Inday TrendingInday Trending
Mabait ang Matanda sa Tatlong Batang Basurero; Isang Araw ay Ibinalik ng mga Ito ang Kabutihan Niya

Mabait ang Matanda sa Tatlong Batang Basurero; Isang Araw ay Ibinalik ng mga Ito ang Kabutihan Niya

“Naku, salamat po, Aling Lucy! Ang bait-bait niyo po talaga sa amin!”

Napangiti si Aling Lucy nang makita ang labis ng tuwa ng mga grupo ng basurero na binigyan niya ng tinapay.

Tuwang-tuwa siya sa mga batang basurero. Sa murang edad kasi ay nagbabanat na ng buto ang mga ito para makatulong sa pamilya.

Nadurog ang puso niya sa sumunod na sinabi ni Archie, isa sa mga bata.

“Alam n’yo po, kayo lang po ang ganito sa amin. ‘Yung iba po, halos hindi kami pinagbubuksan ng pinto. Marumi at mabaho raw po kasi kami, gaya ng mga basura na kinokolekta namin,” kwento nito.

“‘Wag kayong maniwala sa sabi-sabi ng iba. Hindi totoo ‘yun. Ang pag-uugali nila ang basura! Mababait na bata kayo. dahil sa murang edad ay tumutulong kayo sa pamilya,” komento niya, dahilan upang mapangiti ang mga bata.

“Sa susunod na Biyernes ulit, daan kayo rito, ha? Bibigyan ko kayo ng merienda!” bilin niya sa mga bata.

“Sana po Biyernes na lang araw-araw!” ungot pa ni James, dahilan upang magkatawanan sila.

Nakangiting minasdan ni Lucy ang mga batang papalayo. Sa t’wing kasama niya ang mga bata ay parati siyang nakangiti ngunit ang totoo ang lungkot na lungkot siya sa buhay ng mga ito, lalo pa’t may mga apo siya na kaedaran ng mga batang basurero.

Kaya naman tuwing Biyernes, kapag nangongolekta ng basura ang mga bata sa lugar nila ay may nakahanda siyang ngiti at merienda para sa mga ito. Iyon lamang ang alam niyang paraan para kahit paano ay maibsan naman ang bigat na dinadala ng mga pobreng bata.

Araw ng Sabado. Pauwi si Aling Lucy mula sa pagbisita sa bahay ng kaniyang panganay na anak.

“‘Nay, sigurado ka ba na hindi ka na magpapahatid? Nag-aalala ako, baka mapagod ka masyado sa pagko-commute,” nag-aalala na wika ng kaniyang panganay na anak.

“Hindi na, anak. Alam kong marami kang ginagawa. Hindi naman ganoong kahirap ang biyahe, ‘wag ka nang mag-alala,” aniya sa anak.

“Sige, ‘Nay. Mag-iingat po kayo, ha. Sa susunod, kami na lang ang dadalaw sa bahay mo,” bilin pa nito bago nagtawag ng tricycle para sa kaniya.

Nasa jeep si Aling Lucy nang makaramdam siya ng bahagyang sakit ng ulo. Napagtanto niya na dahil iyon sa init. Siksikan kasi sa jeep at talaga namang mainit ang panahon.

Nakaramdam lang siya ng ginhawa nang makababa siya ng jeep. Mahangin ang panahon kaya imbes na sumakay ng tricycle ay naisipan niya na maglakad na lamang.

Ilang minuto pa lamang siyang naglalakad nang maramdaman niya ang pagsidhi ng sakit ng kaniyang ulo.

Huminto siya sa isang gilid, sa pagnanais na pumara na lamang ng tricycle ngunit sa kasamaang palad ay pawang may sakay ang mga tricycle.

Ipinagpatuloy ni Aling Lucy ang paglalakad ngunit maya-maya rin ang umikot ang kaniyang paningin at binalot ng kadiliman ang kaniyang kamalayan.

Nagising na lamang si Aling Lucy sa isang hindi pamilyar na silid.

Nang tumingin siya sa pinto ay sakto namang pumasok ang isang babaeng nakaputi kaya nahulaan niya na nasa isang ospital siya.

“Mabuti naman po at gising na kayo, Nanay. Kumusta po ang pakiramdam niyo?” magiliw na usisa ng lalaking nurse.

“Maayos naman ako. Kanina natatandaan ko, sumakit ang ulo ko. Ano ba ang nangyari?” usisa niya sa babae.

“Naku, napagod ho yata kayo, Nanay. Tumaas nang sobra ang presyon niyo. Mabuti na lamang at maagap kayong naisugod sa ospital.”

“Ibabalita ko ho sa kanila na gising na kayo. Kanina pa po umiiyak ang mga bata roon sa labas. Labis ang pag-aalala nila sa inyo,” kwento pa ng binata.

Mag-uusisa pa sana siya ngunit kailangan na raw umalis ng nurse para asikasuhin ang iba pang pasyente.

Naiwan na nagmumumi-muni si Aling Lucy. Maraming katanungan ang naglalaro sa kaniyang isip. Ngunit maya-maya ay bumukas din ang pinto at humahangos na pumasok ang tatlong pamilyar na bata.

Ang mga batang basurero na sina Archie, James, at Sonson!

“Aling Lucy!” umiiyak na tawag sa kaniya ni Archie.

“Bakit kayo naririto? Paano niyo nalaman ang nangyari sa akin?” gulat na usisa niya sa tatlo.

“Nangongolekta po kami ng basura noong nakita po namin kayong nakahandusay sa gitna ng kalsada, Aling Lucy!” kwento naman ni Sonson. Maging ito ay bakas sa mata ang pag-iyak.

Napangiti siya nang matamis sa sinabi ng mga bata.

“Naku, kung ganoon ay utang ko pala sa inyo ang buhay ko. Maraming salamat, mga hijo,” sinserong pahayag niya.

Sunod-sunod na pag-iling ang ginagawa ng tatlo.

“Hindi po, Aling Lucy. Sa inyo po malaki ang utang na loob namin. Natakot po talaga kami, akala namin ay may mangyayaring masama na sa inyo kaya itinulak po namin ng sobrang bilis ang kariton para makarating kami agad sa ospital at magamot po kayo. Mabuti na lang po at naagapan, ang sabi ng doktor,” paglalahad naman ni Archie. Bakas sa mukha nito ang takot habang nagkukwento.

Tila may mainit na puso namang humaplos sa puso ni Aling Lucy.

Hindi niya inakala na ang pagpapakita niya ng simpleng malasakit sa mga bata ay ibabalik ng mga ito nang higit pa sa sapat.

Bilang pagtanaw ng loob sa kabaitang ipinakita ng tatlong bata ay nagpatuloy pa ang munting pagtulong niya sa mga bata. Ngunit sa pagkakataong iyon, araw-araw nang bukas ang pintuan niya para sa mga ito.

“Totoo po, Aling Lucy? Pwede ba po kami laging bumisita rito at kumain kapag nagugutom kami?” nanlalaki ang matang usisa ni James. Kita niya ang saya ng bata.

Nakangiting tumango si Aling Lucy.

“Salamat po! Hindi po namin aabusuhin ang kabaitan niyo, pangako,” nakangiting sabi ni Sonson.

Ngiting-ngiti si Aling Lucy. Kahit mahihirap ang tatlong bata ay masasabi niya na lumaki ang mga ito bilang mabubuting tao.

Marunong ang mga batang tumanaw ng utang na loob, at marunong din silang tumulong sa iba nang wala hinihintay na anumang kapalit.

Advertisement