
Ikinainis ng mga Anak ang Pakikipag-Video Call ng Ina sa May Edad na Lalaki Kaya Sinabihan Nila Itong Malandi; Laking Pagsisisi Nila Nang Makilala Ito
Alas singko pa lang ng umaga ay gising na si Fatima. Pagkatapos na humigop ng mainit na kape ay haharap na ito sa kompyuter para mag-video call.
“Good morning, Hubby! Kumusta? Nakapag-almusal ka na ba?” tanong nito sa kausap.
Sa labas ng kuwarto ng babae ay inis na inis naman ang tatlo niyang anak na sina Boyet, Jinky, at Marla. Palihim ang mga ito na nakikinig sa kausap ng kanilang ina sa video call.
“Kung kailan tumanda ay saka lumandi itong si mama,” nagpupuyos na sabi ni Jinky.
“Dalawang taon pa lang nang pumanaw si papa, nagagawa na niyang kumerengkeng,” sabad naman ni Marla na hindi maipinta ang mukha.
“May tawag doon, eh…hmmm…nagmumurang kamias,” inis na sabi ni Boyet sa dalawang kapatid.
Maghapon na naman kasing magbababad sa kompyuter ang kanilang magaling na ina kausap ang isang may edad na lalaki na ang tawag pa rito ay ‘Hubby’. Hindi naman nila ito makompronta dahil baka magalit ito sa kanila at hindi sila bigyan ng pera.
Napansin nila na mula nang palaging nakikipaglandian ang ina sa lalaki nito ay hindi sila nauubusan ng panggastos. Maliit lang naman ang kinikita ni Fatima sa pagba-buy and sell para sa pag-aaral nila at iba pang gastusin sa bahay ngunit nagtataka sila na hindi na sila nagigipit. Sa isip nila ay ang lalaki ng kanilang ina ang nagbibigay ng pera rito. Matanda na ang mama nila pero may sugar daddy pa.
Isang gabi ay dinig na dinig ng magkakapatid ang pag-uusap ng mga ito sa kuwarto. Kung dati ay boses lang ng mama nila ang malakas sa loob ng kuwarto, pati boses ng lalaking kausap nito ay naririnig na rin nila. Nasira kasi ang headset nito kaya speaker na lang ang ginamit.
“Good evening, Hubby. Ano, nakapagpahinga ka ba nang mabuti?” tanong ni Fatima sa kausap.
“Yes, dear! Nakatulog ako nang mahabang oras. Kakagising ko nga lang. Salamat at palagi mo akong kinakausap. Hindi ako naiinip dito sa kuwarto ko. Kumusta na kayo ng mga anak mo?” masayang tanong ng lalaki.
Wow ang kapal ng mukha, sa isip-isip ng mga anak ni Fatima. Sinabihan pa ng lalaking iyon ang kanilang ina na ‘dear’. Nagtanong pa tungkol sa kanila, hindi pa man nila nakikilala ay feeling close na.
“Thank you rin sa ibinigay mong pera. Malaki ang naitulong niyon sa pag-aaral ng mga bata,” tugon ni Fatima.
Napaismid lalo ang mga anak niya. Ginamit pa sila ng malanding ina para makapanghuthot sa lalaki nito.
“Sus, dear! Wala ‘yon! Pamilya ko rin kayo at para ko na ring anak ang mga anak mo kaya sino pa ba ang magtutulungan. Basta every month ay hindi ako magmimintis na padalhan kayo ng pera,” sabi pa ng lalaki.
Mas lalong nairita ang tatlong nakikinig sa labas ng kuwarto.
“Pamilya? Ang walang hiyang lalaking ito, hindi pa nga pormal na nanliligaw kay mama ay nagpi-feeling tatay na? Kaasar!” buwisit na sabi ni Boyet.
“Si mama naman, mukhang pera! Tama ang hinala natin sa lalaking iyon nanggagaling ang pera niya. Sugar daddy nga ni mama ang kausap niya,” wika naman ni Marla .
“Ewan ko ba, pero ang pangit tingnan, eh, para niya tayong binibili. Ito namang si mama ay hindi na inisip ang mararamdaman nating mga anak niya sa ginagawa niya. Gusto ko’y multuhin siya ni papa para madala,” sabad ng bunsong si Jinky.
Araw-araw ay ganoon ang gawain ng kanilang ina. Kapag natatapos ito sa mga gawaing bahay ay nakababad na ito sa kompyuter at nagbi-video call. Hanggang isang gabi ay narinig na lamang nila ang ina na humihikbi sa loob ng kuwarto nito habang kausap ang lalaki. Nagmamadali nilang pinakinggan ang pag-uusap ng dalawa.
“H-hubby? Hubby? Ano’ng nangyari? Kumusta ang lagay mo?” tanong ng babae na ‘di na napigilang maiyak.
“Salamat sa lahat, dear! Salamat sa pagmamahal at atensiyon mo sa akin kahit na magkaiba ang ating mga ina ay itinuring mo pa rin akong kapatid,” mahinang tugon ng lalaki.
Ikinagimbal ng tatlo ang narinig nila.
“Mas nagpapasalamat ako sa iyo, Hubby, dahil kahit malayo ka’y ipinaramdam mo rin sa akin na tayo’y magkapamilya. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng naitulong mo sa aming mag-iina, mahal kita aking kapatid,” sagot ni Fatima.
Maya maya ay wala na silang narinig na boses ng lalaki at ang paghagulgol na lang ng kanilang ina ang naririnig nila.
Dali-dali silang pumasok sa kuwarto at tinanong ang ina.
“Mama, ano po ang nangyari? Bakit po kayo umiiyak?” tanong ni Marla.
Sukat pagkarinig noon ay bigla ay mas lalong napahagulgol si Fatima sa harap ng mga anak.
“May ipagtatapat ako sa inyo, mga anak. Ang palagi kong kausap sa video call ay ang Tito Hubby ninyo. Siya ay aking kapatid sa ama na naninirahan sa Cebu. Ilang buwan ko palang siya nakikilala. Mula nang mamayapa ang lolo ninyo ay hindi niya nasabi sa akin na mayroon pala akong kapatid. Siya ang gumawa ng paraan para magkausap kami. Isa siyang binab*e at walang ibang kasama sa buhay. Wala na rin siyang ibang pamilya. Ang nag-aalaga na lang sa kanya ay ang kasambahay niya. Nang magkakilala kami ay agad na nakagaanan namin ng loob ang isa’t isa at palagi nang nagkukumustahan sa pamamagitan ng video call. Siya rin ang nagpapadala ng pera para pandagdag sa mga pangangailangan natin. Ngunit ang nakakalungkot ay may taning na ang buhay niya, may sakit siyang k*nser sa baga kaya ako umiiyak ay dahil… w-wala na siya, wala na ang kapatid ko. Huling pag-uusap na namin ngayon. Gustung-gusto rin niya kayong makilala. Balak ko sana kayong ipakilala sa kanya, p-pero hindi na mangyayari. Nakakaawa naman siya, namat*y na mag-isa,” bunyag ni Fatima sa mga anak na hindi pa rin matapus-tapos ang pagdaloy ng luha.
Napatulala ang tatlong magkakapatid. Kinain ng konsensiya ang buong pagkatao nila sa ginawa nilang panghuhusga sa ina at sa kanilang tiyuhin. Kaya pala ‘dear’ ang tawag nito sa mama nila dahil ito’y isang binab*e at ‘Hubby’ ang tawag ng mama nila rito’y Hubby ang palayaw nito. Hindi pala totoo na may sugar daddy ang kanilang ina.
Niyakap ng magkakapatid si Fatima. “Nakikiramay po kami, mama. Patawarin niyo rin po kami kasi pinag-isipan namin kayo nang masama,” sambit ni Jinky.
Sinabi nila sa ina ang mga pagdududa nila ngunit imbes na magdamdam ay inintindi pa sila nito at pinatawad sa kanilang pagkakamali.
Makalipas ang ilang linggo ay nagulat ang mag-iina dahil may bumisitang babae sa bahay nila.
“I am looking for Ms. Fatima Dimalagnan?” sabi ng babae na maayos ang pananamit at todo pustura pa.
Kapwa napanganga ang apat nang sabihin ng babae na nagpakilalang abogado ng namayapa niyang kapatid na dahil sa wala nang pamilya ay sa kanila ibinigay lahat ng naiwang pera nito at paupahang bahay sa Cebu. Pasasalamat din daw iyon ng kapatid kay Fatima sa pagpaparamdam niya ng pagmamahal at malasakit sa mga nalalabi nitong araw.
Ikinagulat nila na limpak-limpak na pera ang iniwan nito sa kanila. Napapikit sila at sandaling ipinagdasal ang namayapang kapatid. Hangad nila ang katahimikan ng kaluluwa nito. Habang buhay nilang ipagpapasalamat ang biyayang natanggap nila mula sa mabait niyang kapatid. Hinangaan naman si Fatima ng mga anak sa pagkakaroon niya ng malaking puso para magmahal kaya siya ginantimpalaan.