Pinipilit ng Ginang na Ito na Magnobya na ang Kaniyang Anak; Magkaapo Nga Kaya Siya Agad?

“Mare, balita ko hinahanapan mo raw ng mapapangasawa ang nag-iisa mong anak, ha? Bakit ikaw pa ang naghahanap? May pagkatorpe ba ‘yong anak mo?” pang-uusisa ni Peri sa kumare, isang umaga nang makasabay niya ito sa paglalakad papuntang palengke.

“Naku, ewan ko ba roon! Katanda-tanda na, ni isang dalaga, wala pang dinadala sa bahay namin! Nag-aalala na ako, baka pumanaw akong hindi nagkakaapo!” sambit ni Lorna habang patuloy sa paglalakad.

“Baka naman wala pa sa isip ng anak mo ang pag-aasawa ko kahit pagnonobya, ikaw talaga!” sagot nito habang patawa-tawa dahilan para siya’y bahagyang mapaisip.

“Ay, basta! Gusto kong magkanobya na siya para magkaapo na ako! Nakahanap na nga ako ng dalagang pupwedeng magpatibok ng puso niya. Bukas, iimbitahan ko ‘yong babae sa bahay at iiwan ko silang dalawa para magkamabutihan!” nakangiti niyang wika habang iniisip kung anong pupwedeng mangyari sa anak at sa naturang binata.

“Sigurado ka ba sa ginagawa mo? Baka magalit naman ang anak mo,” pag-aalala ng kaniyang kumare.

“Hindi nagagalit sa akin ‘yon! Saka, alam niyang gusto ko na talagang magkaapo!” kumpiyansado niyang sagot habang kinikilig-kilig pa para sa anak.

Kahit na tatlongpung taong gulang na ang nag-iisang anak na binata ng ginang na si Lorna, ni minsan, wala pa itong pinakikilalang nobya sa kaniya. Palagi lamang itong tutok sa trabaho, at mga kaibigan na kapwa lalaki ang palaging kasama.

Sa tuwing tinatanong niya ito kung bakit wala pa itong nagiging nobya, palagi lamang nitong sagot, “Wala pa po iyon sa isip ko, mama, darating din ‘yon, ayoko pong magmadali,” na labis niyang ikinaiinis dahil nararamdaman na niya ang kaniyang pagkatanda. Natatakot siyang baka sumakabilang buhay siyang hindi nakakaranas na magkaapo.

Advertisement

Ito ang dahilan kung bakit siya na ang mismong kumilos upang magkaroon ng kasintahan ang kaniyang anak.

Nagtanong-tanong siya sa kaniyang mga kumare kung may dalagang kakilala ang mga ito na babagay sa kaniyang anak.

Ngunit kahit isa sa mga ito, walang dalagang mapakilala sa kaniya. Pero dahil nga desidido na siyang bigyan ng ka-ibigan ang anak, siya’y naglakad-lakad sa kanilang lugar upang maghanap ng dalaga.

Dito na niya nakilala ang isang dalagang tila ba isang modelo dahil sa labis na kagandahan. Lulan pa ito ng kotse na talagang nakapagpadagdag sa kagustuhan niyang ipakilala ito sa anak.

Lalo pa siyang natuwa nang sumang-ayon ito sa kagustuhan niya. Wika pa nga ito, “Matagal na rin po akong naghahanap ng binatang mamahalin,” na talaga nga namang ikinatalon niya sa tuwa.

Kinabukasan, maaga niyang sinundo sa kanto ng kanilang barangay ang naturang dalaga. Balak niyang iwan ito kasama ang kaniyang anak habang siya’y mamalengke.

Pagkarating nila ng dalaga sa kanilang bahay, sakto namang nagkakape ang kaniyang anak na bagong gising. Agad niya itong pinakilala at malugod naman itong tinanggap ng kaniyang anak dahilan para labis siyang kiligin at magdiwang.

“Ay, saglit, wala pa pala tayong pananghalian, anak. Mamamalengke lang ako, ha, ikaw munang bahala sa bisita ko,” paalam niya rito saka dali-daling lumabas bago pa umangal ang kaniyang anak.

Advertisement

Ngiting-ngiti siyang namalengke sa pag-asang magkakaroon na ng nobya ang kaniyang anak. Kahit na tapos na siyang mamalengke, nagpalipas pa siya ng oras sa isang kapehan para lamang magkaroon ng sariling oras ang dalawa.

Maya maya pa, nang mapansin niyang nababalisa na ang binili niyang isda, napagdesisyunan niyang umuwi sa kanilang bahay. 

Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan sa pag-aakalang nasa kwarto na ang dalaga at ang kaniyang anak. Ngunit napatigil siya nang marinig na nasa sala pa rin ang dalawa.

“Alam kong kinumbinsi ka ni mama na maging nobya ko. Pasensya ka na sa kaniya, ha? Pero ayoko kasing pumasok sa isang relasyon na hindi ko nasusuklian lahat ng paghihirap niya sa akin. Gusto ko bago ako magkaasawa, mabigyan ko muna siya ng magandang buhay,” sambit ng kaniyang anak na ikinatigil niya, “Mahal na mahal ko ‘yon si mama, kahit hindi na ako magkapamilya, huwag lang siyang mawala sa mundong ito na hindi nakakaranas ng maalwang buhay,” dagdag pa nito dahilan para siya’y mapahikbi at marinig ng kaniyang anak. 

Dali-dali siya nitong niyakap na agad naman niyang tinugunan.

“Pasensya ka na, anak, kung pinipilit na kitang magnobya, ha? Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit ayaw mo munang pumasok sa isang relasyon. Salamat, anak, salamat!” hikbi niya habang nakasubsob na dibdib nito.

Nakita niyang nakangiting nagmamasid ang dalagang nakausap niya na agad niyang hiningian ng tawad. 

Iyon na ang huling pagkakataon na pinilit niya ang anak na magkanobya dahil simula noon sinuportahan na niya ito sa ginagawa nitong pagtatrabaho.

Advertisement

“Ayos lang kahit matagalan pa bago ako magkaapo, kung iyon ang gusto ng anak ko at kung iyon ang makakabuti sa aming lahat,” sambit niya habang nagluluto ng kanilang pananghalian.