
Pinalayas ng Tiyahin at Minaliit pa ng Pinsan ang Batang Babae na Nagtitinda ng Tinapa; Nang Umikot ang Gulong ng Kapalaran ay Nag-Iba ang Sitwasyon Nila
Wala pang isang linggong namayapa ang ama ni Rosalie na isang kawani ng gobyerno ngunit ramdam na niya ang pagbabago ng takbo ng buhay niya. Walong taong gulang pa lamang siya nang palayasin sila ng kanyang ina at tatlo pang kapatid ng kanyang tiyahin na nakatatandang kapatid ng kanyang ama. Hindi boto ang pamilya ng ama niya sa kanyang ina na tindera lang ng tinapa kaya nang mawala ito ay nakahanap ng butas ang matapobre niyang tita na paalisin sila sa bahay na ipinundar ng tatay niya.
Dahil hindi naman nakatapos sa pag-aaral ang nanay niya ay inaapi-api ito ng kapatid ng tatay niya. Pati silang magkakapatid ay idinamay sa galit nito kaya wala silang nagawa kundi ang umalis at tumira sa bakanteng kubol na dating kulungan ng baboy. Doon sila pinatira ng tiyahin niyang si Loreta.
“Diyan kayo nababagay! Ngayong wala na si Roman ay tapos na ang maliligayang araw ninyong mag-iina! Mabuti nga at binigyan ko pa kayo ng matitirhan, pasalamat pa kayo sa akin ‘no! Pero hindi libre ang pagtira ninyo riyan dahil sisingilin ko kayo ng isang daang piso kada kinsenas at katapusan. Aba, wala nang libre ngayon ‘no! Kung hindi ninyo kaya, eh, malaya naman kayong makakaalis at maghanap ng ibang masisilungan ninyo!” wika ni Loreta sa kanila.
Sa pagtitinda ng tinapa na tangi nilang ikinabubuhay ay napakalaking halaga na ang isang daang piso kada kinsenas at katapusan ngunit para sa nanay niyang si Mila ay mabuti na iyon kaysa pulutin sila sa kalye. Kung ito lamang mag-isa ay kakayanin nitong tumira sa kalye ngunit hindi nito maaatim na mawalan ng tirahan silang magkakapatid kaya tinanggap nito ang alok ng kanyang tiyahin.
Ngayong wala na ang ama ay mag-isa silang binubuhay ng ina. Pinag-aaral din sila nito kahit napaka-imposible na sa liit ng kinikita sa paglalako ng tinapa. Tinutulungan na lamang niya ang ina sa pagtitinda.
“Sigurado ka bang sasama ka sa akin, Rosalie?” tanong ng ina.
“Opo, ‘nay. Gusto ko pong makatulong sa inyo. Wala naman po akong pasok sa eskwela, eh. Para maaga po kayong makaubos ng inyong paninda,” sagot niya.
Dahil walang makakasama ang mga kapatid niya ay inihahabilin nila sa kapitbahay ang mga ito. Mababait naman ang mga kapatid niya at hindi makukulit kaya hindi mahirap bantayan.
Ganito ang gawain ni Rosalie kapag walang pasok sa eskwela, tumutulong siya sa nanay niya sa paglalako. Sa awa naman ng Diyos ay mabilis silang nakaubos ng araw na iyon. Nakabalik sila sa tinitirhan nila bago mag-alas singko ng hapon.
“Salamat, Rosalie at tinulungan mo akong maglako kaya madaling naubos ang mga tinapa natin,” masayang sabi ni Mila sa anak.
“Walang anuman po, ‘nay. Wala na naman po akong gagawin….”
Nang may maalala si Rosalie.
“Naku, kailangan ko palang mag-research sa internet tungkol sa assignment namin sa History!” sambit niya.
“Sabi na nga ba, eh, may gagawin ka pa pala. Eh, paano ‘yan, gagamit ka kamo ng internet? Nasa kabilang bayan pa ang internet shop, baka abutin ka na ng dilim sa daan. Ang mabuti pa ay makihiram ka muna ng tablet sa pinsan mong si Ruby. May internet sila sa bahay ‘di ba? Makiusap ka muna, anak. Sabihin mo’y babayaran ko na lang ang minutong gugugulin mo sa pag-iinternet,” tugon ng ina.
Napakamot sa ulo niya sa Rosalie. Alam niya kasi ang ugali ng pinsan niyang iyon. Manang-mana ito sa tiyahin niyang matapobre pero wala siyang magagawa, may kailangan siyang pabor.
Nang puntahan niya ang bahay ng tiyahin ay agad niyang nabungaran si Ruby na naglalaro ng mga mamahalin nitong manyika na galing pa sa Amerika. Inhinyero ang tiyuhin niya sa Florida at malaki ang sinasahod nito kaya sunod na sunod ang layaw ng pinsan niya.
Nang makita siya nito ay tinaasan siya nito ng kilay.
“O, ano’ng ginagawa mo rito? May hihingin na naman ba ang nanay mo sa mommy ko?” inis nitong tanong.
“A, eh, pasensya na, Ruby, pero makikihiram sana ako ng tablet mo. Gagamitin ko lang sa pagre-research para sa assignment ko sa eskwela. Madilim na kasi sa labas ayaw ako payagan ni nanay na pumunta sa internet shop. Saglit lang ako makikigamit ng tablet at wifi. Babayaran naman ni nanay, eh,” sabi niya sa pinsan.
Umismid ito. Halatang hindi gusto na naroon siya ngunit dahil narinig na babayaran ang paggamit niya ng internet ay pinagbigyan nito ang hiling niya. Saglit na pumasok ang pinsan sa kuwarto nito at kinuha ang lumang tablet na ipapahiram sa kanya ngunit laking gulat ni Rosalie nang ibato iyon ni Ruby sa kanya. Mabuti na lang at hindi siya napuruhan sa mukha at agad niya itong nasalo.
“Ayan, gamitin mo na! Kawawa ka naman, ‘no! Kahit kailan ay hindi ka magkakaroon ng ganyan dahil mahirap kayo! Mabuti na lang at hindi ako ipinanganak na mahirap, masarap ang mga pagkain namin, palagi akong may bagong damit, mga mamahaling laruan at gadgets ‘di tulad mo na walang-wala at nakikihiram lang sa pinagsawaan ko na. Ako, wala akong ginawa kundi maglaro lang kapag walang pasok, eh ikaw nagtitinda ka pa ng mabahong tinapa at hindi man lang nakakapag-enjoy. Ang buhay nga naman ng mga mahihirap kaya napakasuwerte ko at laking malas mo!” anito na napabungisngis pa.
Nakaramdam ng matinding pagkapahiya si Rosalie. Mabilis niyang ginamit ang ipinahiram sa kanyang tablet at pagkatapos ay ibinalik uli iyon kay Ruby at nagmamadaling umalis. Hindi alintana ang luha na tuluy-tuloy na dumaloy mula sa kanyang mga mata sanhi ng panliliit sa sarili.
Makalipas ang ang ilang taon
“Tinapa, pagbilhan mo nga ako ng tinapa!” sigaw ng babaeng nakatayo sa labas ng gate ng isang malaking bahay.
Nagmamadaling lumapit ang tindera. Wala pa kasi itong benta mula kanina kaya napakasuwerte niya at ang babaeng mukhang mapera pa ang una niyang kustomer.
Maya maya ay nanlaki ang mata ng tindera ng mamukhaan ang babaeng tumawag sa kanya.
“R-Rosalie!”
Nagulat din si Rosalie nang makilala ang tindera ng tinapa na walang iba kundi ang pinsan niya na si Ruby.
Halos hindi ito makatingin nang diretso sa kanya. Napansin niya na ang dating maputi at maganda nitong kutis ay nangitim na dahil siguro sa maghapong paglalako ng tinapa. Ganoon din kasi ang hitsura niya noong panahong naglalako pa siya ngunit ngayon ay hindi na sila nagtitinda ng nanay niya dahil asensado na ang buhay nila.
Ginawa niyang inspirasyon ang lahat ng pangmamaliit at pang-aapi sa kanila noon ng kanyang tiyahin at ng pinsan niya kaya siya nagpursige na mag-aral ng mabuti hanggang sa nakatapos siya kolehiyo at naging top notcher pa siya. Ngayon ay isa na rin siyang inhinyero na may sarili na ring kumpanya. Nagpagawa siya ng malaking bahay para sa kanyang ina at mga kapatid na dati ay sa kulungan lang ng baboy sila sumisilong, ngayon ay maayos na ang tirahan nila at airconditoned pa. Sawa na rin sila sa masasarap na pagkain na noon ay hindi nila nakakain kaya naisip niya na muling tikman ang tinapa na naging pantawid-gutom nila ng kanyang pamilya noong mahirap pa sila kaya nang may mapadaan na naglalako ay agad niyang tinawag. Hindi naman niya akalain na ang pinsang si Ruby ang nagbebenta niyon.
Sino ang mag-aakala na sa paglipas ng panahon ay magiging baligtad ang kanilang sitwasyon? Mula nang pumanaw ang ama ni Ruby sa isang aksidente sa Amerika ay nagsimula na silang maghirap. Nagkaroon din ng malubhang sakit ang tiyahin niyang si Loreta na tumapos din sa buhay nito at naiwang mag-isa sa buhay ang pinsan niya na walang-wala. Nang mamat*y ang mga magulang ay nakasanla na ang bahay ng mga ito at naubos ang ipon sa pagpapagamot sa ina. Dahil sa hirap ng buhay ay hindi ito nakapagtapos sa pag-aaral at nag-asawa na lang ng maaga at ang piniling lalaki ay isang hamak lang na construction worker. May anim din itong anak na hindi na rin nito mapag-aral dahil maliit lang ang kita sa paglalako ng tinapa at kakarampot din ang sahod ng mister.
Sising-sisi naman si Ruby sa lahat ng ginawa niyang pamamahiya noon kay Rosalie. Ang akala nga niya ay gaganti si Rosalie sa lahat ng ginawa nilang mag-ina noon pero iba ang nangyari.
“Kumusta na, Ruby?” tanong ni Rosalie.
“A-ayos lang,” nahihiyang sagot ng pinsan niya.
“Halika sa loob. Naroon sina nanay at iba mo pang pinsan. Mamaya na natin pag-usapan ang tungkol sa tinapa, kumain ka muna sa bahay, alam kong pagod ka sa paglalako,” nakangiting sabi niya kay Ruby.
Hindi na nakatiiis ang babae at napaluha na.
“Patawad, Rosalie, sa mga ginawa namin noon ni mommy,” hagulgol nito.
“Kalimutan na natin iyon. Tapos na iyon,” sagot ni Rosalie na hinawakan sa kamay ang pinsan at niyaya na papasok sa loob ng bahay niya.
Imbes na maghiganti ay pinakitaan pa rin ng mabuti ni Rosalie ang pinsan niyang si Ruby. Tinulungan pa niya ito, binigyan niya ng puhunan para sa negosyo upang muli itong makabangon. Mas nangibabaw sa kanya ang pagpapatawad kaya mas lalo pa siyang sinuwerte sa buhay at sa kanyang karera dahil sa pagkakaroon niya ng busilak na puso.
Tandaan na ang buhay ay umiikot kaya gumawa ng kabutihan sa kapwa para magandang kinabukasan din ang aanihin.

Delikado na ang Lagay ng Ale sa Bahay Nito Kaya Naisip Nilang Tulungan Ito, Ngunit Matigas Ito at Ayaw Sumama sa Kanila; Paano Kaya Nila Ito Makukumbinsi?
