Inday TrendingInday Trending
Walang Naniniwala sa Dalagang Ito Nang Isiwalat Niya ang Ginawa sa Kaniya ng Pari, Ginawa Niya ang Lahat Upang Magbayad Ito

Walang Naniniwala sa Dalagang Ito Nang Isiwalat Niya ang Ginawa sa Kaniya ng Pari, Ginawa Niya ang Lahat Upang Magbayad Ito

“Hi, Raya! Kumusta ka na? Ang tagal mo nang hindi pumupunta sa church, ha? Miss na miss ka na namin! Kailan ka namin ulit makakasama?” magiliw na sabi ni Dessa sa dalagang nakasama niya sa simbahan, isang umaga nang makasalubong niya ito sa palengke.

“Naku, ate, mukhang hindi na po talaga ako pupunta roon,” sagot ni Raya habang nakatungo.

“Bakit naman? Ayaw mo na bang manilbihan sa Diyos?” tanong pa nito sa kaniya dahilan para magdesisyon siyang tapatin ito.

“Ah, eh, ate, may sasabihin po akong sikreto sa inyo. Si Father po kasi, may ginawang kababuyan sa akin. Hinawakan niya po ang mga pribadong parte ng katawan ko. Ilang beses na po iyong nangyari kaya natatakot na po akong magpunta sa simbahan,” kwento niya na agad na ikinakunot ng noo nito.

“Ay, huwag kang gumawa ng kwento, Raya. Masisira ang simbahan kapag kumalat ‘yan! Imposible ‘yang magawa ni Father dahil tapat siya sa Diyos! Alam niyang kasalanan ‘yon!” sigaw nito na ikinabigla niya.

“Pero totoo po ‘yon, ate, maniwala po kayo sa akin!” giit niya habang iiling-iling ito.

“Kung ayaw mo nang manilbihan, diretsahin mo ako, hindi ‘yong sisiraan mo si Father!” sabi pa nito saka siya tuluyang iniwan kaya siya’y naiyak na lang habang tinitingnan itong maglakad palayo.

Ni isa sa mga pinagsabihan ng dalagang si Raya tungkol sa ginawa sa kaniyang kababuyan ng isang pari sa kanilang lugar, walang naniniwala sa kaniya. Kung hindi siya sasabihan ng sinungaling o gawa-gawa ng kwento, pagtatawanan lang siya ng mga ito.

Sabi ng karamihan, napakaimposible raw na gawin ito sa kaniya ng isang paring lumalakad ng iskolarship nilang mga kabataan. Bukod pa roon, sabi pa ng iba, hindi iyon magagawa ng pari dahil nga kaisa nito ang Diyos at alam nitong mali iyon.

Ngunit kahit ganoon ang paniniwala ng iba, ramdam na ramdam at tandang-tanda niya pa hanggang ngayon kung paano siya hawakan nito, takutin, at ang mga araw at oras kung kailangan ito nangyari.

Gustuhin man niyang ipagtanggol ang sarili o makamit ang hustisyang kailangan niya, wala siyang magawa kung hindi ang lumayo na lang dahil walang kakayahan ang kaniyang mga magulang na siya’y ipagtanggol gamit ang batas.

Kaya lang, nang araw na iyon na mismong taong simbahan ang hindi naniwala sa kaniya at siya’y sinigaw-sigawan pa, muling bumalik ang kagustuhan niyang patunayan ang kasalanang ginawa sa kaniya ng pari.

“Hindi porque ginalang siya ng karamihan, hindi na niya pagbabayaran ang kasalanang ginawa niya. Siguro, tinutulak talaga ako ng Diyos ngayon para mapatunayan ang kabast*sang taglay niya,” sabi niya sa sarili saka agad na nagtungo sa simbahang iyon.

Kahit na takot na takot pa siyang humarap dito, tinuloy niya pa rin ang kaniyang plano. Hinanda niya ang selpon niya upang makuhanan ang anumang maaaring gawin nito at saka tuluyan pumasok sa simbahan.

Nadatnan niya itong nag-aaral ng bibliya kasama ang ilan pang iskolar na katulad niya. Nang siya’y makita nito, biglang lumiwanag ang mukha nito at patuloy nang tumingin-tingin sa kaniya.

Buong akala niya’y hanggang tingin lang ang gagawin nito sa kaniya ngunit pagtapos nitong magturo ng bibliya, siya’y inutusan nito sa sarili nitong opisina at doon na naman siya nito hinawakan. Patuloy niyang patagong kinukuhanan ng bidyo ang ginagawa nito habang panay ang kaniyang pag-iwas na direktang nakikita ng iba sa social media.

Hindi pa ito nakuntento sa paghawak sa kaniya, sabi pa nito, “Hub*rin mo ‘yang damit mo, hija, na-miss kita nang sobra!” na talaga nga namang ikinapanghina niya.

Nang hindi siya gumagalaw dahil sa pagkagulat at takot, dahan-dahan itong lumapit sa kaniya. Bago pa nito makalapit nang tuluyan, tinututok niya sa mukha nito ang kamera at sinabing, “Ngayon, bistado ka na, Father! Walang naniniwala sa akin sa kababuyang ginagawa mo! Wala ka nang maitatanggi ngayon!” dahilan para agad siyang suntukin nito sa mukha at tapusin ang live video na iyon.

Nagising na lang siyang nasa ospital na, agad na binalita ng nanay niyang nagbabantay sa kaniya na nasa kamay na raw ng mga pulis ang paring iyon.

Marami na rin ang naniwala sa kaniya at nagbigay tulong upang huwag na siyang umasa sa iskolarship na dati’y ibinibigay sa kaniya ng makasalanang pari na labis niyang ikinapasalamat sa Itaas.

“Alam kong kakampi Kita simula noong una palang. Salamat sa Iyo, Panginoon ko at hindi mo ako pinabayaan!” iyak niya, nang araw na tuluyang matanggalan ng lisensya at makulong ang paring iyon nang panghabambuhay.

Advertisement