Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Anak ang Mangmang na Ina; Ikadudurog ng Puso Niya ang Regalong Ibibigay Nito sa Kaniya

Ikinahihiya ng Anak ang Mangmang na Ina; Ikadudurog ng Puso Niya ang Regalong Ibibigay Nito sa Kaniya

Labis na ikinahihiya ni Joy ang inang si Aling Ludy dahil bukod sa hindi ito nakapag-aral ay hindi rin ito marunong bumasa at sumulat.

“Ano ka ba naman inay, pangalan mo hindi mo man lang kayang isulat!” inis na sabi ng dalagita nang minsang magpapapirma siya sa ina ng report card.

“Pasensiya na, anak. Hindi kasi ako nakapag-aral kahit kinder, eh. Kaya kahit sarili kong pangalan ay hindi ko kayang isulat. Kung gusto mo ay sa Lola Chedeng mo na lang ikaw magpapirma riyan sa report card mo,” sagot ng ina habang kakamut-kamot sa ulo.

“Naku, iyan talaga ang gagawin ko. Kay lola ko na lang ipapapirma ito. Nakakainis ka naman, inay, bakit kasi hindi ka nag-aral noon? Hindi ka sana no read, no write ngayon!”

Hindi na lamang kumibo si Aling Ludy sa sinabi ng anak. Palihim siyang naluha dahil bumalik sa alaala niya ang kaniyang kabataan. Ayaw siyang pag-aralin noon ng kaniyang ama at ina dahil mahina naman daw kasi ang ulo niya kaya imbes na pag-aralin ay ikinulong na lang siya sa loob ng bahay at pinagawa ng mga gawaing pambabae. Sabi pa ng kaniyang ina noon ay mag-aasawa lang din naman siya nang maaga kaya ano pang silbi na pag-aralin pa siya. Kaya kahit gusto niyang mag-aral ay hindi natupad kaya lumaki siyang mangmang, hindi marunong magbasa at magsulat.

Natupad ang sinabi ng nanay niya na makakapag-asawa siya nang maaga at mabubuntis. Nakilala niya noon si Matias na isang magsasaka. Nagkaibigan silang dalawa hanggang sa bumuo ng pamilya ngunit ‘di nagtagal ang kanilang pagsasama, matapos niyang isilang ang anak na si Joy ay pumanaw naman ang kaniyang asawa dahil nagkaroon ito ng malubhang sakit. Mag-isa niyang itinaguyod ang anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga lutong ulam at kakanin sa palengke. Nakasuporta naman sa kanilang mag-ina ang kaniyang biyenan na si Aling Chedeng.

Isang araw ay nagkasakit si Aling Chedeng. Dahil mahal na mahal ni Joy ang kaniyang lola ay agad siyang bumili ng gamot gamit ang naipong pera sa alkansya. Bago pumasok sa eskwela ay inihabilin nito sa ina na painumin ng gamot ang lola pagkatapos nitong kumain ng tanghalian.

“O, inay. Dahil hindi ka marunong bumasa ay lalagyan ko na lang ng palatandaan itong bote ng gamot ni lola. Itong minarkahan ko ng kulay pula, ito ang gamot na ipapainom mo sa kaniya. Wala kang gagalawing ibang gamot dito kundi ito lang,” paliwanag ni Joy sa ina.

“Sige, anak, naiintindihan ko,” sagot naman ni Aling Ludy.

Nang sumapit ang oras ng pag-inom ng gamot ng matanda ay agad na kinuha ni Aling Ludy ang gamot sa medicine box at ipinainom iyon sa kaniyang biyenan ngunit mayamaya ay bigla na lamang nahirapang huminga ang matanda na labis niyang ikinabahala.

“Diyos ko, anong nangyayari sa iyo, inay?” kinakabahang tanong ni Aling Ludy sa biyenan. Humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay nila para dalhin sa pagamutan ang biyenan.

Nalaman ni Joy ang nangyari at nagmamadali itong pumunta sa ospital para malaman ang lagay ng kaniyang lola. Sinabi ng doktor na sumuri kay Aling Chedeng na maling gamot ang nainom nito. Mabuti na lamang at naagapan at hindi nagkaroon ng kumplikasyon ang kalusugan ng matanda. Galit na galit na sinumbatan ng dalagita ang ina.

“Ano ka ba naman inay, ‘di ba minarkahan ko na ng kulay pula ang gamot na ipapainom mo kay lola? Bakit ibang gamot pa rin ang ipinainom mo sa kaniya?!”

“A, eh, dalawa kasing bote ng gamot ang may markang kulay pula, eh, nakalimutan ko kung aling bote ang minarkahan mo. Hindi ko alam na ibang gamot pala ‘yon, eh,” nangangatal na sagot ni Aling Ludy.

“Ang sabihin mo ay tatanga-tanga ka, inay! Napakalinaw nang sinabi ko sa iyo, eh. Hindi mo pa rin naintindihan? Napakabobo mo talaga! No read, no write ka na nga, ang tanga mo pa! Paano kung may masamang nangyari kay lola dahil sa kabobohan mo, inay? Kung napag-aral ka sana, eh’ di kaya mong basahin ang pangalan ng mga gamot para hindi ka nagkakamali-mali! Ikinahihiya kita, inay!” galit na galit na bulyaw ni Joy sa ina.

Walang nagawa si Aling Ludy kundi ang mapaupo sa isang sulok at napaiyak. Pakiramdam niya ay napakawalang kwenta niyang tao. Labis ang pangliliit niya sa sarili dahil sa ginawa niya. Mas lalo niya tuloy ikinahiya ang kaniyang sarili bilang ina sa kaniyang anak.

“Kasalanan ko ito. Wala kasi akong pinag-aralan, eh kaya galit na galit sa akin ang sarili kong anak ko,” wika niya sa isip habang pigil ang pagluha.

Lumipas ang mga araw at tuluyan ding gumaling si Aling Chedeng. Ipinagtaka naman ni Joy kung bakit palaging umaalis ang ina sa tuwing matatapos itong magtinda sa palengke.

“Saan naman po nagpupunta si inay, lola?” tanong nito.

“’Di ko nga rin alam apo kung saan nagpupunta ang nanay mo. Kapag maaga siyang nakakaubos ng paninda sa pelengke ay palaging nagmamadaling umalis. Maiba ako, apo. Sa susunod na buwan ay kaarawan mo na, ano bang gusto mong regalo?” tanong ni Aling Chedeng.

“Hindi naman po ako mahilig sa materyal na bagay lola, kahit wala ka nang regalo sa akin, okay lang. Teka, ang gusto ko ay ipagluto mo na lang ako ng paborito kong ginataang bilo-bilo,” nakangiting sagot ni Joy.

“Kung gayon ay isang masarap na ginatan ang iluluto ko sa iyo, apo.”

Sabik si Joy sa nalalapit niyang kaarawan lalo na at ipagluluto siya ng lola niya ng espesyal nitong ginatang bilo-bilo. Masarap kasing magluto niyon si Aling Chedeng. Sa sobrang pag-iisip sa papalapit niyang kaarawan ay nakalimutan niya ang palaging pag-alis ng kaniyang ina. Ang totoo’y wala naman siyang pakialam kung anuman ang ginagawa nito. Mas gusto nga niyang wala ito sa bahay. Mas gusto niya na ang kasama lamang niya ay ang kaniyang Lola Chedeng.

Nang sumapit ang araw ng kaarawan ni Joy ay laking tuwa niya nang ihain na sa mesa ng lola niya ang niluto nitong ginatang bilo-bilo.

“Ang paborito kong ginatan, matitikman ko na naman!” masayang sabi ng dalagita.

“O, mamaya muna kainin ‘yan, hintayin muna natin ang nanay mo para sabay-sabay na tayong kumain,” sabi ng matanda.

“Nasaan po ba siya? Huwag niyo pong sabihin na umalis na naman?”

“Hindi siya umalis. Hindi pa siya lumalabas sa loob ng kuwarto niya.”

Maya maya ay lumabas na sa kuwarto si Aling Ludy at masayang binati ang anak.

“Maligayang kaarawan, anak!” sabay yakap sa anak at halik sa pisngi nito.

“Mabuti naman po at lumabas ka na inay. Gusto ko nang tikman ang nilutong ginatan ni lola. Tara na at kumin na tayo,” yaya ng dalagita.

“Teka, may ibibigay sana akong regalo sa iyo, anak,” biglang sambit ni Aling Ludy sabay abot ng nakatuping papel sa anak.

Nang buklatin ni Joy ang papel ay nagulat siya sa nakasulat.

“Mahal kong Anak,

Happy Birthday, Joy! Mahal na mahal ka Kita.

Nanay Ludy

“Iyan ang regalo ko sa iyo, anak. Kaya ako palaging umaalis sa tuwing natatapos akong magtinda sa palengke ay pumapasok ako sa paaralan para mag-aral. Lihim akong nag-enroll sa isang pampublikong paaralan dito sa atin. Gusto ko kasing matutong magbasa at magsulat para hindi mo na ako ikinahihiya bilang iyong ina. Mahirap sa umpisa ngunit nagtiyaga ako para kahit paano ay maisulat ko man lang ang pangalan ko para ako na mismo ang pipirma sa report card mo. Sa ilang linggo kong pagpasok sa paaralan ay natutunan ko na ang pagsusulat at pagbabasa kahit na kaunti kasi gusto kong makapagsulat ng mensahe para sa iyong kaarawan. Natutuwa ako dahil nagawa ko, anak. Sana ay hindi ka na magagalit sa akin,” hayag ng ina.

Hindi napigilan ni Joy na maluha sa ibinunyag ng ina. Pumapasok pala sa paaralan si Aling Ludy para matutong magbasa at magsulat para sa kaniya, para hindi na niya ito kainisan at ikahiya. Tila sin*ksak ng punyal ang dibdib niya, napagtanto niya kung gaano siya kasamang anak sa kaniyang ina.

“Sorry po, inay, kung nasaktan kita sa mga nasabi ko sa iyo. Hindi ko alam na sobra na pala ang pangmamaliit ko sa iyo. Pinagsisisihan ko na po ang mga nasabi ko noon. Para sa akin, ang mensaheng ito na nakasulat sa papel ang pinakamagandang regalong natanggap ko sa aking kaarawan, inay,” umiiyak na tugon ni Joy sa ina sabay yakap dito nang mahigpit.

Hindi na rin napigilan ni Aling Chedeng ang maiyak sa tagpong iyon ng mag-ina.

“I love you, anak! Tama ba ang Ingles ko?”

“I love you more, inay. Opo tama po. Ipinagmamalaki po kita!”

“Uy tama na kayo riyang mag-ina. Kumain na tayo at lalamig ang niluto kong ginatan,” biglang hirit ni Aling Chedeng.

Nagtawanan ang tatlo at sabay-sabay na pinagsaluhan ang pagkain sa mesa.

Advertisement