Inday TrendingInday Trending
Binabalewala ng Dalagita ang Pagtuturo sa Kaniya ng Ina sa mga Gawaing-Bahay; Pagsisihan Kaya Niya Ito?

Binabalewala ng Dalagita ang Pagtuturo sa Kaniya ng Ina sa mga Gawaing-Bahay; Pagsisihan Kaya Niya Ito?

“Anak, maglaba ka na mamaya, ha? Nakaayos na ang mga labahan natin. Pipindutin mo lang ang washing machine. Kapag maayos na ang mga damit, ilagay mo na sa dryer,” bilin ni Aling Luisita sa kaniya anak na si Jersey.

Hindi nakaligtas sa mga mata ni Aling Luisita ang pagsimangot ni Jersey, na noon ay nakadukmo sa kaniyang cellphone. Mukhang masayang-masaya ito dahil nakangiti pa. Naisip ni Aling Luisita na marahil ay kausap nito ang kasintahang si Marco. Nakasalpak sa magkabilang tenga nito ang malaking headphones.

“Jersey, nakikinig ka ba? Narinig mo ba ang bilin ko?” usisa ni Aling Luisita.

“Opo, dinig na dinig ko po,” tugon naman ni Jersey pero hindi man lamang tumitingin sa kaniyang ina.

“Puwede ba Jersey, bitiwan mo muna ‘yang hawak mo. Gawin mo muna ang sinasabi ko sa iyo. Baka naman magkapalitan na kayo ng mukha ng boyfriend mo. Masyado kang tutok na tutok sa kaniya,” saad naman ni Aling Luisita.

Padabog na inilapag ni Jersey ang kaniyang cellphone sa sofa, tumayo at nagtungo sa gawing likod-bahay, kanugnog ng kusina, upang sundin ang ipinagagawa ng kaniyang ina.

Laging pinapaalala ni Aling Luisita sa kaniyang anak na mahalagang matuto ng mga gawaing-bahay ang mga babae, dahil tiyak na magagamit nila ito kapag sila ay may asawa’t mga anak na. Bata pa lamang ito ay tinuturuan na niyang maglaba, maghugas ng mga pinagkainan, maglinis ng bahay, magpaligo ng mga alagang aso, at magluto ng pagkain.

Noong una, maayos naman itong utusan, subalit habang tumatagal, napapansin ni Aling Luisita na tila laging nagdadabog ang anak kapag inuutusan niya. Lagi niya itong sinasabi sa kaniyang mister na si Mang Damian, na abala naman sa trabaho.

“Pagsabihan mo nga ang anak mo. Sa iyo nakikinig iyan eh. Ini-spoil mo kasi,” minsan ay nasabi ni Aling Luisita sa kaniyang mister.

“Huwag mo kasing higpitan masyado. Baka mamaya maglayas iyan sige ka,” pagtatanggol naman ni Mang Damian sa anak.

“Ikaw, ikaw talaga ang may kasalanan. Masyado mong pinapalampas at kinukunsinti ang ugali ng anak mo na iyan. Kaya malakas ang loob na huwag akong sundin eh,” paninisi naman ni Aling Luisita sa asawa.

Isang araw, nagkasakit si Aling Luisita. Tinamaan ng trangkaso si Aling Luisita. Hindi siya makatayo upang makapagluto ng pagkain. Kaunting pagtayo upang umihi ay nahihilo siya. Inutusan niya ang anak upang ipagluto siya ng lugaw.

“Hindi ako marunong magluto ‘Nay… anong gagawin ko?” nagmamaktol na pagrereklamo ni Mang Damian.

“Madali lang iyan anak. Kung hindi mo kaya, gamitin mo ang teknolohiya. Panoorin mo sa internet. Tutal naman lagi mong hawak ang cellphone mo.”

Subalit lumipas ang dalawang oras na hindi pa rin nakakapagluto si Jersey.

“Nay… bili na lang tayo ng lugaw, hindi ko po talaga kayang magluto,” maktol ni Jersey sa ina.

Nagpanting ang tenga ni Aling Luisita.

“Diyos ko naman, Jersey… ngayon lang naman ako makikiusap sa iyo eh. Saks*kan naman ang pagkatamad mo. Sana ay makita ng boyfriend mo ang ugali mong iyan para hiwalayan ka niya,” saad ni Aling Luisita sa anak.

Sumama ang loob ni Jersey sa kaniyang ina dahil sa mga binitiwan nitong mga salita. Tumatak iyon sa kaniyang puso.

Makalipas ang ilang taon, nag-asawa na rin si Jersey. Kinailangan nilang bumukod. Walang magawa si Jersey kundi gawin ang mga gawaing-bahay. Dahil ang kaniyang mister ang kinakailangang magtrabaho, walang pamimilian si Jersey kundi ang asikasuhin ang mga gawaing-bahay. Wala pa naman silang kakayahang kumuha ng kasambahay dahil nga nagsisimula pa lamang sila.

Dahil kahit tinuturuan ni Aling Luisita, hindi naman isinapuso ni Jersey ang tamang paraan ng pagluluto ng iba’t ibang mga putahe. Nangangamoy-kulob din ang kaniyang mga labahan. Minsan, nasunog pa niya ang isa sa mga damit ng kaniyang mister dahil hindi siya sanay mamalantsa.

“Ano ba iyan, Jersey… hindi ka ba tinuruan ng nanay mo dati ng mga gawaing-bahay?” minsan ay usisa sa kaniya ng mister habang sila ay kumakain sa hapag-kainan. Pinagtitiyagaan ng mister niya na kainin ang maalat na nilagang baboy na kaniyang niluto para sa hapunan, ibawas pa ang matigas na karne na kulang sa pagpapalambot.

“T-Tinuruan. Hindi ko lang talaga inintindi. Kasalanan ko, mahal. Huwag kang mag-alala, aaralin ko ang lahat, mahal,” sagot ni Jersey.

Napangiti na lamang ang kaniyang mister at ang kinain na lamang nito ay mga gulay.

Napagtanto ni Jersey na sana pala ay sinunod niya ang mga bilin sa kaniya ng nanay noon. Tama siya. Nakita niya ngayon na tama pala si Aling Luisita: magagamit niya ang kaniyang mga itinuturong gawaing-bahay kapag may sarili nang pamilya.

Kaya naman isang araw, ipinasya ni Jersey na dalawin ang kaniyang nanay at nagpasalamat dito.

“Jersey, walang magulang na naghangad nang masama sa anak. May pagkakataon ka pang bumawi. Turuan mo ang mga anak mo kung paano maging wais sa buhay para nang sa ganoon, kapag may sarili na silang pamilya, alam nila ang gagawin nila,” paalala ni Aling Luisita sa kaniyang anak.

Isinaisip at isinapuso naman ito ni Jersey kaya nang magkaanak na sila ng kaniyang mister, inalala niya kung paano siya turuan noon ng kaniyang ina sa mga gawaing-bahay, upang hindi matulad ang mga anak sa kaniya.

Advertisement