
May Natagpuang ‘Di Pamilyar na Damit ang Ama sa Kanilang Bahay; Pinagbintangan Niyang may Dinalang Lalaki ang Anak Niya Habang Wala Sila
“Annie, may dinadala ka bang lalaki rito sa bahay natin kapag nasa trabaho kaming dalawa ng mama mo? Umamin ka na bago tuluyang mag-init ang ulo ko,” diretsahang tanong ni Santos sa kaniyang anak na nag-aaral sa kanilang sala.
“Diyos ko, ang malisyosong utak ni papa, umiiral na naman! Wala pa nga sa isip ko ang pagkakaroon ng nobyo tapos tatanungin mo ako ng gan’yan? Nakita mo nang tutok na tutok akong mag-aral, papa, paano ko masisingit ang paglandi ngayon?” sagot nito sa kaniya habang pinapakita ang sandamakmak na librong inaaral nito.
“Umamin ka na, huwag mong hintayin na magalit ako at palayasin kita!” pagbabanta niya pa rito.
“Papa, wala naman akong dinadalang lalaki rito! Saka kung magdadala man ako, ipapakilala at ipapaalam ko sa inyo!” sagot naman nito sa kaniya.
“Kanino pala itong damit na ‘to, ha? Hindi sa akin ito, Annie! Ngayon ko lang ‘to nakita sa labahan natin! Magsabi ka ng totoo kung ayaw mong patigilin kita sa pag-aaral!” muli niyang sigaw dito habang pinapakita rito ang damit na nakita niya sa kanilang labahan.
“Hindi ko talaga alam, papa, maniwala ka sa akin!” iyak na nito dahil sa kaniyang panggigipit.
“Ayaw mong umamin? Ako lang ang lalaki rito tapos may damit na hindi naman sa akin?” bulyaw niya pa.
Bantay sarado sa nag-iisa nyang anak na babae ang padre de pamilyang si Santos. Ayaw niyang matulad ito sa ibang kabataan na maagang nag-aasawa at nauuwi sa isang mahirap na kinabukasan.
Nais niyang maging matagumpay ito katulad nila ng kaniyang asawa kung saan inuna muna nilang dalawa na mag-ipon at magpakasal bago bumuo ng sariling pamilya.
Kaya naman, ganoon na lang ang takot at kabang bigla niyang naramdaman nang makakita siya ng isang hindi pamilyar na damit sa lagayan ng marumihan nilang damit.
Agad niya man tinanong sa anak niyang abala sa pag-aaral, labis itong tumatanggi na talaga nga namang ikinagalit niya.
Nang gabing iyon, habang sinesermunan niya ang anak na dalagang umiiyak na, biglang dumating ang kaniyang asawa.
“O, bakit umiiyak ang unica hija ko?” tanong nito nang agad na mapansing umiiyak ang kanilang anak.
“Iyang anak mo, may dinadala nang lalaki rito! Pinapaamin ko, ayaw pang umamin!” sigaw niya dahil sa panggagalaiting nararamdaman.
“Ano? Paano mo nalaman?” gulat na tanong nito, “Totoo ba ‘yon, anak?” tanong pa nito sa anak niya na agad na umiling.
“Anong hindi? Ito, o, may nakita akong hindi pamilyar na damit sa marumihan natin! Paano mo mapapaliwanag ‘to, ha? Kung ako sa’yo, umamin ka na kung ayaw mong itakwil kita bilang anak ko!” sigaw niya pa sa anak habang nanlilisik ang mga mata, ngunit bigla niyang napansin na nag-iihit na kakatawa ang asawa niya sa tabi nito, “Anong nakakatawa, mahal?” galit niyang tanong dito.
“Tumatanda ka na nga, mahal. Binigay ko ‘yan sa’yo kagabi at ayaw mong suotin dahil hindi pa nalalabhan kaya nilagay ko sa labahan. Regalo ko ‘yan sa’yo dahil anibersaryo natin kahapon, ‘di ba?” tawang-tawa paliwanag nito na ikinakamot ng ulo niya.
“Si papa naman, eh!” sigaw ng kaniyang anak na tawang-tawa rin.
Sa sobrang kahihiyang nararamdaman niya, siya’y agad na pumasok sa kanilang banyo saka roon tumawa. Rinig na rinig niya ang tawanan ng kaniyang mag-ina dahilan para siya’y mapailing-iling na lang.
“Sa sobrang pagbabantay sa akin ni papa, nakakalimot na sa gamit niya! Pangako, papa, magtatapos muna ako, bago ako mag-asawa! Susundan ko ang yapak niyo ni mama!” sigaw ng kaniyang anak na ikinangiti niya dahilan para siya’y agad nang lumabas doon.
Patuloy man siyang pinagtatawanan ng kaniyang mag-ina, siya’y naupo sa tabi ng mga ito at mariing na niyakap ang anak.
“Pasensya na, anak, ha? Nasigaw-sigawan kita, ayoko lang na maligaw ka ng landas,” sabi niya rito habang patuloy pa rin sa pagtawa ang kaniyang asawa sa gilid.
“Naiintindihan ko po, papa. Ang hindi ko lang maintindihan, bakit nakalimutan mo kaagad ang regalo ni mama?” sambit nito saka sila muling nagtawanan.
Simula noon, kinalma na niya ang sarili at patuloy na naniwala sa pangako ng kaniyang anak. Hindi man niya ito makontrol sa mga kagustuhan nito, nangako rin siyang ito’y gagabayan sa abot ng kaniyang makakaya.
“Huwag natin siyang labis na paghipitan, mahal, mahirap nang malayo ang loob niya sa atin,” payo ng kaniyang asawa saka siya niyakap.