Palalayasin ng Dalagang Ito ang Pinakamatagal na Nilang Kasambahay, Magugulantang Siya nang Malaman ang Sakripisyo ng Matanda para sa Kaniya

“’Nay, sabi ko naman sa inyo ‘di ba na kailangan matuyo nitong damit ko na ito kasi gagamitin ko ‘to sa party mamaya! Ano ba ‘yan!” inis na sigaw ni Alexandra sa kanilang matandang kasambahay.

“Pasensiya ka na, Alex, hindi ko nailista kasi kung kailan ‘yung petsa na kailangan mo ‘yan. Pasensiya ka na talaga,” pagpapaumanhin ni Nanay Melen habang may hinahanap sa kaniyang maliit na notebook.

“Matanda ka na talaga! Kailangan mo na ng notebook para isulat lahat! Alam mo ‘nay, kaysa sa maging bastos ako at baka hindi ko alam kung hanggang kailan ko kayo kayang matiisi ay umalis na lang kayo! Walang magagawa ang mga pa take-down notes niyo kung hindi niyo naman nagagawa na ng maayos ang mga trabaho niyo! Napakahina ng pick-up! Nakakainis!” galit na galit na sabi niya sa matanda saka kinuha ang notebook nito at hinagis.

Wala namang nagawa ang matanda kung ‘di ang maiyak habang hawak ang damit na inihagis sa kaniya ng alaga.

“Mommy, alam kong sa atin na tumanda ‘yang si Nanay Melen pero hindi ba oras na para paalisin mo na ang gurang na ‘yun? Hindi na siya nakakatulong sa mga gawaing bahay at isa pa nakapakupad niya na nga kumilos ay sobrang ulyanin din!” sabi ni Alexandra sa kaniyang ina na kakauwi lamang galing sa trabaho.

“Anak, lumaki ka sa ibang bansa naiintindihan ko,pero sana naman hindi ganyan ang ugali mo lalo na sa mga kasambahay at sa nakakatanda. Hindi mo alam ang mga sakripisyo nila para sa atin,” sagot ni Misis Janica, ang nanay ng dalaga.

“That is the point, masyado kayong maawain sa mga kasambahay niyo! Baka dumating ang araw ay itong bahay natin ay maging home for the aged kasi kahit matanda na ay ayaw mo pa rin bitiwan. Pauuwiin mo ‘yan sa kanila, bigyan ng bonus at pera panigurado namang mabubuhay pa ‘yan. Hindi mo ba naisip ‘yun, mommy, na pag umalis na ‘yan dito ay hindi na siya mapapagod dahil wala na siyang among pagsisilbihan!” pagpupumilit ng dalaga sa kaniyang ina.

“Kung gusto mo, kumuha ka ng sarili mong kasambahay pero huwag mong gagalawin si Nanay Melen,” maiksing sagot ng kaniyang ina saka siya tinalikuran.

Advertisement

Simula pagkadalaga ni Nanay Melen ay nagsilbi na siya sa pamilya nila Alexandra, wala pa man siya sa mundo ay parte na ng pamilya nila ang matanda ngunit hindi matanggap ng dalaga ang sunod-sunod na kapalpakan ng matanda sa kaniyang mga inuutos. Kaya naman siya na ang gumawa ng paraan upang mapaalis ito sa kanilang pamamahay.

“Nay, naka-usap ko na sila mommy at daddy tungkol sa pagpapa-alis sa’yo. Nahihiya silang kausapin ka kaya ako na raw ang mag-asikaso sa lahat. Ito na ang huli niyong sweldo, sinobrahan na iyan at binigyan na rin kayo ng separation fee. Malaking halaga na ‘yan, ‘nay, at paniguradong makakauwi kayo sa inyo para makapagsimulang muli,” sabi ni Alexandra sa matanda saka inaabot ang pera rito.

“Apo, bakit? Patawarin mo ako, huwag naman ganito,” iyak ni Nanay Melen sa kaniya.

“Naku, ‘nay, pasensya na kayo kasi hindi ako kasing lambot ng mga magulang ko kaya hindi niyo ako madadaan sa ganyang mga luha,” sabi ni Alexandra saka tinalikuran ang matanda.

“Nga po pala, dapat umaalis na raw ho kayo mamayang gabi bago pa dumating sina mommy at daddy,” dagdag pa nito saka tuluyang umalis.

Walang nagawa si Nanay Melen at tuluyan binalot na ang kaniyang mga damit at umalis bago pa man dumating ang mga magulang ni Alexandra.

“Nga pala, mommy, napa-alis ko na si Nanay Melen ha. Baka kasi hanapin niyo pa, pero ‘wag kang mag-alala kasi naghahanap na ako ng kapalit niya. Mas bata at mas malakas,” sabi ni Alexandra sa kaniyang mga magulang na kakarating lamang mula sa trabaho.

“Anong sinabi mo? Nasaan si nanay? Anong oras siya umalis?! Bakit mo siya pinaalis?!” sigaw ni Mr. Harold ang tatay ng dalaga at dali-daling lumabas para hanapin ang matanda.

Advertisement

“Ano bang nangyayari? Katulong lang naman ‘yung pinaalis ko pero bakit nagkakagulo kayo?” naguguluhang tanong ni Alexandra sa kaniyang ina na tumatawag sa mga guwardiyang nakaposte sa labas ng subdivision nila upang tanungin ang kinaroroonan ni Nanay Melen.

“Sinabi ko na sa’yo! Huwag mong gagalawin si Nanay Melen! Wala kang alam!” sigaw ng kaniyang ina at sa inis ni Alexandra ay napasigaw din siya rito, “ Hindi ko talaga malalaman kung hindi niyo sasabihin. Mas importante pa sa inyo ‘yung gurang na ‘yun kaysa sa akin!”

“Gusto mo talagang malaman?! Naaksidente si Nanay Melen nung bata ka pa sa pagliligtas sa’yo! Magkakasama tayo noon sa sasakyan nang mabangga tayo ng isang truck pero niyakap ka ni Nanay Melen kahit pa nga ang naging kapalit nun ay nabasag at naapektohan ang kaniyang bungo nang tumama ang sanga ng kahoy sa sasakyan natin. Kung hindi ka niya nilagtas ay baka wala ka nga sa kinatatayuan mo! Siya ang may pinakamalaking pinsala sa ating lahat at iyon ay para masiguradong buhay ka! Buhay ka!” sigaw ni Misis Janica na siyang kinagulat ni Alexandra at napaupo na lamang siya nang iniwan din siya ng kaniyang ina upang hanapin si Nanay Melen.

Doon niya nalaman na pagkatapos ng aksidente ay nagkaroon ng problema sa memorya si Nanay Melen. Naging hirap siya sa pagtanda ng maliliit na bagay o kahit anong pangyayari kahit sa maiksing panahon lamang kaya naman palagi niya nililista ito para mabalikan niya at maalala. Short term memory loss daw ito sabi ng mga doktor ngunit sa kalagayan ng matanda ay hindi na ito tuluyang gumaling at nadala na niya ito hanggang sa tumanda na nga ang ale. Hindi na rin nagkaroon pa ng pamilya si Nanay Melen kaya sa kanila na talaga ito nagka-edad at ngayon ay tumanda.

Mabuti na lamang ay nasa barangay lamang nagpunta si Nanay Melen kaya naman nakuha nilang muli ito. Humingi ng tawad si Alexandra sa matanda at naiyak na lamang ito sa pagiging bastos niya. Buong akala kasi niya ay malaki na ang ulo ng matanda dahil ito ang pinakamatagal na naninilbihan sa kanila at hindi na ito inuutusan ngunit ngayon ay naiitindihan na niya ang dahilan. Sobrang laking pasasalamat niya dahil may mga taong handang magbuwis ng buhay para sa hindi nila kadugo at isa na siya sa mga patunay roon.