
Halos Isakripisyo ng Babae ang Lahat Para sa Kaniyang Pinsan; May Hangganan Din Ba ang Lahat?
Mga bata pa lamang ang magpinsang sina Pamela at Stacy, talagang malapit na sila sa isa’t isa, palibhasa’y nag-iisang anak lamang si Stacy, at ulila naman si Pamela. Kinupkop ng mga magulang ni Stacy si Pamela hindi upang magkaroon ng pangalawang anak, kundi upang may umalalay at makalaro ang kanilang anak.
Hindi masasabing parang tunay na anak ang turing ng mga magulang ni Stacy sa kaniya, subalit hindi naman din sila masama sa kaniya, kagaya ng ibang mga kamag-anak. Pinakain siya, binihisan, at pinag-aral sa paaralan kung saan naroon si Stacy. Pero alam naman niyang kaya lamang ito nangyayari ay upang matingnan-tingnan niya ang pinsan.
Subalit wala siyang masasabi sa kaniyang pinsang si Stacy. Napakabait nito sa kaniya. Lahat ng mga materyal na bagay na maaari nitong ibahagi sa kaniya, ibinibigay nito. Kaya naman, upang masuklian ang kabaitan ni Stacy, kapag nagkakatulad sila sa mga gusto o nais makuha, ipinaparaya na niya ito sa pinsan. Nasanay si Stacy na kapag may gusto si Pamela at nagustuhan niya rin, hihilingin ni Stacy na sana ay sa kaniya na mapunta.
“Pam, puwede bang sa akin na lang ang bre@st part ng chicken? Hindi ko kasi bet itong napunta sa akin eh.”
“Pam, puwede bang palit na lang tayo ng upuan? Ayoko rito sa katabi ko eh.”
“Pam, pakiubos mo naman ang baon ko, baka magalit si Mommy…”
Kaya nang magka-crush si Pamela sa kanilang kaklaseng si Raymond, na nagustuhan din ni Stacy, maaga pa lamang ay sinikil na niya ang damdamin para dito.
“He’s so cute, ‘di ba? Alam mo, binigyan niya ako ng letter. He was asking me kung puwede raw bang manligaw. Papayagan ko na ba?” minsan ay tanong ni Stacy. High school sila noon. Recess nila kaya kumakain sila ng minindal.
“I-Ikaw… ikaw ang bahala. Pero baka mamaya niyan makaapekto sa pag-aaral mo. Magagalit sina Tito at Tita,” paalala ni Pamela sa pinsan.
“Hindi naman siguro. You keep secrets naman, hindi ba? Hindi mo naman ako isusumbong sa kanila, ‘di ba?”
Tumango naman si Pamela. “Pero ayokong mapahamak ka ha. Gusto ko ang studies mo, ayos pa rin…”
“Para kang si Mommy! Oo na po,” natatawang sabi ni Stacy.
Makalipas ang tatlong buwan, ibinalita ni Stacy kay Pamela na sila na ni Raymond. Kapag magde-date sila, laging nakabuntot si Pamela. Nagmistula siyang chaperone. Sa kabilang banda, aminado sa sarili si Pamela na nadudurog ang puso niya sa tuwing nakikitang sweet sa isa’t isa sina Raymond at Stacy. Lihim niyang tinatanaw mula sa malayo ang lalaking nagpapatibok ng kaniyang puso. Habang tumatagal, lalo lamang lumalalim ang lihim niyang pagtangi sa kaklase, subalit hindi na maaari dahil kasintahan na ito ng kaniyang pinsan.
Wala naman siyang mapamimilian dahil nga kailangan niyang samahan ang pinsan kahit saan ito magpunta.
Hanggang sa mabilis na dumaan ang panahon. Nakatapos sila ng high school gayundin sa kolehiyo. Pinag-aral ng mga magulang ni Stacy si Pamela, sa kondisyong kailangan niyang samahan si Stacy sa kursong gusto nito. Gusto man ni Pamela na kumuha ng kursong Journalism, wala siyang magawa kundi yakapin ang kursong Business Administration dahil iyon ang gustong kurso ni Stacy. Muli, nagpaubaya si Pamela. Unti-unti na lamang niyang niyakap ang kaniyang kapalaran.
Nang malaman ng mga magulang ni Stacy ang matagal na nitong relasyon kay Raymond, siya ang pinagalitan ng kaniyang Tito at Tita.
“Bakit hindi mo sinabi sa amin na pumasok na sa pakikipagrelasyon ang pinsan mo?” untag sa kaniya ng tiyahin. Nakatungo lamang si Pamela. Hiyang-hiya siya sa mga magulang ni Stacy.
“P-Patawarin po ninyo ako, Tita… nangako po kasi ako kay Stacy na hindi ko sasabihin sa inyo…”
“Bakit na kay Stacy ang loyalty mo? Bakit, sino ba ang nagpapaaral sa iyo? Sino ang nagpapalamon sa iyo, ‘di ba kami?”
“Elsa! Ang bibig mo… watch your words. Pamangkin mo pa rin si Pamela. Anak siya ng kapatid mo. Hindi mo siya dapat pinagsasalitaan nang ganyan,” suweto ni Douglas sa kaniyang misis, ang ama ni Stacy.
Tila nahimasmasan naman si Elsa.
“I’m sorry sa mga nasabi ko, Pamela. Pero iyan naman talaga ang totoo. Dapat, nasa amin ang loyalty mo. Dapat sinasabihan mo kami, o pinapaalam mo sa amin ang mga galaw ni Stacy,” ayaw pa ring paawat na sabi ni Elsa.
“Mommy, hindi ko yaya si Pamela, at lalong hindi natin siya personal assistant, kaya hindi niya kailangang mag-report sa inyo. Ako ang may kasalanan, ako ang nakipagrelasyon, ako ang dapat na pinapagalitan.”
Biglang lumitaw si Stacy. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagtanggol siya ng pinsan.
“She is not just a cousin, she is like my own sister. Ako po ang may kasalanan. Napakasuwerte ko po dahil kahit wala akong kapatid, nariyan si Pamela para umalalay sa akin. Napakabuti po niya. Lagi niya akong inuuna, kahit na masakripisyo pa niya ang mga bagay na gusto niya. Can you even think na pinilit ninyo siyang mag-Business Administration kahit ang gusto niya talaga ever since ay Journalism? Hindi na ito tama,” pagtatanggol sa kaniya ni Stacy.
Humingi ng tawad ang mga magulang ni Stacy kay Pamela. Simula noon, nakakapagdesisyon na si Pamela para sa kaniyang sarili, dahil hindi na pumayag si Stacy na lagi na lamang idinidikta ng kaniyang mga magulang ang kumpas ng buhay ng pinsan.