Inday TrendingInday Trending
Kinupkop at Inaruga ng Babae ang Sanggol na Inabandona ng mga Tunay na Magulang; ‘Di Niya Inasahan na Babalik ang mga Ito at Babawiin ang Anak

Kinupkop at Inaruga ng Babae ang Sanggol na Inabandona ng mga Tunay na Magulang; ‘Di Niya Inasahan na Babalik ang mga Ito at Babawiin ang Anak

Isang araw ay nagulat si Shirley nang pumunta sa bahay niya ang kaibigang si Cristy na may bitbit na sanggol.

“O, napasugod ka? At bakit may dala-dala kang baby? Kaninong anak ‘yan?” sunud-sunod na tanong ng dalaga.

“Ibinigay lang sa akin ito ng isang babae na nakasalubong ko habang papunta ako rito. Sabi niya may aayusin lang siya sa mga dala niyang gamit na nakalagay sa bag at ipinahawak lang sa akin itong sanggol ngunit nang hawak-hawak ko na ito ay bigla na lang siyang kumaripas ng takbo. Hindi ko na siya nahabol. Sa tingin ko ay sinadya niyang iwan itong baby,” sagot ng kaibigan.

Pinagmasdang mabuti ni Shirley ang sanggol. Nakita niya na napaka-cute nito. ‘Di niya mawari ngunit parang ang gaan-gaan ng loob niya rito.

“Napakagandang baby naman nito at mukhang may lahi. Napakawalang pusong ina naman ng babaeng iyon para iwan ang kawawang anghel na ito,” sambit ni Shirley habang kinarga ang sanggol na mahimbing na natutulog.

“Anong gagawin natin diyan? Ang mabuti pa ay ibigay ko sa DSWD,” wika ni Cristy.

“Huwag. P-puwede bang a-ako na lang muna ang mag-alaga sa kaniya?” tugon ni Shirley.

“Ano? Kukupkupin mo ‘yan? Hindi mo naman kaano-ano ‘yan, eh!”

“Kawawa naman siya, eh. At isa pa, at baka sakaling bumalik ‘yung nanay nitong baby at hanapin ka. Kapag nangyari iyon, sabihin mong nasa akin ang napaka-cute niyang anak.”

“Naku, bahala ka!”

‘Di maipaliwanag ni Shirley kung bakit naisip niyang kupkupin ang sanggol. Nang malaman ng kaniyang kasintahan na si Cholo ang ginawa niya ay nagalit ang lalaki.

“Bakit ka kumupkop ng sanggol na hindi mo man lang kinokonsulta sa akin? Hindi mo naman kaano-ano ang batang ‘yan. Dapat ay pumayag ka nang dalhin iyan sa DSWD,” sabi ng nobyo.

“P-pero, kawawa naman itong baby na basta-basta na lang ibibigay doon. Saka baka balikan ito ng nanay niya, eh ‘di madaling mahahanap dahil nasa akin lang naman. At ayoko ring ipamigay siya dahil napaka-cute ng baby na ito. Ayaw mo ba, meron na tayong instant baby,” sagot niya.

“Kahit kailan ay hindi ko matatanggap ang batang ‘yan. Hindi ko naman kadugo ‘yan, eh. Puwede naman tayong gumawa ng sarili nating baby kapag ikinasal na tayo,” giit pa ni Cholo.

“Hindi ko kasi kayang basta na lang ipaubaya sa ibang tao ang pangangalaga sa sanggol. Sana ay maunawaan mo ako, Cholo. Alam mo naman na kagaya ko rin ang sanggol na ito, iniwan din ako noon ng mga totoo kong mga magulang. Balak din akong ipatapon noon sa kung saan mabuti na lang at napunta ako sa kamay ng mga taong may mabuting puso na itinuring akong totoong anak. Iyon ang kinagisnan kong mga magulang. Gusto kong kupkupin at alagaan ang sanggol na ito gaya nang pagkupkop at pag-aalaga sa akin ng mga itinuring kong mga magulang,” paliwanag ni Shirley.

“Pasensiya na, pero hindi ko talaga matatanggap ang sanggol na ‘yan. Ang gusto ko ay sarili kong dugo’t laman. Kung ipipilit mo ang iyong gusto ay mabuti pang maghiwalay na lang tayo,” sambit ng nobyo.

Saglit na natahimik si Shirley. ‘Di siya makapaniwala na handa siyang talikuran ng kasintahan dahil lang sa pagkupkop niya sa inabandonang sanggol. Ilang minuto siyang nag-isip, ‘di rin niya napigilang maluha sa naging desisyon niya.

“Kung gayon ay hindi kita pipigilan, Cholo,” tangi niyang tugon.

Walang salitang lumabas sa bibig ng lalaki at umiiling na umalis.

Umagos na ang masaganang luha sa mga mata ni Shirley sa paglisan ni Cholo. Mahal niya ang kasintahan ngunit ‘di niya magawang ipagpalit dito ang sanggol. Isinakripisyo niya ang lalaking pinakaiibig niya para lang arugain ang sanggol na hindi naman niya kaano-ano. Kung iisipin ay isang malaking katangahan ngunit sa sulok ng kaniyang puso ay wala siyang kahit kaunting panghihinayang na nararamdaman. Kahit ang naging kapalit ay ang pagkawala ng kanyang nobyo, sa tingin niya ay tama pa rin ang ginawa niyang desisyon.

Isang taon ang lumipas, nasa pangangalaga pa rin niya ang sanggol na pinangalanan niyang Princess. Isang araw ay nagkasakit ito at agad niyang dinala sa ospital.

“Ano’ng problema, misis?” tanong ng lalaking doktor.

“Di po kasi bumababa ang lagnat niya, eh,” nag-aalalang sagot ni Shirley.

“Huwag kang mag-alala at ako ang bahala,” wika ng guwapong doktor.

Nang araw na iyon, nakilala ni Shirley si Doc Allan Capistrano, ang doktor na tumingin sa anak-anakang si Princess. ‘Di niya inasahan na ang pusong nasaktan noon sa pag-iwan sa kaniya ni Cholo ay muling titibok. Mula nang makilala siya ng doktor ay tumibok din ang puso nito sa kanya. Naging malapit ang dalawa sa isa’t isa at nagkapalagayan ng loob.

“Sa tingin ko ay hulog ng langit sa atin itong si Princess, kundi dahil sa kaniya ay hindi kita makikilala,” sabi ni Allan.

“Oo nga eh. Sino ba naman ang mag-aakala na si Princess ang magiging tulay upang makilala ko ang isang kagaya mo? Akala ko nga ay hindi na muling iibig pa ang puso ko pagkatapos ang ginawang pang-iiwan sa akin noon ng dati kong nobyo,” wika ni Shirley sa kausap.

“Maling-mali ang dati mong nobyo na iwan ka dahil lang sa pagkupkop mo kay Princess. Kung talagang mahal ka niya, tatanggapin niya ang naging desisyon mo. Isa pa, hindi mahirap mahalin si Princess dahil napaka-cute niyang bata. Huwag kang mag-alala, hinding-hindi ko kayo papabayaang dalawa. Ituturing ko si Princess na para kong tunay na anak. Mahal na mahal ko kayo,” sambit ng lalaki sabay yakap kay Shirley.

“Salamat, Allan. Napakasuwerte ko rin at nakilala ko ang isang tulad mo,” naiiyak na sabi ni Shirley sa kasintahan.

‘Di nagtagal at ikinasal sina Shirley at Doc Allan. Naging masaya ang kanilang pamilya. Lumaking mabait at matalinong bata si Princess. Nang sumpit ang ikalabing-tatlong kaarawan ng dalagita ay isang ‘di inaasahang balita ang kanilang nalaman.

“Ano? Hinahanap na ng mga totoong magulang niya si Princess?” gulat na tanong ni Shirley.

“Oo. Pinuntahan ako kahapon ng nanay niya at may kasamang lalaki na nagpakilalang tatay ni Princess. Isang banyaga ang totoong ama ni Princess. ‘Di ko alam kung paano nila ako nahanap, pero gustung-gusto nilang makita si Princess. Ang sabi ng tunay niyang ina, wala raw siya sa tamang pag-iisip nang iwan niya sa akin ang anak niya. Noong panahaon daw na iyon ay hindi pa siya handang magkaanak kaya napilitan niyang ibigay sa iba ang anak niya. Hindi raw alam ng kaniyang asawa ang ginawa niya ngunit matagal na raw niyang pinagsisihan ang pag-abandona sa anak niya at ngayon ay gusto niya itong makita at bawiin. Ang asawa naman ng babae ay gustung-gusto na ring makita ang anak nila,” hayag ng kaibigang si Cristy nang bigla itong dumalaw.

Natulala si Shirley sa sinabi ng kaibigan. HIndi niya alam kung ano ang mararamdaman sa mga sandaling iyon. Parang gusto niyang maiyak dahil ‘di niya inasahan na muling babalik ang totoong mga magulang ni Princess makalipas ang ilang mga taon. Kung kailan na napamahal na ito sa kaniya at itinuring na tunay na anak saka naman ito babawiin sa kaniya. Ngunit kahit masakit ay inihanda niya ang sarili. Ipinagtapat niya kay Princess ang buong katotohanan sa totoong pagkatao nito at laking tuwa niya dahil naunawaan naman ng dalagita ang lahat.

“Patawarin mo ako, anak, kung hindi ko agad naipagtapat sa iyo,” lumuluhang sabi ni Shirley.

“Wala po kayong dapat na ihingi ng tawad, mama. Wala kang kasalanan. Ako nga po ang dapat na magpasalamat sa inyo ni papa dahil kahit hindi niyo ako kadugo ay itinuring niyo akong tunay na anak. Ipinaramdam niyo sa akin ang labis-labis na pagmamahal. Salamat po sa inyo,” buong kababaang loob na sagot ng dalagita. “Nais ko pong makilala ang aking mga tunay na magulang. Gusto ko rin pong malaman ang aking pinagmulan,” habol pa nito.

Ipinakilala ni Shirley si Princess sa mga totoo nitong magulang sa tulong ni Cristy. Agad nilang tinawagan ang numerong ibinigay ng mga ito. Ang akala nila ay simpleng tao lang ang mga magulang ni Princess ngunit nang makilala nila ito ay laking gulat nila dahil isa palang mayamang negosyante sa Italya ang tunay na ama ng dalagita. Isa namang maharlikang babae na may dugong Pinay ang tunay nitong ina kaya nang malaman ng mag-asawa ang lahat ng sakripisyong ginawa ni Shirley sa kanilang anak ay ‘di inasahan nina Shirley ang gantimpalang ipinagkaloob ng mga ito. Dahil gusto nang makasama ng mga magulang si Princess at isasama na ito sa Italya, dahil sa hiling ng dalagita na ayaw niyang mawalay sa mga magulang na kumupkop sa kaniya ay nagdesisyon ang mga totoong magulang niya na isama sa Italya sina Shirley at Allan. Doon ay binigyan si Shirley ng negosyo ng mag-asawa at tinulungan naman ng mga ito si Allan na makapasok sa pinakamalaking ospital sa Italya para roon magtrabaho.

“Sobra-sobra naman ang ginawa ng mga tunay mong magulang, anak. ‘Di kami makapaniwala ng papa mo na pati kami ay isasama nila rito sa Italya,” wika ni Shirley.

“Isa po talaga iyon sa hiling ko sa kanila, ang makasama ko kayo ni papa rito. Hindi ko po hahayaan na mawalay kayo sa akin. Nakilala ko man ang mga tunay kong magulang, para sa akin ay wala pa rin kayong katulad. Sobra ko po kayong mahal ni Papa Allan,” tugon ni Princess.

Muling nangilid ang luha sa mga mata ni Shirley sa sinabing iyon ni Princess. Napakasuwerte niya dahil kinupkop niya ito noon. Wala siyang kamalay-malay na si Princess ang magbibigay daan upang makilala niya ang lalaking tunay na magmamahal sa kanya sa katauhan ni Doc Allan at ito rin ang magpapabago sa buhay niya dahil isa palang tunay na prinsesa ang sanggol na pinili niyang arugain noon.

‘Di nagtagal ay naging malapit din si Princess sa mga totoong magulang niya. Naging matagumpay naman ang mag-asawang Shirley at Allan sa Italya. Kahit masaya na ang dalagita sa piling ng mga magulang ay hindi kailanman nabawasan ang pagmamahal niya sa mga magulang na kumupkop at tumanggap sa kaniya at araw-araw pa ring dinadalaw ang mga ito.

Advertisement