
Inagaw ng Dalagang Ito ang Gwapong Binata sa Nobya Nito, Bakit Pagsisisi ang Kaniyang Naramdaman sa Huli?
“Bye, honey! Magpadala ka agad ng mensahe pag-uwi mo, ha? Mahal na mahal kita!” sigaw ni Nadine sa lalaking naghatid sa kaniya sa inuupahan nilang apartment ng kaibigan, isang gabi matapos silang mag-inom sa isang sikat na bar.
“Honey? Mahal na mahal? Hindi ba’t may nobya na ‘yon? Nakikita ko ang mga post no’n sa social media, eh! Pati ‘yong nobya no’n, kakilala ko!” pagtataka ng kaniyang kaibigan na ikinangisi niya.
“Oo nga, porque ba may nobya na siya hindi ko na pwedeng tawaging honey?” pilosopo niyang sagot dito dahilan para mabatukan siya nito. “Diyos ko! Malamang, Nadine! Ano ba naman ‘yang utak mo? Magkaroon ka nga ng respeto sa relasyon ng iba!” sigaw nito sa kaniya.
“Bakit ba galit na galit ka? Hindi pa naman sila kasal, ha? Saka, mas napapasaya ko siya kumpara sa pangkasalukuyang nobya niya. Sa katunayan, hihiwalayan niya na nga raw ang babaeng ‘yon ngayon para maging akin na siya,” kinikilig-kilig niya pang kwento na lalong ikinapanggalaiti nito.
“Talagang masaya kang makasira ng isang relasyon? Mag-iisang dekada na sila at alam ko, malapit na silang ikasal!” sigaw nito sa kaniya saka siya sinabunutan.
“Ano’ng gagawin ko kung ako ang pinili niya kaysa sa babaeng matagal na niyang nakasama?” wika niya pa dahilan para siya’y iwan nito at agad na pumasok sa sariling bahay, “Saglit, hintayin mo ako, bespren!” habol niya rito.
Kahit na alam naman ng dalagang si Nadine na may matagal nang karelasyon ang lalaking bigla niyang natipuhan matapos makita ang litrato nito sa social media, kaniya pa rin itong niyayang mag-inom kahit na hindi naman sila ganoong magkakilala.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang tugunan nito ang kaniyang paanyaya at dalhin pa siya nito sa isang sikat na bar sa Maynila. Dumoble pa ang saya at kilig na naramdaman niya nang sabihin nitong, “Panahon na siguro para palitan ko na ang babaeng kinakasama ko. Pwede bang ikaw na ang maging panibagong mundo mo?” na agad naman niyang sinang-ayunan habang tumitili-tili pa.
Kahit na nanggagalaiti na sa kaniya ang kaibigan niya nang gabing iyon, pinagpatuloy niya pa rin ang pakikipag-usap at pakikipagkita sa binata hanggang sa yayain na siya nitong tumira sa iisang bahay.
At dahil wala naman siyang nakikitang problema roon dahil bukod sa palagi na niyang makikita at makakasama ang napakagwapong binata, wala pa siyang kailangang alalahaning renta at bayarin sa bahay dahilan para siya’y agad na umalis sa inuupahan nilang apartment ng kaniyang kaibigan.
Simula noon, pakiwari niya, siya na ang pinakaswerteng babae sa buong mundo. Gigising siyang may nakahanda nang pagkain, may malamig at komportableng tinutulugan, at higit sa lahat, mukha ng mala-anghel na binata ang buong araw niyang nasisilayan na talaga nga namang ikinasasaya niya.
Ngunit hindi nagtagal ang kasiyahan niyang iyon dahil halos isang buwan lang ang lumipas, biglang nagbago ang ugali ng binata. Ayaw na siyang palabasin nito ng bahay, palagi na siyang inuutusang maglinis at magluto, ayaw siyang pagamitin ng selpon, at higit sa lahat, lagpas sa sampung beses siya nitong galawin sa isang araw na talaga nga namang ikinabahala na niya.
Kapag ito’y may kailangang ayusing dokumento sa trabaho, roon lang niya lang patagong nahahawakan ang kaniyang selpon.
Kaya naman, isang araw, nang nagising siyang wala ito sa kanilang bahay kaya siya’y nagdali-daling hanapin ang selpon niyang tinago nito.
At laking gulat niya nang may matanggap siyang mensahe mula sa hindi kilalang numero.
“Salamat, Nadine, ikaw ang naging dahilan para makalaya ako sa lalaking ‘yan. Pero sana, huwag mong hayaang maranasan mo ang hirap ko sa kaniya. Hangga’t maaga pa, umalis ka na riyan dahil hinding-hindi ka na papakawalan ng baliw na ‘yan,” sabi sa naturang mensahe na padala pala ng dati nitong nobya sa kaniya na talagang ikinakilabot niya.
Pinilit niyang maging matapang noong mga oras na iyon, tinawagan niya ang kaibigan at siya’y nagpasundo na rito kasama ang mga pulis.
Bago pa man siya makapagpaliwanag sa kaibigan, bigla nang dumating ang nobyo niya at agad na hinablot ang kaniyang selpon. Sa galit nito, siya’y sinampal-sampal nito at binalibag pa sa pader.
“Hindi ba’t sabi ko sa’yo, huwag kang hahawak ng selpon?” galit na wika nito na nagpahagulgol sa kaniya.
Mabuti na lang, mabilis na rumesponde ang mga pulis at siya’y agad na nailigtas bago pa siya patuloy na bugb*gin ng binata.
Mangiyakngiyak niyang niyakap ang kaibigan nang makita niya ito.
“Dahil sa kagustuhan kong mapasak’in ang isang lalaking may nobya na, napahamak pa ako,” iyak niya rito dahilan para siya’y mahigpit na yakapin nito.
Nakulong nga ang binatang iyon dahil sa mga ginawa nito sa kaniya at sa dati nitong nobya na tumulong upang makuha nilang dalawa ang hustisyang nais nila.
Simula noon, nadala na siya sa pagpasok sa isang relasyon. Bago siya sumama sa isang lalaki, gusto niyang makilala muna ito nang lubos upang masiguro ang tunay na intensyon nito at ang kaligtasan niya.

Gustong-Gustong Makuha ng Coach na Ito ang Papremyo, Sumuko ang mga Manlalaro Niya sa Ginawa Niyang Pagpapahirap
