
Sinilipan ng Binatang Ito ang Pinapangarap na Dalaga, Makalusot Kaya Siya sa Ginawa Niyang Ito?
“Pupwede bang ikaw na lang ang kapareha ko sa aktibidad natin? May kaniya-kaniyang kapareha na kasi ang mga kaibigan ko, ako na lang ang walang kapareha,” daing ni Glenbert sa isang tahimik na binata sa kanilang klase.
“Ay, oo sige, walang problema! May naisip ka na bang pupwede nating gawin para maging makabuluhan ‘yong presentasyon natin bukas?” magiliw na tanong nito dahilan para mapaupo siya sa tabi nito.
“Ah, eh, pupwede naman tayong gumawa ng kanta para kakaiba. Kahit simple lang, marunong naman akong maggitara!” sabi niya na labis nitong ikinatuwa.
“Naku, maganda nga ‘yan! Kaso, paano tayo gagawa ng kanta? Saan tayo mag-eensayo?” agad na tanong nito.
“Pupwede bang sa bahay niyo na lang? Maliit lang kasi ang bahay namin, wala tayong mapupwestuhan doon,” sabi niya habang patagong nangisi.
“Ayos lang naman, basta, huwag kang maiilang sa ate ko, ha? Pagala-gala ‘yon palagi sa bahay namin, eh,” paalala nito na kaniyang ikinangiti.
“Oo ba! Hindi naman ako maarte saka, magaling akong makisama!” tuwang-tuwa niyang sagot habang kumekendeng-kendeng pa.
“O, sige, kita na lang tayo pagtapos ng buo nating klase ngayong araw para masimulan na natin!” wika pa nito dahilan para siya’y masabik sa pagpunta sa bahay nito.
Hindi mapantayan ang sayang naramdaman ng binatang si Glenbert nang agad niyang mapapayag ang kaklaseng sa bahay nito gumawa ng kanilang aktibidad para sa paaralan.
Matagal na niya kasing hinihintay ang pagkakataong makatapak sa bahay nito dahil noon pa man, humaling na humaling na siya sa kapatid na babae nito na sobrang ganda na, napakakinis pa ng balat.
Sa katunayan, nagagawa nga niyang sundan nang patago ang kapatid nito mula sa trabaho hanggang sa bahay nito. Masaya na siya kapag nakikita niya itong malapit sa kaniya o kung hindi naman, kapag napatingin ito sa kaniya.
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya halos mapatalon sa tuwa nang pumayag ang kaklase niyang magpunta sa bahay nito.
Nang araw na ‘yon, agad na nga siyang nakipagkita sa kaklase niya at sila’y dali-dali na ring nagpunta sa bahay nito bago pa man maggabi.
Ang hinahangaan niyang dalaga ang sumalubong sa kanilang dalawa. Binigyan lang siya nito ng pilit na ngiti saka biglang nagtungo sa isang silid.
“Nakilala niya yata ako, ha?” wika niya sa sarili.
“Glenbert, saglit lang, ha? Magpapalit lang ako ng damit, dito ka muna,” paalam ng kaklase niya dahilan para siya’y agad na makaisip ng paraan upang masilayan nang matagal ang gusto niyang dalaga.
Pagkaalis na pagkaalis nito, siya’y dahan-dahang nagpunta sa silid ng dalagang iyon. Unti-unti niyang binuksan ang pintuan nito at halos mapalundag siya sa saya nang makitang nagbibihis ito.
Hindi pa siya nasiyahan, agad niya pang kinuha ang selpon niya at kinuhanan ng bidyo ang naturang dalaga.
Ngunit bago pa man tuluyang matanggal ng dalaga ang pangbaba nitong damit, siya’y agad nang sinuntok ng kaklase niya mula sa likuran.
“Sinasabi na nga ba, eh, may pagnanasa ka sa ate ko! Matagal ko nang napapansin ang mga galaw mo!” sigaw nito saka muli siyang sinapak.
“Hoy, nagkakamali ka!” sagot niya habang hawak-hawak ang pisnging nasapok.
“Anong nagkakamali? Binibidyuhan mo nga siya habang nagbibihis! Kitang-kita ka na!” sigaw pa nito.
“Wala kang katibayan!” tugon niya.
“I-save mo ang bidyo ng CCTV natin, natawagan ko na rin ang mga tanod. Wala ka nang takas, sa wakas, nahuli na rin ang taong nagbibigay ng kaba sa akin araw-araw,” kalmadong sabat ng dalagang hinahangaan niya saka siya biglang tinali gamit ang kumot na kaniyang ikinagulat.
Oramismo, siya nga ay agad na dinampot ng mga tanod doon. Halos halikan niya ang paa ng pamilya ng kaklase niya dahil sa pagmamakaawa na huwag siyang ipakulong.
“Titigilan ko na po siya, pangako! Huwag niyo lang po akong ipakulong. Marami pa po akong pangarap!” iyak niya sa mga ito.
Nagmakaawa na rin ang nanay niya sa buong pamilya nito pagkadating nito sa barangay.
“Pakiusap po, patawarin niyo ang anak ko. Siya na lang ang pag-asa ko. Sisiguraduhin ko pong hindi na niya kayo magagambala,” iyak nito habang nakaluhod na talaga nga namang nagpalambot sa puso ng dalaga.
Halos wala na siyang maiiyak na luha nang tuluyan siyang patawarin ng dalagang iyon. Katakot-takot na pasasalamat ang binigay niya sa mga ito at siyempre, muli siyang humingi ng tawad.
Simula noon, tinigilan na nga niya ang pagsunod at pagpapantasiya sa dalagang iyon at itinuon na lang ang pansin niya sa kaniyang pag-aaral na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.
Hindi masamang humanga sa isang tao, ang masama, maiparamdam natin sa kanila na hindi sila ligtas sa ating mga kamay.