Inday TrendingInday Trending
Panay ang Utang at Palibre ng Babae sa Hipag na Tila May Patago; Nang Mapuno ay Dinala Siya Nito sa Kalsada ng Hatinggabi at Pinakilala sa Kaibigan Nito

Panay ang Utang at Palibre ng Babae sa Hipag na Tila May Patago; Nang Mapuno ay Dinala Siya Nito sa Kalsada ng Hatinggabi at Pinakilala sa Kaibigan Nito

“Sis, may 5k ka ba dyan? Ibabalik ko rin bukas.”

“Sis, paki-abonohan naman muna ang order ko. Babayaran ko rin bukas.”

“Punta tayo sa mall, may titingnan lang ako. Puwede bang maki-swipe sa credit card mo? Pangako, hindi ako papalya.”

Mabait at magaling makisama ang dalagang si Rona ngunit pagdating sa pera ay dalang-dala na ang asawa ng Kuya Rio niya rito na si Marga.

Wala kasi itong ginawa kung hindi sumabay sa luho maski maliit lamang ang sahod nito.

Ilang bangko na rin ang tumatawag at nagpupunta sa kanilang bahay upang maningil sa mga credit card na hindi nabayaran ng dalaga kaya naman napuno na ang hipag nitong si Marga sa kaliwa’t kanang pangungutang ng dalaga.

Lahat ng ipinangako nito ay walang natupad ni isa. May mga tao na ring tumawag kay Rio at Marga upang sabihan si Rona na magbayad ng ng utang.

Sawang-sawa na si Rio sa mga palusot ng kapatid. Hindi naman nagkulang ang kaniyang kuya sa pagpapaalala rito pati na rin ang kanilang mga magulang ngunit tila taingang kawali ang dalaga. Pasok sa kanan at labas sa kaliwa ang mga naririnig na payo.

Imbes na sundin ang mga iyon at makaahon sa utang ay hindi na ito nadala.

Palibhasa’y alam niyang may kaya ang kaniyang kuya at asawa nito sapagkat masipag sa trabaho ang dalawa. Bukod doon ay mayroon din silang negosyo na buy and sell ng mga sasakyan.

“Mahal, nagpapasalamat ako sa kabaitan mo sa kaisa-isang kapatid kong si Rona pero mali na ang labis na pagtulong mo sa kaniya sa pagbabayad ng mga utang niya. Pabayaan mo siya nang magtanda. Hindi matututo iyan hangga’t hindi niya nararanasan ang mga konsikwensya ng mga pinaggagagawa niya,” wika ni Rio kay Marga.

Pirmeng ganito paalalahanan ng mister si Marga ngunit hindi niya matiis ang hipag. Kung hindi kasi dahil dito ay hindi niya makikilala si Rio. Magkaklase si Marga at Rona noong kolehiyo. Pareho silang honor students at madalas ding napagkakamalang magkapatid dahil parehong maliit ang mukha, makinis ang balat, at tsinita ang dalawa.

Nang ipakilala ni Rona sa kaniyang kuya ang kaibigan ay agad nahulog ang loob nito sa ngayon ay misis na niyang si Marga.

Dahil doon ay nahirapang tanggihan ni Marga si Rona tuwing may hihingin itong pabor.

Ngunit isang araw ay nanindigan si Marga na hinding-hindi na niya kukunsintihin ang hipag bagkus ay tuturuan niya ito ng leksyon.

“Sis, sama ka sa akin. May ipapakilala ako sa iyo,” wika ni Marga.

“Boylet ba iyan? Guwapo ba? Mayaman?” kinikilig pang saad ni Rona.

“Ah, eh… Basta, halika na at baka abutin tayo ng hatinggabi.”

Nang makalabas ng gate at makarating sa kanto ay nakasimangot na kaagad si Rona.

“Sis, akala ko naman ay magtataxi tayo or gagamitin natin ang van niyo ni kuya. Na-haggard ako sa layo ng nilakad natin. Bakit tayo nandito sa kanto?” inosenteng tanong ni Rona.

Maya-maya pa ay hinila ni Marga ang kamay ng dalaga at niyakag na umupo sa may parke.

“Ano ‘to? Diyos ko, ang cheapangga naman ng bonding natin. Ang ganda pa naman ng damit ko at suot ko pa itong bago kong relo,” nagmumukmok na tugon ni Rona habang nakatingin sa isang babaeng pulubi na nakahiga sa sako. Nakatakip pa ang ilong ng dalaga at tila diring-diri sa nakikita.

“Fiona? Tulog ka ba talaga o nakahiga ka lang?”

Nanlaki ang mata ni Rona nang kausapin at kalabitin ng hipag ang babaeng nakahiga sa sako.

“Oh, hi! Nanghihina lang ako. Medyo gutom,” saad ng pulubing babae.

“Pasensiya ka na at nahuli ako ng rasyon ng pagkain mo. Ang tagal kasing mag-ayos nitong kasama ko,” sagot ni Marga na tila pamilyar na pamilyar siya sa kausap.

Nang bumangon ang babae at tumabi sa kanila sa upuan ay umusod sa pinakamalayo si Rona na tila ayaw na ayaw madikit sa kausap ng hipag. Punong-puno ng tanong ang isip ng dalaga.

Ngunit nang maaninagan niya ang mukha ng pulubi ay napatakip ito ng mukha.

“Fiona Marie Ruiz??? Ang Ms. Tourism ng batch natin??? Bakit??? Ano’ng nangyari sa iyo? Bakit ka nagkagan’yan?”

Naging pormal naman ang mukha ni Marga at hinayaan lamang magkuwento si Fiona.

“Nagkaroon ako ng mabait na asawa. Tila perpekto na ang buhay namin. Masagana, maluho… Lahat ng gusto ko, isang sabi ko lamang ay nariyan na… Marami rin kaming kasambahay at mala-mansyon ang bahay.. Nagbago ang lahat nang magkasakit ang asawa kong si Andrew. Naubos ang ipon namin ngunit tuloy-tuloy pa rin ako sa aking mga luho dahil nahirapan akong mag-adjust. Utang dito, utang doon. Ginamit ko pati pagkakasakit ng asawa ko upang makahiram ng milyones na halaga. Pati mga sasakyan namin ay naisangla ko hanggang sa naremata. Pinauuwi na ako nila nanay at tatay sa probinsya ngunit wala akong mukhang maiharap sa kanila… Hindi nila alam na sa kalye na ako nakatira… Si Andrew, nang malaman niya ang mga nagawa ko… Na pati ang ipon namin ay nagalaw at naubos ko ay iniwan na lamang ako na parang sirang kagamitan.. Nagpapasalamat na lang ako na gumaling siya dahil kung hindi niya nakayanan ang karamdaman niya ay hindi ko mapapatawad ang sarili ko… Kahapon lamang kami nagkita ni Marga… Pinipilit niya akong patuluyin sa bahay ninyo pero ayoko nang pati kayo ay madamay sa gulong napasukan ko. May mga lalaking naghahanap sa akin dahil malaki ang pagkakautang ko sa boss nila. Siguro naman kung ganito na ang itsura ko’y hindi na nila ako mamumukhaan.”

Tila hindi makapaniwala si Rona. Sampal sa kaniya ang lahat ng narinig.

“Rona, kung hindi mo ititigil ang kakautang mo… Baka sa huli’y maging kagaya ka ni Fiona,” maikling payo ng hipag.

Nang gabing iyon ay ‘di makatulog si Rona. Sinulat niya ang lahat ng pagkakautang na kailangan niyang bayaran at agad na naghanap ng mapagbebentahan ng mga mamahaling gamit na hindi niya naman napapakinabangan.

Lumipas ang ilang araw at nakalikom ito ng malaking halaga. Agad naman niya iyong ibinayad sa bangko. Nangako rin siya sa iba pang pinagkakautangan na huhulog-hulugan niya ang mga iyon hanggang sa matapos.

Makalipas ang isang taon ay natutong magtipid at gumastos nang tama si Rona. At dahil nakisosyo siya kay Rio at Marga sa kanilang negosyo ay nabayaran niya ang lahat ng kaniyang pagkakautang. Bukod doon ay nakapag-ipon din siya.

Tila nalulong siya sa paghahanapbuhay at paggawa ng pera. Ang dating babaeng lulong sa luho ay iba na ang pinagkakaabalahan sa ngayon.

“Sis, pinatatanong ni Andrew kung kailan namin makukuha ang mga papeles ng nabili naming sasakyan.”

Kakagising lamang ni Rona, wala pa ito sa ulirat habang nagtitimpla ng kape. Natigilan siya nang marinig ang isang pamilyar na boses.

Nagmadali siyang buksan ang pintuan ng kanilang salas at sinilip ang magandang babaeng nasa gate. Si Fiona!

“I’m very sorry, Rona. But look at you now… You’re a different person now. Thanks to Marga, your brother and your parents. Sila ang nakaisip na turuan ka ng leksyon ng gabing iyon…”

Akala ni Rona ay nananaginip lamang siya. Sinampal-sampal niya pa nang marahan ang mga pisngi niya.

Natauhan lamang siya na ito ang reyalidad nang paliwanagan siya ni Marga, Rio, at mga magulang nila.

Kahit nilinlang siya ng mga ito ay nagpasalamat pa rin sa Rona sa kanila.

Biniro pa niya ang mga ito. “Ganoon na pala ako kalala noon at kailangan niyo pang gumawa ng eksena!”

“Si Peter nga pala, pinsan ni Andrew,” kumindat pa si Fiona nang ipakilala dito ang isang binatang matangkad, maputi, makisig, at matangos ang ilong.

Nagkatinginan si Peter at si Rona at tila may kakaibang kuryenteng dumaloy sa ugat ng mga ito.

Palihim namang nagsikuhan si Fiona at Marga na tila mga dalagang kinikilig sa eksenang nakikita.

Advertisement