Inday TrendingInday Trending
Hindi Nag-Atubili ang Aleng Bigyan ang Binatang Walang Pambayad ng Sariling Pagkain; Sa Muli Nilang Pagkikita’y Ito ang Nangyari

Hindi Nag-Atubili ang Aleng Bigyan ang Binatang Walang Pambayad ng Sariling Pagkain; Sa Muli Nilang Pagkikita’y Ito ang Nangyari

“Anong sa’yo?” tanong ni Marites sa lalaking umupo sa bakanteng lamesa ng kaniyang karinderya.

“K-kanin lang po a-at saka tubig…” nauutal na wika ng lalaki na tila nahihiya sa in-order.

Nagtataka man si Marites ay hindi na lamang niya pinansin ang lalaki. Inisip na lamang niyang baka may ulam itong dala kaya kanin na lamang ang in-order nito.

Agad niyang inasikaso ang order ng lalaki at nang matapos ay iniabot dito. Saka naman niya inasikaso ang iba pang mamimili. Marami ang kumakain sa kaniyang karinderya lalo na kapag pumatong na ang oras sa tanghalian. Mula alas-diyes hanggang alas dos ay hindi na sila magkandaugaga sa pag-asikaso sa mga kumakain sa kanilang kainan.

May kukunin lang sana si Marites nang madako ang tingin niya sa lalaking um-order sa kaniya kanina ng kanin. Sa kaniyang tantiya’y nasa edad bente mahigit pa lang ang lalaki at mukhang galing ito sa pag-aapply ng trabaho sa klase ng awra nito.

“Iyan lang ang kakainin mo, hijo?” sita ni Marites sa lalaking tahimik na kumakain ng kanin na pinaresan ng tubig.

Tila nahiya ang lalaki at agad itong yumuko saka marahang tumango. “Wala na po kasi akong pera, ale. Naubos ko na po sa pagkuha ng requirements para sa paghahanap ng trabaho.

Gutom na gutom na ako kaya imbes ipamasahe ko pa ang sampung piso ay ibinili ko na lang ng kanin, pangtawid gutom lang po,” anito. Natatakot na paalisin niya dahil kanin lang ang in-order nito.

“Saan ka pa ba uuwi?”

“Sa R. Papa pa po. Maglalakad na lang po ako pauwi,” sagot nito. Saka ipinagpatuloy ang pagkain, sabay inom ng tubig.

Agad namang nakaramdam ng awa si Marites sa binata kaya nagpatuloy siya sa paglakad upang kunin ang dapat niyang kunin saka bumalik pwesto at naglagay ng dalawang putaheng ulam sa platito at dalawang tasa ng kanin sa malaking plato. Kumuha rin siya ng isang daang peso sa kaha at tubig saka inisang lagay sa tray at inilapag sa mesa ng binatang uuwi pa sa R. Papa.

“Ubusin mo iyan at ito ang isang daan. Pandagdag budget mo hanggang sa makahanap ka ng trabaho,” aniya saka muling bumalik sa pwesto upang asikasuhin pa ang ibang kustomer.

Mangiyak-ngiyak na tinitigan naman ng binata si Marites, hindi man nito nasasabi ay ramdam niya ang labis na pasasalamat ng binata.

Makalipas ang maraming taon. Ngayon ay trenta’y otso anyos na si Nathaniel. Marami ang nangyari at paghihirap na dinanas at ngayon nga’y matagumpay na siya sa buhay. Ang dating binatang naglalakad sa init ng araw habang gutom at walang pera… ngayon ay isa nang CRS Manager ng isang mall.

“Sir, nahuli na po namin ang matandang babae na naglalako ng kakanin sa loob ng mall,” bigay impormasyon ni SG. Quezon.

Agad namang bumaba si Nathaniel sa Bravo Base kung saan naroon ng nahuling babaeng ilang araw na nilang minamatyagan dahil sa report na may babaeng naglalako ng kakain sa loob ng mall na siyang ipinagbabawal ng management.

“Nasaan na siya?”

“Ito po sir,” sagot ni SG. Quezon.

Paglingon ng matandang babae sa kaniya’y tila tumigil bigla ang kaniyang mundo. Kilala niya ang ale at hindi siya pwedeng magkamali.

“Pasensiya na po kayo, sir. Wala na po kasi akong ibang maisip na paraan. Ilang araw ng matumal sa pinu-pwestuhan ko. Dito kasi sa loob ng mall, kahit papaano’y kumikita ako’t nakakabili ako ng bigas at ulam para sa pamilya ko,” nagmamakaawang wika ng ale.

Ito ang aleng nagbigay sa kaniya dati ng dalawang putaheng ulam, kanin na sinamahan pa ng isang daang piso.

“N-nasaan na p-po ba ang karinderya niyo noon, ale?” nauutal niyang tanong.

Agad namang gumuhit sa mukha ng ale ang labis na pagtataka na agad ring nakabawi. “Nawala na po iyon mula noong namayapa ang aking asawa. Naubos kasi ang pera namin noong nagkasakit siya nang malubha, dahilan upang maibenta ko ang lahat ng ari-arian namin, isa na roon ang karinderya namin,” paliwanag nito saka marahang gumuhit ang ngiti sa labi. “Naging kustomer ba kita roon minsan hijo?”

Tumango si Nathaniel bilang pagsang-ayon. “O-opo.”

Malungkot namang ngumiti ang ale. “Sayang nga ang karinderya na iyon.”

Masakit isipin na ang mabait na aleng labis niyang pinapasalamatan noon ay naglalako na lamang ngayon ng kung ano-anong kakanin sa bawal na pwesto pa.

Imbes na parusahan ang ale ay hindi na ginawa ni Nathaniel. Sa halip ay pinagsabihan niya ito at ipinaliwanag ang bawal na ginagawa nito at kung ano ang mangyayari rito kapag inulit pa ang ginawa.

“Ako po iyong binatang ginawan niyo minsan ng kabutihan, ale. Hanggang ngayon ay labis pa rin akong nagpapasalamat sa ginawa niyo noon,” aniya.

Alam niyang hindi na siya nito natatandaan. Inabutan niya ito ng sampung libong piso na ayaw pa nitong tanggapin no’ng una.

“Iyan po ang bayad ko sa’yo ale, kasama na ang ilang taong interes,” nakangiting wika ni Nathaniel.

“Sobra-sobra ito, hijo,” nahihiyang wika ni Marites.

“Wala naman pong halaga ang ginawa niyong tulong sa’kin noon. Ngayong kayo naman ang nahihirapan at ako naman ang may kakayahang tumulong ay hayaan niyong tulungan ko kayo, ale. Salamat sa pagkaing libre mong ibinigay noon sa’kin,” ani Nathaniel.

“Salamat rito, hijo. Totoong malaking tulong na ito sa’min,” ani Marites saka niyakap ang binata.

Kailanman ay hindi naisip ni Marites na darating ang panahong tutulungan siya ng mga taong minsan niyang ginawan ng mabuti. ‘Ika nga sa matandang kasabihan, magtanim ng kabutihan at may aanihin ka ring kabutihan.

Advertisement