Inday TrendingInday Trending
Delikado na ang Lagay ng Ale sa Bahay Nito Kaya Naisip Nilang Tulungan Ito, Ngunit Matigas Ito at Ayaw Sumama sa Kanila; Paano Kaya Nila Ito Makukumbinsi?

Delikado na ang Lagay ng Ale sa Bahay Nito Kaya Naisip Nilang Tulungan Ito, Ngunit Matigas Ito at Ayaw Sumama sa Kanila; Paano Kaya Nila Ito Makukumbinsi?

“Kendra, halika nga rito,” tawag sa kaniya ni Mariel.

Nagtataka man si Kendra sa kasama ay wala siyang magawa kung ‘di ang lumapit sa pwesto nito. Kung pagbabasehan kasi ang nakikita niyang itsura ng kasama ay masasabi niyang namomroblema ito at sa kung ano mang dahilan ay hindi niya rin alam.

“Bakit?” tanong niya.

“Tingnan mo nga ito,” anito, sabay pakita sa kaniya ng isang report na mula sa mga LGU at isang malaking litrato ng matandang babae. “Natatandaan mo na ang mukha niya?” maya maya ay tanong nito.

Salubong ang kilay na tiningnan niya si Mariel. “Hindi e, bakit ano bang mayroon sa kaniya?”

Marahas itong nagbuga ng hininga sa baga saka isinuklay ang sariling daliri sa buhok. “Ilang rescuer na ang pumunta sa bahay niya para kunin siya at ilagay sa bahay kung saan mas maaalagaan siya’t makakakain nang maayos,” ani Mariel. “Ang kaso’y ayaw niyang sumama at mas kumportable raw siya sa bahay na iyon, dahil doon na raw siya nakatira simula pa noong bata pa siya.”

“Oh! Ano naman ang problema roon kung totoo nga ‘yong mas kumportable siya roon?” taka niya pa ring tanong.

“Wala namang problema, Kendra, ang kaso nga lang ay hindi na maganda para sa kalusugan niya ang lugar na ‘yon, tapos ang bahay isang ihip na lang ng hangin ay matatangay na. Tapos walang nag-aalaga sa kaniya, wala siyang asawa’t mga apo. Tumandang dalaga, kaya mag-isa sa buhay at hindi nakakakain nang maayos,” namomroblemang paliwanag ni Mariel sa kaniya.

Matapos sabihin iyon ni Mariel ay naunawaan ni Kendra kung bakit namomroblema ngayon si Mariel. Naaawa ito sa matanda at nais nitong bigyan ang matanda ng magandang pangangalaga— sana! Ang kaso’y ayaw ng matanda ng tulong ng kahit sinuman.

Nagdesisyon si Kendra na siya na mismo ang pupunta sa lugar kung saan nakatira ang matandang babae at susubukan niya itong kumbinsihin na sumama sa kaniya upang maihatid nila ito doon sa bahay kung saan ang mga kagaya nito’y mas naaalagaan nang maayos at nababantayan.

“Ayoko nga pong umalis sa bahay na ito. May awa naman ang Diyos at hanggang ngayon ay wala pa namang nangyayari sa’king masama. Hayaan niyo na lang ako rito,” ani Nanay Korina.

Mariing naipikit ni Kendra ang mga mata, naalala ang banta sa kaniya ni Mariel na kailangan niyang makumbinsi ang matandang umalis sa lugar na iyon kung ayaw niyang siya ang managot sa galit nito. Inikot ni Kendra ang buong paningin sa maliit na bahay ni Nanay Korina.

Bukod sa maliit at marurupok na kahoy ang dingding ay madumi na ang bahay, siguro’y dahil hindi na kaya ni Nanay Korina ang linisan ito. Sa labas naman ay may nakatambak na gabundok na basura, dahil doon tinatapon ng mga residente ng lugar ang mga basura nila. At mag-isa lamang si Nanay Korina at nakita nga niya ang sinabi ni Mariel na isang ihip na lang ng hangin, lilipad na ang bahay nito. Tunay na hindi na nakakabuti sa lugar na ito si Nanay Korina.

“Dito na ako nagkaroon ng isip, ineng. Dito kami nakatira noon ng mga magulang ko kaya ayokong umalis sa lugar na ito. Kahit na may masangsang na amoy ang dala ng hangin ay kaya kong magtiis. Palagi lang akong nagdarasal na gabayan ako ng Panginoong Diyos at sa awa naman Niya ay walang nangyayaring masama sa’kin,” paliwanag ni Nanay Korina.

“Pero sobrang delikado na po ng bahay na ito para sa inyo, nanay,” tugon ni Kendra. “Kapag hindi pa kayo umalis sa bahay na ito baka dumating ang pagkakataon na mapahamak kayo.”

Umismid ang matanda. “Naniniwala akong may Diyos na gumagabay sa’kin, ineng,” anito.

“Pero malay niyo po, isa kami sa ipinadala ng Diyos na pinapaniwalaan niyo upang iligtas kayo bago pa man may mangyari sa inyong masama, nanay,” ani Kendra.

Natigilan ang matanda sa sinabi niya, tila napaisip ito sa kaniyang sinabi. Kaya nagpatuloy si Kendra sa nais niyang sabihin.

“Malay niyo po, kami ang ipinadalang istrumento ng Panginoon upang sabihin sa inyo na hindi na maganda ang kinalalagyan niyo ngayon, na baka mapahamak kayo kapag hindi pa kayo lumisan dito. Ako po taimtim rin po akong naniniwala na may Diyos at hindi Niya ako iniiwan, kaya nga po ako nagdadasal kasi alam ko na nand’yan lang Siya palagi at handang tumulong,” ani Kendra.

Tila nakuha na niya ang atensyon ng matanda dahil hindi na ito kumontra pa sa sinabi niya.

“Minsan nanghihingi ako sa kaniya ng sign o gabay kung ano ba ang dapat o hindi ko dapat na gawin. Madalas naman ay ibinibigay Niya ang sign na iyon sa’kin upang gabayan ako sa mga desisyong gagawin ko sa buhay, minsan naman ay may ipinapadala Siya sa’king tao upang maging instrumento na nasagot na Niya ang hinihingi ko. Malay niyo po pala, nanay, kami ang ipinadalang instrumento ng Panginoon, upang ibigay sa inyo ang matagal niyo nang hinihiling,” pilit niyang pangungumbinsi sa matanda.

Lahat naman tayo ay nananalangin upang humingi ng gabay sa’ting Panginoong Diyos, humihingi ng tulong at nag-aalay ng dasal. Minsan hindi natin napapansin na sinagot niya na pala niya ang mga hinihiling natin, pero madalas ay nababalewala ang sign na ibinigay Niya.

Tumitig sa mukha ni Kendra si Nanay Korina at maya maya’y inikot ang buong paningin sa buong bahay saka mahinang humikbi.

“Ang totoo’y tama ka, ineng. Baka ito na nga ang oras para lisanin ko ang lugar na ito. Nahihirapan na ako rito pero talagang ayokong bitawan ang mga alaalang nangyari sa bahay at lugar na ito,” tangis na wika ni Nanay Korina.

Niyakap ni Kendra ang matandang babae at inalo. Naiintindihan niya si Nanay Korina, mahirap bitawan ang mga magagandang alaala lalo na kung iyon na lamang ang nagpapasaya sa’yo.

Sumama si Nanay Korina kay Kendra at sa mga kasamahan niya. Sa daan pa lang ay panay na ang tawag ni Mariel sa kaniya. Tuwang-tuwa ito sa nalamang sa wakas ay sumama na si Nanay Korina sa kanila at pumayag na itong pumasok sa bahay kung saan ito mas maaalagaan.

Inasikaso ni Kendra si Nanay Korina at bago umuwi ay siniguro niya munang nasa maayos na ito at kumportable ito sa lugar. Nang magpaalam siyang uuwi na’y mahigpit na hinawakan ni Nanay Korina ang kaniyang kamay at buong pusong nagpasalamat sa kaniya.

“Salamat, ineng at hindi niyo ako sinukuan,” ani Nanay Korina.

Animo’y malamyos na kamay ang humimas sa puso ni Kendra nang marinig ang pagpapasalamat ni Nanay Korina. Niyakap niya ito at nangakong babalik din kinabukasan. Nang magkausap sila ni Mariel ay panay ang pasalamat nito sa kaniya at ‘di gaya no’ng nakaraang araw na animo’y tinakluban ng langit at lupa ang mukha nito. Ngayon ay masayang-masaya ito.

“Mission accomplished, Kendra! Hindi ako nagkamali na ikaw ang ipadala ko kay Nanay Korina, maraming-maraming salamat talaga,” masayang yakap nito sa kaniya.

Pakiramdam ni Kendra ay naging isang super woman siya no’ng araw na iyon. Pero ang totoo’y higit pa roon ang naramdaman niya. Masaya siya na animo’y may isang buhay siyang nailigtas sa araw na iyon.

Tinupad naman ni Kendra ang ipinangako niya kay Nanay Korina. Araw-araw niya itong dinadalaw at binibisita. Ang dating patpatin nitong katawan ay nagkakaroon na ng laman, dahil na rin sa nakakakain na ito nang maayos at may mga gamot ng naiinom para sa katawan nito. Maganda na rin ang kapaligiran nito hindi gaya dati na masangsang na amoy ang nalalanghap.

Ayon nga sa matandang kasabihan, kumilos ka at gagabayan ka Niya sa landas kung saan ka mas mapapabuti.

Advertisement