
“Knight in Shining Armor” ang Tingin ng Negosyante sa Binatang Nagligtas sa Kaniya sa Kapahamakan; Siya na Ba ang Itinadhana sa Kaniya ng Kapalaran?
Pababa ng hagdanan ng kaniyang sariling kompanya si Marsha, 47 taong gulang, upang magtungo sa parking lot upang umuwi na, nang isang lalaki ang biglang yumakap sa kaniya at iniiwas siya mula sa punglo o bala. Nagpagulong-gulong sila. Hanggang sa mapailalim si Marsha sa ilalim ng maskulado at guwapong lalaki. Nagtama ang kanilang mga paningin. Tumayo ang lalaki at mabilis na hinabol ang sniper na nagtangka sa kaniyang buhay, subalit nakatakbo na ito nang mabilis.
“O-Okay lang po kaya, Madam?” nag-aalalang tanong ng lalaki, na tantya ni Marsha ay mas bata sa kaniya, mga nasa 25 hanggang 27 taong gulang. Inilahad nito ang mga bisig upang itayo siya. Kumapit naman dito si Marsha.
“M-Maraming salamat! Utang ko sa iyo ang buhay ko,” pasasalamat ni Marsha sa lalaki. Naamoy niya ang panlalaking pabango nito.
“Mabuti na lamang po at napadaan ako rito. mag-iingat po kayo, Ma’am. May nakagalit po ba kayo at may nais na tapusin kayo?” tanong ng lalaki.
“W-Wala akong alam, pero ako ang may-ari ng kompanyang ito. Marami akong mga nakakalaban pagdating sa negosyo, o kaya, ang mga empleyadong tinanggal ko,” paliwanag ni Marsha.
“Sasamahan ko po kayo sa pulisya para maipa-blotter ang nangyaring ito,” sabi ng lalaki. Pumayag naman si Marsha dahil ito naman ang nagtanggol sa kaniya, at ito na rin ang magsisilbing saksi.
Matapos ang pagpapa-blotter, inaya ni Marsha ang lalaki na kumain bilang pasasalamat sa ginawa nitong kabayanihan sa kaniya. Nagpaunlak naman ito. Nagtungo sila sa isang mamahaling restaurant. Inusisa ni Marsha ang lalaki kung ano ang pinagkakaabalahan nito sa buhay.
“Sa ngayon po nawalan ako ng tarabaho Ma’am. Naghahanap po talaga ako ng trabaho, kaya napadaan ako sa kompanya ninyo, nagbabaka-sakaling makakita ng bakanteng posisyon,” paliwanag ni Dante.
“Tamang-tama pala. Tutal naman nailigtas mo na rin ako Dante, papayag ka ba kung gagawin kitang ersonal bodyguard ko?” tanong ni Marsha kay Dante.
“Ayos lang naman po sa akin, Ma’am. Huwag po kayo mag-alala, ako na pong bahala sa inyo,” saad ni Dante.
Simula noon ay naging bodyguard na nga ni Marsha si Dante. Lagi niya itong kasa-kasama kahit saan man siya magpunta bilang proteksyon na rin sa mga nagtatangka sa kaniya. Dahil guwapo at matipuno, marami tuloy ang nag-iisip nang masama sa kaniya; iniisp ng marami na kasintahan siya ni Marsha.
“Huwag mong intindihin ang mga tsismis tungkol sa atin. Hindi naman totoo iyon. Gawin mo lang ang trabaho mo,” paalala ni Marsha sa kaniyang bodyguard.
“Opo Ma’am wala naman pong problema sa akin,” saad ni Dante.
Sa araw-araw na kasa-kasama ni Marsha ang kaniyang bodyguard, pakiramdam niya ay ligtas na ligtas siya rito, at talaga namang maginoo rin ito. Dumating sa puntong tila nagugustuhan na ni Marsha si Dante, at ganoon din naman si Dante kay Marsha.
“Mahal kita pero natatakot ako na baka kung ano ang isipin ng mga empleyado at pamilya mo tungkol sa akin. Hindi ko alam kung matatanggap mo ang pag-ibig ko para sa iyo,” pag-amin ni Dante sa kaniyang amo.
“Huwag kang mag-alala kasi ganoon din naman ang nararamdaman ko para sa iyo. Huwag kang mag-alala, hindi naman muna natin ipagsasabi kung ano ang namamagitan sa atin. Ang mahalaga, tayo…” saad naman ni Marsha.
Nagsimula na nga ang kanilang lihim na relasyon. Nagawa nilang maitago ang namamagitan sa kanila sa loob ng tatlong buwan. Subalit hindi maitatago o maililihim ang mga body language nila. Kahit wala silang sabihin, napapansin naman ng mga tao ang kanilang mga galaw, kaya lalong lumakas ang tsismisan hinggil sa lihim na relasyon ng dalawa.
Isang araw, napansin ni Marsha na malungkot si Dante.
“Anong problema?” usisa ni Marsha.
“Ang nanay ko kasi kailangan ng pampagamot. May sakit kasi siya. Hindi ko alam kung paano ako makakakuha ng pera,” saad ni Dante.
Kumuha ng tseke si Marsha at iniabot sa kaniyang nobyo.
“Gamitin mo na iyan…” saad ni Marsha. May laman ang tseke na 50,000 piso.
“Maraming salamat, babe! Mahal na mahal kita,” at niyakap ni Dante ang kaniyang nobya. At doon na nagsimulang humingi ng kung ano-ano si Dante, at dahil mahal na mahal siya ni Marsha, ibinibigay naman nito sa kaniya.
Makalipas ang tatlong buwan…
Isang malakas na sampal ang ipinadapo ni Marsha sa mukha ni Dante. Nagulat at natulig naman si Dante sa ginawa ng kaniyang nobya.
“Bakit? Anong ginawa ko sa iyo, babe?”
“Hayop ka. Lumabas na ang imbestigasyon ko laban sa iyo,” saad ni Marsha, sabay tapon sa mukha ni Dante ang isang folder. Sumabog ang mga papeles na laman nito. Dinampot naman ito ni Dante at tiningnan kung ano iyon.
“Pinahanap ko sa isang private investigator kung sino ang nagnanais na tambangan ako, at napag-alaman niyang magkasabwat kayo! Bakit ginawa mo sa akin ang bagay na ito? Buong akala ko talagang iniligtas mo ako, pero ang lahat pala ay nasa manipulasyon ninyo. Sinadya ninyo ang lahat para makapasok ka sa buhay ko at mahuthutan ako ng pera!” saad ni Marsha.
At ipinagpatuloy na nga ni Marsha ang pagsasampa ng kaso sa dalawa. Umamin naman si Dante sa kaniyang mga nagawang pagkakamali: subalit iisa lamang daw ang totoo. Totoo raw na minahal niya si Marsha, at anumang kabayaran sa kaniyang mga ginawa ay malugod niyang tinatanggap.