
Naging Palaboy at Namumulot na lang ng Pagkain sa Basurahan ang Mamá nang Matagpuan Ito ng Dalaga; Isang Insidente Pala ang Naging Dahilan Kung Bakit Ito Nawalan ng Pag-Asa
“Saan ka na, Kim? Malapit na ako doon sa kainan na sinasabi mo,” kausap ni Lea sa kaibigan sa kabilang linya.
“Lea, pagdating mo sa mall, mag-ikot-ikot ka na muna. Pagdating ko, sabay na tayong pumasok doon sa kainan kung saan tayo manananghaliang dalawa,” ani Kim.
“Nasaan ka ba?”
“May kinakausap lang akong kliyente, ‘pag tapos na ako rito’y dederetso na ako d’yan,” ani Kim.
Sumang-ayon si Lea saka ibinaba ang tawag. Narito na siya sa mall kung saan sila magkikita ni Kim. Matagal-tagal na rin mula noong huli silang nagkita ng kaibigan, kaya magandang pagkakataon itong magkita sila ngayon, dahil nakabakasyon siya sa probinsya nila nang halos isang buwan.
Mga uhuging bata pa lang ay magkaibigan na sila ni Kim. Hanggang sa magdalaga at hanggang ngayon na may kaniya-kaniya na silang obligasyon sa buhay ay magkaibigan pa rin sila. Hindi na nga lang kasing-dalas kung magsama noon dahil na rin sa mga trabaho nilang hindi maiwan.
Nagdesisyon si Lea na mag-ikot-ikot na muna, baka sakaling may magustuhan siya at kaniyang bilhin. Nang mapansin ang isang matandang lalaki sa isang sulok. Hindi na sana niya ito papansinin at magpapatuloy sa pag-iikot, nang makita niyang dumungaw ito sa may tapunan ng mga pagkain at naghanap ng makakain roon. Hindi na napigilan ni Lea ang pagiging pakialamera, nilapitan niya ito at tinanong kung ano ang gagawin sa kukuning pagkain mula sa basurahan.
“Kakainin ko, ineng,” sagot ng matanda.
Tila nahihiya pa itong tumingin sa kaniya nang diretso kaya mas pinili nitong yumuko at sa sahig ituon ang pansin. Hindi niya inaasahan ang sagot nito. Ang buong akala niya’y maghahanap ito ng makakain sa basurahan upang ipakain sa alaga nitong hayop, hindi upang kainin nito mismo.
“P-pero marurumi na po ang mga iyan, tatay,” ani Lea.
Nahahapong ngumiti ang matanda saka nilingon ang sinabi niyang maruruming pagkain.“Sa mga kagaya kong kumakalam ang sikmura, ineng, hindi na namin alintana kung marumi ba ang pagkain o hindi. Basta ang mahalaga, maibsan namin ang sumasakit naming sikmura dahil sa gutom,” anito.
Parang may isang kamay ang pumiga sa puso niya dahil sa sinabi ng matandang lalaki. Kung kaniyang titingnan ay halos kasing edad lamang ito ng kaniyang mga magulang. Nais niyang umiyak dahil sa awang naramdaman para sa matanda.
Inaya niya itong pumunta sa may food court at pinaupo roon. Ilang minuto niya muna itong pinaghintay at sa pagbalik niya’y may dala na siyang isang tray ng pagkain. Labis na nagpasalamat ang matanda at hinayaan niya muna itong kumain.
Sa nanginginig na mga kamay ay ramdam niyang gutom na gutom ito. Nang matapos itong kumain ay saka niya tinanong ang matandang lalaki ng kung ano-ano. Nalaman niyang ito si Mang Pedio, saisyenta’y singko anyos, may asawa’t anak noon, ngunit pare-pareho nang wala ngayon.
“Maganda ang trabaho ko noon sa abroad, ineng. Nagsumikap ako para sa pamilya ko, kasi sila ang buhay ko at hiniling ko sila sa Diyos noon, kaya nagsumikap ako para maging maganda ang buhay namin. Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana, ineng,” anito. Nangingislap sa luha ang mga mata.
“Nakatanggap ako ng tawag mula sa Pilipinas, ang sabi, ‘yong asawa’t tatlo kong mga anak, sumakabilang buhay na,” pumipiyok ang boses nito habang nagkukwento. “Isang masamang tao ang gumawa sa kanila no’n, pero ang mas masakit, asawa pa ng kapatid ko ang gumawa no’n sa kanila, ineng. Pakiramdam ko tinalikuran at trinaydor ako ng lahat, pati pamilya ko,” humihikbing wika ni Mang Pedio.
Hindi na napigilan ni Kim ang hindi tumangis sa ikiniwento ni Mang Pedio. Mula noong nalaman nito na ang mismong asawa ng kapatid lamang ang gumawa no’n sa asawa’t mga anak ay nagdesisyon itong lumayo sa pamilya.
Ayon rito ay hindi raw napahiram ng pera ng kaniyang asawa ang bayaw, nagalit ito at iyon na ang ginawa ng lalaki. Pare-parehong winakasan nito ang buhay ng kaniyang pamilya. Kung bakit hindi na siya nag-asawang muli ay dahil hindi niya makalimutan ang nangyari sa kaniyang pamilya. Nabuhay siyang dala-dala ang sakit sa nangyaring trahedya, kaya humantong si Mang Pedio sa pagiging palaboy at namumulot ng pagkain sa basurahan.
Iyak nang iyak si Lea dahil sa kwento ng buhay ni Mang Pedio. Kahit naipakulong nito ang bayaw ay hindi na rin naman kayang ibalik ang buhay ng mga taong tinapos nito. Niyakap niya ang matanda at ipinangako sa sariling gagawin ang lahat matulungan lamang si Mang Pedio.
Iyon ang tagpong naabutan ni Kim. Nagtataka man ang kaibigan kung bakit may kasama siyang matandang madungis at mukhang palaboy ay hindi ito nagtanong pa. Nang ikwento ni Lea ang kwento ng buhay ni Mang Pedio ay kagaya niya’y mangiyak-ngiyak rin ito sa awa sa matandang lalaki. Mas kabisado ni Kim ang mga pasikot-sikot dito sa ‘Pinas, kaya kay Kim nakiusap si Lea na tulungan si Mang Pedio, laking pasasalamat niya dahil hindi naman ito tumanggi.
Dahil wala nang maituturing na pamilya si Mang Pedio, nagtulungan silang magkakaibigan na ipasok si Mang Pedio sa Home for the Aged, mas mapapabuti roon ang lagay ng matanda at mas makakain ito nang maayos, na hindi na kailangang mamulot ng pagkain sa basurahan.
Nangako si Lea na habang naririto siya sa Pilipinas ay palagi niyang dadalawin si Mang Pedio upang kumustahin, gano’n rin si Lea na isang public service ang trabaho. Ngayong nakikita niyang may nag-aalaga na kay Mang Pedio at mas nakakakain na ito nang maayos at naiinom ang mga gamot na kailangan nito’y masaya na siya.
Minsan, sadyang mapagbiro nga talaga ang tadhana. Walang ibang ginawa si Mang Pedio kung ‘di paghandaan ang pagdating ng katandaan, kasama sana ang asawa at tatlong mga anak. Ang kaso’y may bayaw itong tumapos sa lahat ng pangarap niya, kaya mas pinili na lamang niyang sirain ang buhay, dala ang sakit ng nakaraan.
May mga oras na nakukwestyon natin ang plano ng Panginoon, pero kahit ano pa man iyon, maligaw man tayo minsan ng landas ay may tao Siyang ibibigay sa’yo upang tulungan kang ayusin ang nasira mong buhay. Sa parte ni Mang Pedio, ipinadala nito si Lea, upang tulungan ang matandang lalaki na walang ginawang masama sa kapwa, walang inapakang ibang tao, na siya lamang naging biktima ng masamang pagkakataon.