa ang imbitasyon.

“Nais kayong imbitahan ni Ann sa pagbubukas ng kaniyang tindahan sa tapat ng bagong tayo niyang bahay. Nakakabigla, ‘no? Kahit kailan talaga, malihim ‘yang kaibigan natin! Nag-invest pala ‘yan sa mga lupa kaya biglang yaman! Ngayon naman, itutuloy niya ang swerte niya sa pagnenegosyo!” kwento ng kanilang kaibigan na talagang nagpalaki ng kaniyang mga mata.

“Sabi sa’yo, mahal, eh, imposibleng hindi makapundar ‘yon,” sabi ng kaniyang asawa na labis niyang ikinainis dahilan para siya’y magkulong sa kanilang silid at magdabog.

Advertisement

Hindi niya alam ang magiging emosyon niya dahilan para siya’y umiyak nang umiyak doon at tanungin ang sarili, “Bakit hindi ko siya magawang maungusan?”

“Kasi nakatuon ang atensyon mo na maungusan siya, mahal. Hindi karera ang buhay at hindi mo dapat ikumpara ang buhay mo sa buhay ng iba dahil may iba-ibang tagumpay na naghihintay sa akin,” pangaral ng kaniyang asawa saka siya mariing na niyakap.

Dumalo nga sila sa naturang selebrasyon kinabukasan. Naiilang man siya, laking tuwa niya nang buong puso siyang tinanggap doon ng dating kaibigan at siya’y binati pa nito sa pagkamit niya ng pangarap niyang motorsiklo.

At iyon na ang naging simula ng muling pagkabuo ng kanilang pagkakaibigan. Tinuruan pa siya nito kung paano mag-invest ng pera at doon na nga tuluyang lumobo ang perang mayroon siya. 

Labis na pasasalamat ang binigay niya sa dalaga hanggang sa tuluyang mabura sa isip niya ang nararamdaman niyang inggit at inis dito noon dahil sa maraming mga bagay.

“Totoo pala talagang darating ang araw na ako naman ang magdidiwang!” masaya niyang sabi sa asawa habang inaangkat nila ang napakaraming damit na ilalagay nila sa kanilang naipatayong tindahan.