Inday TrendingInday Trending
Pagtitinda na Lang ng Balut at Kung Ano-ano ang Inaasahan Niya Upang May Makain Silang Pamilya; Tunay nga Kayang Isang Biyaya ang Dala ng Buena Mano?

Pagtitinda na Lang ng Balut at Kung Ano-ano ang Inaasahan Niya Upang May Makain Silang Pamilya; Tunay nga Kayang Isang Biyaya ang Dala ng Buena Mano?

Tulak-tulak ni Jose ang karitong may lamang Balut, Chicharon at kung ano-ano pang kaniyang paninda, upang pumunta na sa kaniyang pwesto at magsimulang magtinda. Lilipas na naman ang magdamag at sana’y makabenta ng marami-rami upang makabili ng bigas at pang-ulam kinabukasan para sa kaniyang asawa’t limang apong kasama.

Didiretso na sana siya nang may kumaway sa kaniyang lalaki na tila bibili. Agad siyang nag-menor sa pagtulak upang itabi ang kariton.

“Magkano ang balut niyo, ‘tay?”

“Dise-otso na ‘nak e. Nagmahalan na talaga ang lahat ng bilihin. Ilan ba sa’yo?” aniya sabay bukas ng telang nakatakip sa mga panindang itlog.

“Lima lang sana,” sagot naman ng lalaki. “Malaki naman kinikita niyo rito, tatay?”

“Sakto lang ‘nak, para makabili ako ng bigas at pang-ulam ng pamilya ko. Ayos na rin,” sagot ni Jose. “Medyo matumal rin kasi ngayon. Mula noong nagkaroon ng pandemya’y nagiging matumal na ang lahat ng negosyo, maliit man o malakihang negosyo, lahat naapektuhan,” dugtong pa niya habang pumipili ang binata.

Mula noong nagka-lock down ay hindi na pinayagan ng barangay nila may magtinda-tinda sa labasan. Dahilan upang itigil ni Mang Jose ang pagtitinda ng balut. Labis siyang naapektuhan ng pandemya. Hindi na nga niya alam saan pa kukuha ng pera para makakain sila.

Mabuti na lang at kahit papaano’y nagpapadala ang kaniyang panganay na anak na si David na nasa ibang bansa nagtatrabaho. Apektado rin sila sa pandemya, ngunit kahit papaano’y nagkakapagtrabaho ito, dahil isa itong drayber ng ospital sa ibang bansa.

Ang pinapadala nito ang siyang pinagkakasya nila upang makakain sa araw-araw. Kahit hindi na kumpleto, basta malamnan lang ang tiyan ay ayos na.

“Ilang taon ka nang nagtitinda ng ganito, tatay?” tanong ng binata.

“Matagal-tagal na rin, halos sampong taon na rin siguro. Ito na ang bumuhay sa’min ng pamilya ko e. Napagtapos ko ang anak kong panganay sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagtitinda ng balut,” nakangiting kwento ni Jose. “Noon kasi’y medyo mura pa ang bili ko ng itlog, kaya medyo nakakatubo ako ng tama sa bawat binebenta ko. Ngayon kasi’y nagmahal na ang presyo ng mga ito, kaya magkano na lang rin ang tinutubo ko sa bawat isa.”

“Sabagay. Mahirap talaga ‘tay, kapag mahirap ‘no,” wika ng binata.

“Sinabi mo pa ‘nak,” sang-ayon ni Jose. “Kapag may nagtatanong kung magkano na ang balut ngayon at kapag sinabi ko na ang presyo, parang nagugulat pa sila e. Saka aatras kasi ang mahal na daw ng balut. Kaya kaming nagtitinda’y hindi makatubo ng malaki, kasi parang iniisip ng marami balut lang ang mahal-mahal na. Kaya nagiging matumal na rin ang bentahan,” mahabang paliwanag ni Mang Jose.

“Dumating din ba sa puntong wala kayong benta sa isang araw?”

“Oo minsan,” pag-amin ni Mang Jose.

Kapag gano’n ang nangyari na tila abonado pa siya sa isang buong araw ay bigas lamang ang kaniyang nabibili at mag-uulam na lamang sila ng bagoong. Hindi naman kasi palaging nagpapadala ang anak niyang panganay na nasa ibang bansa, dahil may sarili na rin itong pamilya.

Inabot ng binata sa kaniya ang bayad nito at inabutan rin siya ng binata ng dalawang piso na labis niyang pinagtakhan.

“Para saan ang dalawang libong ito, ‘nak?”

“Bigay ko na sa’yo, tatay. Pandagdag sa bibilhin mong bigas at ulam,” nakangiting wika ng binata.

“Naku! Hindi ko matatanggap ito ‘nak. Alam kong pareho tayong kumakayod sa buhay. Masyadong malaki ang perang ito. Ilang araw mo rin itong kikitain,” ani Mang Jose na ibinabalika ng dalawang libong pera.

“Tanggapin niyo na iyan, tatay. Isipin niyo na lang na bigay ‘yan ng anak niyo. Naisip ko kasing kailangan niyo ng pera at deserve mo ‘yan, tatay, kasi mabuti kang tao. Positibo ang pananaw mo sa buhay, kahit na alam naman nating napakahirap talaga ng buhay natin ngayon. Bigay ko ‘yan para sa’yo at sa pamilya mo,” anito.

Hindi na napigilan ni Jose na hindi yakapin ang mabuting binata. “Hindi ko alam kung anong kaya kong ibigay upang masuklian ang kabutihan mo. Hindi ko naisip na isang anghel pala ang kumuway sa’kin at binyayaan ako ng ganito,” mangiyak-ngiyak na wika ni Mang Jose.

“Maliit na bagay lamang iyan, tatay. Pero nakakataba ng puso ang makita kang masaya dahil sa ibinigay ko,” nakangiting wika ng binata. “Mag-iingat po kayo tatay at bilhan ang pamilya mo ng masarap na pagkain. Walang perang tutumbas sa ngiti at sayang nakita ko sa’yo. Salamat at na-appreciate mo ang ibinigay ko,” dugtong nito.

Walang tigil na pasasalamat ang sinambit ni Jose sa binata. Makakaasa itong makakarating sa pamilya niya ang biyayang ibinigay nito. Salamat dahil nakatagpo siya ng mamimiling kagaya ng binata. Swerte ang kaniyang buena mano, sana swertehin siya sa magdamag.

Advertisement