Inday TrendingInday Trending
Mahal na Mahal ng Lalaki ang Kaniyang Misis Subalit Nasaksihan Niya sa Akto ang Pagtataksil Nito; Bakit Hindi Niya Mapagbuhatan ng Kamay ang Kaniyang Kalaguyo?

Mahal na Mahal ng Lalaki ang Kaniyang Misis Subalit Nasaksihan Niya sa Akto ang Pagtataksil Nito; Bakit Hindi Niya Mapagbuhatan ng Kamay ang Kaniyang Kalaguyo?

Sabik na sabik si Gerald sa kaniyang pag-uwi; kaarawan kasi ng kaniyang misis na si Helena, kaya maaga siyang umuwi upang sorpresahin ito. Darating na ang customized cake na ipinagawa niya sa bahay, na may mga nakasulat na pick-up lines sa loob nito; parang money cake. Huhugutin niya ang kandilang nakalagay sa ibabaw nito matapos hipan ang apoy, at mailalabas na ang mga nakahilerang mga pick-up lines na alam niyang bentang-benta rito. Masinsin at talaga namang pinag-isipan niyang maigi ang mga ito. Tiniyak niyang orihinal ang mga pick-up lines na iyon upang mas maging espesyal.

Dalawang taon na silang kasal subalit hindi pa binibiyayaan ng supling. Ayos lamang sa kanila. Ang mahalaga naman ay kanilang relasyon. Sabi nga niya, kung ukol ay bubukol.

Nagmamadali na siya. Ayaw niyang matuklasan ng asawa ang ipinagawa niyang cake, kaya kailangang maunahaan niya ito upang siya ang mag-claim. Tumingin siya sa kaniyang relong de-bisig. Alas singko y media ng hapon.

Sa kaniyang pagtawid sa pedestrian lane, hindi napansin ni Gerald ang papadating na traktora; palibhasa ay nakasalpak sa kaniyang magkabilang tenga ang kaniyang earphones at nakikinig sa musika, at abala ang kaniyang atensyon sa pag-iisip ng iba pang mga sorpresa sa misis, para mamayang gabi. Natulig na lamang si Gerald sa malakas na busina ng traktora sa kaniya, at saka lamang niya nalamang mababangga na pala siya.

Nakalagpas na ang traktora na muntik nang humagip sa kaniya. Hindi niya alam kung paano siya nakaligtas; subalit naramdaman niyan

“Hayop iyon ah!” naibulalas na lamang ni Gerald. Subalit nakita niyang nakalagpas na ang traktora. Ipinagpatuloy na lamang niya ang paglalakad pauwi.

Ilang sandali, nasa loob na siya ng kanilang bahay. Mukhang wala pa ang delivery ng customized cake. Ayos lang. Bubuksan sana niya ang mga ilaw subalit naputol ito nang makarinig siya ng mga pag-uusap. Tinig ng misis, at tinig ng isang lalaki. Nagtago siya sa likod ng pinto upang mapakinggan ang kanilang pag-uusap.

“Babe, kailan ba darating ang sandaling makakasama na kita? Kung ako ang pinili mo noon, sana may anak na tayo. Kayang-kaya kitang bigyan ng anak, kahit ilan pa, kahit isang koponan pa sa basketball,” saad ng baritonong tinig ng lalaki. Hindi mabanaagan ni Gerald ang mukha ng lalaki dahil madilim sa loob ng kabahayan, subalit batay sa bahagyang liwanag na makikita sa labas gawa ng paglubog ng araw, kayakap ni Helena ang lalaki habang sila ay nakaupo sa sofa.

“Minahal ko naman si Gerald pero habang nagsasama kami, hindi ko na maramdaman sa kaniya ang ligayang gusto ko. Ayoko naman siyang iwan dahil mabuti at mabait naman siyang mister sa akin,” tugon naman ni Helena.

Pakiramdam ni Gerald ay may kung anong punyal ang tumarak sa kaniyang puso matapos marinig ang mga pahayag ng misis.

“Pero hanggang kailan natin maitatago ang ating relasyon? Hindi maaaring ganito. Hindi ka naman na masaya sa kaniya. Sumama ka na sa akin at iwanan mo na siya,” giit ng lalaki.

“Rommel, ang mabuti pa, umalis ka na. Anomang oras ay uuwi na ang asawa ko. Kaarawan ko ngayon at alam kong may sorpresa siya sa akin. Baka maabutan ka pa niya rito. Umalis ka na. Sasabihan kita kapag puwede na ulit tayong magkita,” pagtataboy ni Helena sa kalaguyo.

Tumayo naman ang lalaki sa pagtayo rin ni Helena. Niyakap niya ang misis ni Gerald.

“Happy Birthday, Babe. Mahal na mahal kita. Nagsadya lang ako rito para ako ang unang bumati sa iyo, dahil alam kong you will spend your time with him,” sabi ng lalaki, na ang tinutukoy ay si Gerald.

“I love you too. Kaunting tiis na lang, Babe. Kaunting tiis na lang…. sige na, umalis ka na.”

Sa pagkakataong iyon, bumabalong na ang luha sa mga mata ni Gerald at sumisikdo na ang galit sa kaniyang kalooban. Pinindot niya ang switch ng ilaw upang mabulaga ang dalawa, subalit nagtaka siya dahil naglagos lamang ang kaniyang daliri dito. Inulit niya, subalit gayon pa rin. Umalis na siya sa likod ng pinto upang magpakita sa dalawa, subalit tila hindi siya napansin. Si Helena ang nagbukas ng ilaw, at bumadha ang liwanag sa loob ng sala, at nabanaagan niya ang mukha ng lalaki.

Sa pagkakatanda niya, ito ang dating kasintahan ni Helena, bago siya nito makilala. Hinarap niya ito subalit nagtaka siya kung bakit tila naglagos lamang ang kanilang mga paningin sa kaniya. Pinaigkas niya ang kaniyang kamao upang bangasan ang mukha nito, subalit laking-mangha niyang tumagos lamang ang kaniyang kamao; na tila sa isang kaluluwa.

Kaluluwa?

Kaluluwa na lamang ba siya?

Maya-maya, naulinig niyang may tumawag sa kaniyang misis. Narinig niya ang sinabi nito: kinukumpirma ng tumawag kung kaano-ano niya ang isang lalaking naaksidente sa daan, na nahagip daw ng isang traktora. Batay raw sa pagkakakilanlang nahagilap sa bag nito, siya raw si Gerald Macahilas.

Siya iyon. Siya si Gerald Macahilas.

At saka anaki kidlat na bumalik sa kaniyang balintataw ang nangyari sa kaniya kanina, habang patawid siya sa pedestrian lane.

Umiiyak na nagtungo si Helena sa ospital, kasama ang kalaguyong si Rommel. Comatose si Gerald. Kitang-kita ito mismo ni Gerald, na isa nang kaluluwa, at hindi siya makapaniwalang nangyayari ang lahat ng iyon. Pakiramdam niya ay nakatingin lamang siya sa salamin.

Humagulhol si Helena, tumangis, at tila nakonsensiya nang malaman ang naging sanhi kung bakit nahagip ng traktora ang asawa.

“Patawarin mo ako, Gerald… hindi ako naging mabuting asawa sa iyo…”

Dahil sa matinding konsensiya, hiniwalayan ni Helena ang kalaguyo, at iginalang naman ng huli ang pagpapasya ni Helena. Araw-araw binantayan ni Helena ang mister, umaasam na anomang oras ay muli itong magkakamalay. Si Gerald naman, lahat ng mga ikinikilos ng misis ay kaniya lamang pinagmamasdan. Narinig niya nang lahat ang mga pagsisisi nito sa ginawa niya, at napatawad na niya ang asawa. Ilang ulit niyang tinangkang yakapin ang misis subalit lumalagos lamang ang kaniyang mga bisig sa katawan nito.

“Panginoon, hayaan po Ninyo akong makabalik sa aking katawan. Pangako, itutuwid po namin ang lahat. Magsisimula po kami ulit. Handa ko pong kalimutan ang lahat,” usal ng kaluluwang si Gerald. Naaawa na siya sa asawa. Kahit na sinaktan siya nito, at nagkamali ito, handa pa rin niya itong patawarin dahil mahal na mahal niya ito.

Maya-maya, nagulat siya nang maramdamang tila hinihigop siya sa kung saan pa man. At nagdilim ang lahat sa kaniya…

“Asawa ko… asawa ko…”

Unti-unting nagdilat ng mga mata si Gerald. Masakit ang kaniyang ulo. Iginala niya ang kaniyang paningin. Hindi niya alam kung nasaan siya. Pagbaling niya sa kanan, nasaksihan niya ang tumatangis na mukha ni Helena.

“Mabuti naman at nagkamalay ka na, asawa ko… mahal na mahal kita! Maraming salamat po sa Diyos!” lumuluhang sambit ni Helena.

Walang matandaang kahit na ano si Gerald. Ang alam lamang niya, patawid siya nang may makitang traktora. Iyon lamang ang natatandaan niya. Wala nang iba.

“Isang linggo at kalahati ka nang walang malay, asawa ko. Patawarin mo ako sa mga pagkakamali ko at sa mga pagkukulang ko. Magsisimula tayong muli,” paghingi ng tawad ni Helena.

“Bakit ka humihingi ng tawad? Anong pagkukulang? Nag-away ba tayo?” nagtatakang tanong ni Gerald. Wala siyang matandaang kahit na ano. Sa halip na sumagot ay niyakap lamang siya nang mahigpit ng misis.

Nang makalabas ng ospital, asikasong-asikaso ni Helena ang kaniyang mister, hanggang sa tuluyan itong maka-recover. Makalipas ang isa pang taon, isang biyaya ang dumating sa kanila: ang panganay nilang supling. Maligaya silang namuhay kapiling ang anak na kaytagal nilang hinintay.

Advertisement