Ninais ng Dalaga na Tumayo sa Sarili Niyang mga Paa; Nang Muli Siyang Umuwi sa Bahay Nila ay May Natuklasan Siya

Nagising si Emma sa tunog ng kaniyang alarm. Antok na antok man ay pinilit niya na tumayo. Nang sipatin niya ang oras ay nakita niyang alas kwatro na ng umaga. 

Binuksan niya ang ilaw at pupungas-pungas siyang tumungo sa maliit na mesa sa isang panig ng kwartong inookupa niya.

Ilang sandali pa ay abala na siya sa pag-aaral para sa pagsusulit nila sa araw na iyon.

Tatlong taon na simula noong maglayas si Emma sa bahay nila. Pinagsabay niya ang pagtatrabaho at pag-aaral. Kinaya niya ang lahat dahil sinuwerte siya na magkaroon ng iskolarsyip. Ni piso ay hindi siya nagbabayad sa eskwelahan. 

Galit siya sa kaniyang mga magulang. Masyadong mahigpit ang mga ito, kaya nasakal siya at nag-alsa balutan. Ngunit hindi lang iyon ang ikinagagalit niya. Simula kasi noong umalis siya, ni minsan ay hindi siya hinanap ng mga ito. 

Para bang tuluyan na siyang kinalimutan ng kaniyang Mama at Papa. Kaya naman nangako siya na kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral ay ipapamukha niya iyon sa mga magulang. Para naman maalala ng mga ito na namuhay siya nang humihingi ng tulong sa mga ito.

“Kaya ko ‘to. Hindi ko kailangan ang tulong nila. Mabubuhay ako nang wala sila.” Iyon ang madalas niyang sabihin sa sarili sa tuwing nanghihina ang loob niya.

“Isang taon na lang. Isang taon na lang,” bulong ni Emma sa sarili habang pilit na pinaglalabanan ang antok. Isang taon na lang at makakatapos na siya.

Advertisement

Hindi naman nabigo si Emma. Matapos ang isang taon ay binalot ng saya ang puso niya nang makita ang pangalan niya sa listahan ng mga pangalan ng magtatapos. 

Hindi na siya makapaghintay na makuha ang kaniyang diploma at ipangalandakan iyon sa kaniyang mga magulang.Sa araw ng pagtatapos ay masayang-masaya si Emma. Sa wakas ay malaya na siya! 

Kinabukasan din ay tinungo niya ang bahay ng mga magulang. Kipkip ang kaniyang diploma ay taas noo siyang naglakad papasok ng bahay.

Pagpasok pa lamang niya ay nanuot kaagad sa ilong niya ang masarap na amoy ng niluluto ng kaniyang ina mula sa kusina.

Nahulaan niya agad na ang paborito niyang kare-kare ang niluluto ng kaniyang Mama. Nang pumasok siya sa sala ay hindi niya maiwasang makaramdam nang kakaiba. Wala kasing nabago roon, maliban sa dumami ang mga litrato na nakapaskil sa dingding nila.

Bata pa man sila ay mahilig na ang kaniyang ina na kumuha ng mga litrato at idikit ang mga iyon sa dingding, imbes na itago ang mga iyon sa photo album.

“Bakit naman natin itatago ang magagandang alaala? Hindi ba mas maganda na parati natin silang nakikita?” sagot ng ina niya noong tanungin niya ito minsan. 

Nang lapitan niya ang mga litrato ay nanlaki ang mata niya. Marami kasi sa mga naroon ay mga larawan niya!

Advertisement

May mga larawan na kinunan sa mga lumipas na okasyon sa buhay nila sa nakaraang apat na taon—Pasko, Bagong Taon, kaarawan, at kung ano-ano pa.

Ang pinakabago roon ay ang larawan niya sa entablado, habang tinatanggap niya ang kaniyang diploma. 

Nakita niya rin na nakapatong sa isang mesa ang isang sobre na mula sa eskwelahan kung saan siya nagtapos. Doon niya nalaman na hindi totoong nakakuha siya ng iskolarsyip, dahil ang kaniyang mga magulang pala ang nagbabayad ng matrikula niya sa lumipas na apat na taon!

Bago pa mamalayan ni Emma ay tumutulo na pala ang luha niya. Noon niya naman naulinigan ang tinig ng kaniyang Mama at Papa na nag-uusap sa kusina, kaya naman patago siyang sumilip doon.

“Hindi ka ba napapagod sa araw-araw mong pagluluto ng kare-kare? Apat na taon na ang lumipas, hindi pa rin bumabalik sa atin si Emma. Mas lalong wala nang tyansa na umuwi ‘yun, nakatapos na ng pag-aaral, eh,” narinig niyang wika ng kaniyang ama.

“Magluluto pa rin ako. Paano kung ngayon na ang araw ng pag-uwi niya? Gusto kong makakain siya ng paborito niyang pagkain sa sandali na umuwi siya,” tugon ng kaniyang ina.

Bakas ang kalungkutan sa boses ng kaniyang mga magulang.

“At kung hindi man siya bumalik, wala naman tayong magagawa. Nasakal siya sa sobrang higpit natin. Marahil ay nagkamali rin tayo. Kaya susuportahan na lang natin siya mula sa malayo, kahit na hindi niya alam. ‘Yun naman ang dapat gawin ng mga magulang, hindi ba? Ang suportahan ang kanilang mga anak kung saan sila masaya,” wika pa ng kaniyang Mama.

Advertisement

Sa narinig ay mas lalo lamang napaiyak si Emma. Mali siya—hindi pala siya ni minsan nalimutan ng kaniyang mga magulang. Nakamasid pala ang mga ito mula sa malayo, pasimple siyang sinusuportahan.

“M-mama, Papa…” garalgal na tawag niya sa dalawa nang sumungaw siya sa kusina. 

Nanlaki ang mata ng ina sa gulat, ngunit agad siyang sinugod ng mahigpit na yakap. 

“Emma! Diyos ko, anak! Mabuti naman at nakauwi ka na!” umiiyak na bulalas ng kaniyang ina.

Maging ang kaniyang ama ay tumulo ang luha sa labis na gulat.

“Sa wakas, anak, nakauwi ka na ulit. Ang tagal ka naming hinintay,” anito bago siya niyakap nang mahigpit.

Ramdam na ramdam ni Emma ang pangungulila ng kaniyang mga magulang. Ang lahat ng tampo at galit na nararamdam niya ay tila bulang naglaho. Maging ang bigat sa kaniyang dibdib ay nawala.

Ang tanging naiwan lamang ay pagsisisi. Sising-sisi siya dahil alam niyang naging pasakit siya sa kaniyang magulang sa loob ng apat na taon.

Advertisement

“Patawarin niyo po ako, Mama, Papa… Ginusto ko po na magmalaki sa inyo, pero nalaman ko na naging matagumpay ako, hindi dahil sa akin, kundi dahil sa inyo na palihim na nakasuporta sa akin. Maraming salamat po sa inyo…” litanya niya.

“‘Wag mo nang alalahanin iyon, anak. Iisa lang naman ang gusto namin ng Papa mo. Ang maging matagumpay ka sa buhay.”

Walang ibang nagawa si Emma kundi ang umiyak at magsisi habang mahigpit ang yakap sa kaniyang ama at ina. Ngunit sa sarili niya ay ipinangako niya na babawi siya sa kaniyang mga magulang na sinaktan niya nang labis, gayong walang ibang ninais ang mga ito kundi ang mapabuti siya.