Inday TrendingInday Trending
Hindi man Lang Siya Naalalang Batiin ng Pamilya sa Kaniyang Kaarawan; Isang Nakakaiyak na Mensahe ang Magpapaluha sa Kaniya sa Huli

Hindi man Lang Siya Naalalang Batiin ng Pamilya sa Kaniyang Kaarawan; Isang Nakakaiyak na Mensahe ang Magpapaluha sa Kaniya sa Huli

Kaarawan ni Marga ngayon, ngunit hindi kagaya nang dati na masaya siya. Ngayon ay parang normal na araw lamang, wala man lang kasing nag-abala na paghandaan siya. Sa tatlo niyang anak ay wala man lang ni isa ang nag-abalang lutuan siya kahit pansit, pampahaba sana ng buhay. Wala man lang… kaya nakakadismaya.

“‘Ma, alis na ako,” ani Vicmar, ang panganay niyang anak.

“Ingat ka anak,” aniya.

Humalik lamang ito sa pisngi at nagmamadali nang umalis. Hindi nga man lang naalalang batiin siya sa kaniyang kaarawan. Gano’n rin ang ginawa ng dalawa pa niyang anak. Nagpaalam lang na aalis na at papasok sa trabaho, pero hindi man lang siya naalalang batiin. Mas lalong nakakadismaya!

Tanghali na nang magdesisyon si Marga na magluto na lang ng pansit, lulutuan na lamang niya ang kaniyang sarili. Wala namang isa sa pamilya niya ang nakaalala na kaarawan niya ngayon, kahit nga mismong asawa niya. Mas naaalala pa nitong pakainin at painumin ng vitamins ang mga alagang manok, kaysa batiin siya. Sabagay, kaarawan lang naman niya ito, lilipas din at bukas ay normal na araw na.

“Oh? Bakit ka nagluto ng pansit, Marga? Ano’ng mayroon?” anang kaniyang asawang si Bernie.

Gustong-gusto niya itong singhalan at sabihing kaarawan niya ngayon. Pero mas pinili na lamang ni Marga na pakalmahin ang sarili at ipaalalang lilipas din ang araw na ito.

“Wala lang, gusto ko lang magluto ng pansit,” aniya, saka ibinigay ang pinggang may lamang pansit. “Kainin mo na iyan,” aniya.

Nakakadismaya ang buong pamilya niya. Wala na yata siyang halaga sa bahay na ito. Hindi man lang naalala ng mga itong kaarawan niya. Kahit batiin na lamang siya’y hindi man lang ginawa.

Kinahapunan, matapos maghanda ng makakain si Marga ay mas pinili na lamang niyang maligo at matulog nang maaga. Itutulog na lamang niya ang dismayang naramdaman sa pamilya. Nagbabasa siya ng libro upang pampaantok nang may kumatok sa may pinto.

“Hindi ‘yan naka-lock, pumasok ka na,” aniya.

Si Bernie lamang iyon na tamad pihitin ang seradura upang bumukas ang pinto. Ang kaso’y hindi pa rin bumubukas ang pintuan at panay pa rin ang katok ng kung sino mang nasa labas. Inis na bumangon si Marga at nakabusangot na binuksan ang pintuan nang sa gulat ay sabay-sabay na nagsigawan ang buo niyang pamilya ng maligayang kaarawan.

“Happy birthday, mama, we love you!”

Masayang bati ng kaniyang tatlong anak, habang hawak-hawak naman ng kaniyang asawa ang cake na may nakasinding kandila sa ibabaw. Hindi napigilan ni Marga ang pag-iyak sa galak. Ang buong akala niya’y nakalimutan na ng mga ito ang kaniyang kaarawan.

“Ang sama-sama niyo,” aniya. Umiiyak.

“Sorry na ‘ma, gusto ka lang naman naming i-surpresa, kaya hindi ka namin binati kanina,” ani Vicmar.

“Sorry ‘ma, at maligayang kaarawan sa pinaka-the-best na nanay! Sorry na,” ani Marie, ang kaniyang bunsong anak.

“S’yempre, makakalimutan ba naman namin ang kaarawan mo, ‘ma? Ikaw ang nag-iisa naming nanay kaya imposibleng mangyari ‘yon,” segunda naman ng kaniyang pangalawang anak na si Nathalia.

Ngunit ayaw pa rin papigil ng kaniyang luha. Kaya muli siyang niyakap ng mga anak at ng kaniyang pasaway na asawa. Hindi niya akalain na kasabwat pala ito.

“‘Ma, salamat at maligayang kaarawan,” ani Vicmar. “Sa’ming magkakapatid, ako ang hindi niyo tunay na anak ni papa, pero minahal niyo ako nang sobra na parang tunay niyo akong anak. Kaya ang laki-laki ng utang na loob ko sa inyo, ‘ma, ‘pa,” ani Vicmar.

Mas lalo lamang naiyak si Marga sa sinabi ni Vicmar. Kailanman ay hindi niya inisip na iba si Vicmar sa kanila. Napulot lamang niya noon si Vicmar sa kalsada habang nakasilid sa maliit na kahon, iniwan ng kung sinuman ang batang umiiyak dala na rin siguro ng gutom. Dalaga pa siya noon at walang alam sa buhay. Kagaya ni Vicmar ay hindi rin niya nakilala ang kaniyang mga magulang dahil nasa bahay-ampunan na siya nang siyang nagkaroon ng muwang.

Kaya labis ang awang naramdaman niya para sa batang si Vicmar noon. Inampon niya si Vicmar at tinuring na kaniyang tunay na anak. Lahat ng manliligaw niya noon ay ipinapakilala niya si Vicmar at sinasabing isa siyang dalagang ina. Kung sino ang tatanggap sa kanilang dalawa, iyon ang kaniyang mapapangasawa.

Marami ang hindi nakipagsapalaran na pumasok sa buhay niya lalo na’t isa pala siyang dalagang may anak na. Tanging si Bernie lamang ang matapang na tinanggap silang dalawa, kaya heto ngayon at buo na silang pamilya. Kagaya niya’y minahal ni Bernie si Vicmar, na parang nanggaling rin ito sa kaniya.

“Huwag mong isipin ang bagay na iyan, anak. Kahit anong mangyari, anak ka namin ng mama mo, kaya mahal na mahal ka namin at pamilya tayo. Ikaw ang panganay namin,” ani Bernie sa anak.

“Tama ang papa mo, anak,” sang-ayon ni Marga. “Ikaw ang dahilan kaya nabuo ang pamilyang ito. Hindi mahalaga kung kadugo ka man namin o hindi, dahil ang mahalaga, mahal ka namin at mabigat ka sa puso namin ng papa mo. At saka kung sa legal na paraan, tunay ka naming anak ng papa mo,” ani Marga saka niyakap ang panganay na anak. “Kaya hindi mo kailangang tingnan kung paano ka dumating sa buhay ko, ang mahalaga’y dumating ka sa’kin, kaya anak kita. Naiintidihan mo, Vicmar?” maluha-luha niyang kausap sa anak.

Tumango si Vicmar saka sabay-sabay na niyakap ang mga magulang at kapatid. Salamat sa Diyos, tinapon man siya ng tunay niyang mga magulang, napunta naman siya sa mga magulang na mahal na mahal siya higit pa sa pagmamahal na dapat niyang matanggap.

“Oh! Siya na’t lantakan na natin itong pagkain. ‘Yong mama niyo kanina halos ‘di maipinta ang mukha. Akala niya siguro talaga’y nakalimot na kayong lahat sa kaarawan niya,” natatawang wika ni Bernie.

“Kasi naman wala man lang kayong pabati!” natatawa at mangiyak-ngiyak na wika ni Marga.

Nagtawanan na lamang ang lahat at sinimulan nang pagsaluhan ang pagkaing kanilang hinanda para sa kanilang uliran, mabait, maunawain, at pinakamamahal na nanay.

Advertisement