
Nag-uumapaw ang Tiwala sa Sarili ng Empleyado na Ito; Isang Pangyayari ang Magtuturo ng Aral sa Kaniya
Napakunot-noo si Frances nang maabutan ang umpukan ng mga katrabaho.
“Ano na namang pinagtsi-tsismisan niyo, ang aga-aga?”
Gulat na napalingon sa kaniya ang mga ito.
“Tinanghali ka na naman kasi nang dating! Kaaalis lang ni Sir Jeff, ibinalita na may mga empleyado raw na matatanggal sa susunod na buwan. Nagbabawas ng empleyado,” dismayadong balita ni Alice.
Napangisi siya bago nagkomento.
“Takot na takot kayo, ano? Aba, dapat lang, hindi naman kasi kayo magagaling. Maghanap-hanap na kayo ng malilipatan habang may oras pa,” payo niya.
Nakita niya ang pagbahid ng inis sa mukha ng mga kaharap.
“Grabe ka naman magsalita, Frances. Ikaw, hindi ka ba natatakot na baka kasama ka na pala sa listahan ng mga mawawalan ng trabaho?” taas kilay na tanong ni Marga.
Napahalakhak si Frances. “Ako, aalisin nila? Nagpapatawa ka ba? Eh sa lahat ng narito sa opisina natin, ako ang pinakamataas ang pinag-aralan, ako ‘yung matagal na rito, at ako ang pinakamagaling. Bakit ako matatakot?”
Isang kontentong ngiti ang pumaskil sa kaniyang labi nang hindi makasagot ang kaniyang mga kaharap. Marahil ay alam kasi ng mga ito na totoo ang sinasabi niya.
Naiiling na naglakad siya palayo sa mga kasama. Hindi niya na tuloy narinig ang iritableng bulong ng mga ito.
“Ang yabang, araw-araw naman late kung pumasok.”
“Hindi ka nga nakakaabot sa mga deadline na binibigay ni Sir.”
Halos limang taon na rin simula noong makapasok siya sa kompanya na iyon. Alam na alam na niya ang pasikot-sikot ng trabaho. Ilang tanggalan na rin ang napagdaanan niya kaya naman kampante siya na sa pagkakataong iyon ay malakas ang kapit niya.
Nang tanghaling iyon ay ipinatawag siya ng kanilang boss na si Sir Jeff. Sabik siyang tumungo sa opisina. Nabalitaan niya kasi na naghahanap ito ng empleyadong maaari nitong maging katuwang sa pagte-training sa mga bago sa kompanya, at pakiramdam niya ay siya na ang perpektong tao para sa posisyon na iyon.
“Isa ka sa mga empleyado na matagal nang narito sa kompanya natin, Frances. Ano ang masasabi mo sa trabaho mo, makalipas ang ilang taon?” agad na tanong nito nang makaupo siya.
Napangiti si Frances. “Sir, dahil matagal na po ako rito, alam ko na po ang pasikot-sikot ng trabaho. Kung may darating nga po na mga bagong empleyado, pwede ko na sila turuan ng mga dapat gawin,” buo ang kumpiyansang tugon niya.
Tumango-tango ito. “Naririnig ko sa bisor mo na may mga pagkakataon daw na tanghali ka nang pumasok. Kadalasan din daw sa mga pinapasa mo, late na. Kung minsan nauunahan ka pang magpasa ng mga bago. Totoo ba ‘yun?” muling usisa nito.
Napakunot-noo siya. “Minsan, boss, nangyayari po talaga ‘yun. Pero ang importante naman po ay ‘yung kalidad ng trabaho ko, hindi ba? Wala naman po siguro kayong maipipintas doon,” taas kilay na sagot niya.
“Kung may babaguhin ka sa sarili mo, para maging mas maayos pa lalo ang trabaho mo, ano ‘yun?” anito.
Matagal siyang nag-isip bago sumagot. “Sa tingin ko po, wala na. Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko rito,” aroganteng sagot niya.
Nang mga sumunod na araw ay kitang-kita ni Frances kung paanong nataranta ang kaniyang mga kasamahan sa paghahanap ng trabaho habang siya ay kampanteng-kampante.
“Frances, hindi ka ba talaga maghahanda? Kahit ‘yung mga matatagal nang kagaya mo, hindi rin kampante na mananatili sila. Hindi ka ba natatakot na mawalan ng trabaho? Grabe, kahirap maghanap ng trabaho ngayon,” isang araw ay usisa sa kaniya ng katrabahong si Jen.
Ilang araw na lamang at malalaman na nila kung sino ang mga mawawalan ng trabaho.
Pagak siyang natawa. “Jen, ilang tanggalan na ang na-survive ko. ‘Wag mo akong alalahanin, sarili mo na lamang ang isipin mo. Ikaw, nanganganib ka kasi bago ka pa lang,” natatawang turan niya sa babae.
Sumapit ang araw na kinatatakutan ng lahat. Kagaya ng normal na araw ay tinanghali na naman siya nang dating dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.
Nang dumating siya ay ikinagulat niya ang naabutan. Tahimik na nagtatrabaho ang bawat isa. Wala ang mga inaasahan niyang mga taong umiiyak at dismayado. Pawang kakaibang tingin lang ang ipinukol sa kaniya ng mga ito.
Nagtataka man ay minabuti niyang dumiretso na rin sa kaniyang lamesa upang simulan ang pagtatrabaho. Isang bagay ang nakita niya sa kaniyang mesa.
Sa gitna ng kaniyang mesa ay nakapatong ang isang sobre na mayroong pangalan niya. Napagtanto niya na mula ang sulat sa kanilang kompanya. Iyon ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng ganoon kaya naman agad niyang inusisa ang laman ng sobre.
Halos mahulog siya sa kinauupuan nang makita ang nilalaman noon. Nakasaad kasi sa sulat na isa siya sa mga mawawalan ng trabaho! Mayroon siyang tatlumpung araw para tapusin ang mga trabahong nakabinbin at para maghanap ng panibagong mapapasukan.
Sa sobrang pagkabigla ay napatayo si Frances.
“Ako? Ako ang mawawalan ng trabaho? Imposible! Sino pa sa inyo ang nakatanggap ng sulat?” galit na sigaw niya.
Naghintay siya ng sasagot ngunit walang nagsalita. Hindi siya makapaniwala na siya pa ang nag-iisang mawawalan ng trabaho. Paano nangyari ang bagay na ‘yun?
Galit na sinugod niya ang opisina ng kaniyang boss.
“Ikinalulungkot ko ang desisyon na ‘yan, Frances. Napakaraming tyansa na ang ibinigay ko sa’yo para mabago mo ang pag-uugali mo. Hindi ka pumapasok nang maaga, at hindi mo nagagawa ang trabaho sa takdang oras. Mula sa mga narinig ko, hindi rin maganda ang relasyon mo sa mga katrabaho mo,” paliwanag ng kaniyang boss.
“Hindi laging galing ang basehan ng lahat, Frances. Kailangan ko rin ng empleyado na may respeto sa panuntunan ng kompanya at sa mga tao sa paligid niya,” dismayadong dagdag pa nito.
Tila sinampal siya sa pagkapahiya. Ngayon niya lang nalaman ang katotohanan. Inakala niya kasi na magaling siya, kaya kailanman ay hindi siya natanggal. ‘Yun pala ay binigyan lamang siya ng tyansa. Ngunit sa kasamaang palad, naubos na ang mga tyansang iyon.
Sising-sisi si Frances. Sa sobrang taas ng tingin niya sa kaniyang sarili ay hindi niya na nakita ang pagkukulang niya sa paningin ng iba.
Matagal-tagal bago nakahanap ng lilipatan si Frances. At nang sandaling matanggap siya sa panibagong trabaho, siniguro niya na hindi lamang galing ang ipapangalandakan niya. Natutunan niya na kasi na bukod sa galing, may ibang bagay pa na mas mahalaga—respeto sa iba.