Inday TrendingInday Trending
Nabulyawan ng Isang Guro ang Isa sa Kaniyang mga Mag-aaral; Tuluyan na Nga Bang Lumayo ang Loob Nito sa Kaniya?

Nabulyawan ng Isang Guro ang Isa sa Kaniyang mga Mag-aaral; Tuluyan na Nga Bang Lumayo ang Loob Nito sa Kaniya?

Hindi malilimutan ni Bb. Chua ang kaniyang mag-aaral na si Crisanto, ilang taon na ang nakalilipas. Nagpadala ito ng liham sa kaniya na nag-iimbita sa isang despedida dahil aalis na ito ng Pilipinas at maninirahan na sa ibang bansa, dahil sa trabaho nito.

Guro sa elementarya sa Bb. Chua. Unang taon niya sa pagtuturo, kaya ibinigay sa kaniya ang pinakamababang seksyon sa Grade 3. Noong una, sabik na sabik siyang makita ang kaniyang mga mag-aaral, subalit wala pang isang araw, parang gusto na niyang sumuko. Makukulit, malilikot, at maiingay ang mga mag-aaral na napunta sa seksyong iyon. Napaisip si Bb. Chua sa kaniyang sarili kung kakayanin ba niya ang pagiging isang guro.

Ang totoo niyan, hindi naman niya talaga gusto ang pagiging isang guro. Nagkataon lamang na ito ang pinakamurang kurso na kayang tustusan ng kaniyang mga magulang. Nais niya’y maging manggagamot, espesyalista para sa mga bata o pediatrician, subalit sabi ng kaniyang ama, hindi nila kayang pag-aralin siya sa kursong ito. Kaya naman, pinili na lamang niya ang maging guro sa elementarya, dahil mahilig nga siya sa mga bata.

Subalit sa lahat ng mga mag-aaral niya sa seksyong iyon, isa lamang ang nakapukaw ng kaniyang pansin. Ang matang payat, mukhang luma ang suot na uniporme, at tumatawa ang pares ng sapatos. Crisanto Reyes. Tuwing umaga, lagi itong sumasalubong sa kaniya at inaako ang pagbibitbit ng kaniyang mga kagamitang panturo papasok sa kanilang silid-aralan. Isa rin siya sa mga masisipag niyang mag-aaral sa klase.

“Ano ang trabaho ng mga magulang mo, Crisanto?” minsan ay usisa niya sa bata.

“Wala pong trabaho ang tatay ko. Ang nanay ko naman po ay nag-aalaga ng bata ng mayamang pamilya sa bayan,” sagot ni Crisanto.

Bukod sa malambing, kakikitaan din ng angking-husay at kasipagan sa pag-aaral ang bata. Ito ang laging sumasagot sa kaniyang mga tanong, at kahit na walang sariling lapis at papel, nakapagpapasa pa rin ito ng mga pinagagawa niya. Kaya kapag sinasalubong na siya nito at nakikita niya ang malawak na ngiti sa mga mukha nito, inaabutan niya ito ng 10 piso, 20 piso, o pinakamalaki na ang 50 piso.

Nagkaroon ng tahimik at munting pagkakaibigan sa kanila ni Crisanto, dahil lagi itong nakaalalay sa kaniya. Kapag maingay na ang klase, ito ang tatayo sa harapan upang tulungan siyang patahimikin ang makukulit na mga kaklase. Kapag masyado nang puno ang sulat sa pisara, agad itong tatakbo sa harapan, kukunin ang pambura, at buburahin ang mga nakasulat sa pisara, upang muli siyang makapagsulat dito.

Ngunit hindi lahat ay araw mo. Darating din ang mga sandaling may sumpong ang bawat tao. Hindi na niya malaman ang dahilan kung bakit isang araw, pumasok siyang wala sa mood at iritable. Nang lumapit sa kaniya si Crisanto at kunin mula sa kaniya ang mga bitbit niyang gamit, nabitiwan niya ito at naging sanhi ng pagtapon nito sa lapag. Kumalat ang maliliit na mga chalk sa chalkbox. Nagalit siya kay Crisanto at nasigawan ang bata. Napayuko na lamang si Crisanto. Matapos pulutin ang mga chalk at isilid sa chalkbox, tahimik at nakayuko na itong bumalik sa silid-aralan.

Gusto niyang pagalitan ang sarili kung bakit nagawa niya iyon sa bata, subalit pinigilan siya ng kaniyang ego upang gawin iyon. Napansin niyang nanamlay si Crisanto, at kung dati ay nakangiti ang mga mata nito’t labi para sa kaniya, malungkot ang mga repleksyong nababanaagan niya rito, na nagsisilbing indikasyong sumama ang loob nito sa ginawa niyang pambubulyaw, na kung tutuusin ay wala naman itong kinalaman, at nasa bahaging personal.

Magmula noon ay naging ilag na si Crisanto sa kaniya. Hindi na siya sinasalubong nito. Kapag lalapitan naman niya, umiiwas sa kaniya, halatang nangingilag.

Makalipas ang isang linggo, nagtungo ang nanay ni Crisanto sa paaralan at personal na kinausap si Bb. Chua. Ipinagpapaalam nito na hihinto na sa pag-aaral ang anak dahil tutungo na raw sila sa Marinduque. Nagkahiwalay na ang mga magulang nito, at isasama na raw ng nanay ang anak patungo sa kanilang lalawigan. Walang nagawa si Bb. Chua. Hindi man lamang siya nakahingi ng tawad o nakausap man lamang ang bata.

At ngayon nga, nagulat na lamang siya sa imbitasyon nito. Isa na pala itong matagumpay sa buhay. Nagpaunlak si Bb. Chua. Nagtungo siya sa despedida nito, at nagulat siya dahil nakikilala pa siya ni Crisanto. Malaki na ang ipinagbago ng bata: mukha na itong propesyunal at may sinasabi sa buhay. Kay tulin talaga ng panahon!

“Crisanto, natutuwa ako dahil muli tayong nagkita ngayon. Patawarin mo sana ako noong nabulyawan kita noon,” paghingi ng tawad ni Bb. Chua.

Natawa na lamang si Crisanto.

“Naku Ma’am, maniwala po kayo sa akin, wala po iyon! Hindi ko po dinibdib iyon. Kasalanan ko naman po talaga, hindi ako nag-iingat. Ma’am, gusto ko lang po sanang magpasalamat sa lahat ng mga bagay na naituro ninyo sa akin noong nag-aaral pa ako. Isa po kayo sa mga gurong hindi ko malilimutan. Salamat po sa lahat!”

Hindi maipaliwanag ni Bb. Chua ang kaniyang kasiyahan, nang siya ay umuwi na, sa pagtatapos ng kasiyahang inilunsad ni Crisanto. Pakiramdam niya, may isang tropeo na naman siyang nakamit dahil sa pagiging matagumpay ni Crisanto: na alam niyang hinding-hindi rin niya malilimutan, dahil isa ito sa mga nagparamdam sa kaniya na naging mahusay siyang guro.

Advertisement