
Balak Lang ng Binatang Pakainin ang Nagugutom na Aso, Pag-ibig na Pala ang Naghihintay sa Kaniya
Nakakaramdam na ng gutom si Fredie kaya naghanap siya ng makakainan. Kaninang alas sais pa kasi ang huling beses na kumain siya. Sinilip niya ang orasang pambisig at napag-alamang alas-singko na ng hapon. Masyadong naging okupado ang kaniyang isipan, kaya nakalimutan niyang kumain.
Nang makahanap ng makakainan ay agad siyang namili ng ulam at nang makapili ay agad niyang siyang sinabi sa tindera at naghanap ng mauupuan. Isang aso ang lumapit sa kaniya, nanghihinging nakatitig at mukhang kagaya niya’y nagugutom na rin.
“Nagugutom ka rin ba?” tanong niya sa aso.
Alam niyang hindi siya sasagutin nito at mukha siyang t*ngag kinakausap ito.
“Naku! Pareho lang pala tayo. Kakain na muna ako bago kita bibigyan ah,” patuloy niya sa pakikipag-usap sa aso.
Nang dumating ang in-order niyang kanin at ulam at nakita ng tindera ang aso’y agad nito iyong pinalabas. Walang nagawa ang kawawang aso kung ‘di ang lumabas. Naaawang sinundan niya ito ng tingin. Mukhang bagong panganak ang aso, base sa nakikita niya at gaya ng inisip niya kanina’y gutom na rin yata ito.
Matapos kumain at mabayaran ang kinain ay nakahanda na si Fredie na lisanin ang karinderya nang sa pagyuko ay muli niyang nakita ang asong kanina’y nanghihingi sa kaniya.
“Oh! Nandito ka pa rin pala? Akala ko’y umalis ka na,” kausap niya sa aso.
Bago umalis ay muli munang um-order si Fredie upang ipakain sa asong kanina pa nanghihingi sa kaniya. Ilalagay na sana niya ang biniling ulam upang kainin na ng aso, nang bigla itong tumahol at tumakbo na tila pinapasunod siya sa kung saan.
Hindi man niya naiintindihan ang kahol nito’y pinili ni Fredie na sundan ang asong tumakbo habang panay ang lingon sa kaniya.
“Saan mo ba ako dadalhin?” Lihim niyang tanong.
Nakasunod pa rin siya rito bitbit ang pagkaing binili para sana rito. Mga ilang lakad ang ginawa niya sa pagsunod nito nang lumiko ang aso sa isang tahimik na lugar at muling kumahol saka niya nakitang nagtakbuhan ang limang tuta na sa tantiya ni Fredie ay mga anak nito.
“Ito ba ang dahilan kaya mo ako pinapunta rito?” kausap niya sa asong ngayon ay kasama ang limang tuta.
Inilapag na niya ang pagkaing binili na agad namang pinagsaluhan ng limang tuta. Pinapakain niya ang inang aso ngunit nanatili lamang itong nakatingin sa mga anak na nag-aagawan sa pagkaing kaniyang dala. Parang tao, ‘di baleng wala ang magulang basta meron lang sa mga anak niya.
“Uyy, may pagkain na pala kayo,” wika ng isang babaeng sa kaniyang tantiya’y ka-edad lamang niya. Kagaya niya’y may bitbit rin itong pagkain. “Hiningian ka rin ba ni Pochie?” tanong nito sa kaniya.
“H-ha? O-oo,” nauutal niyang wika. Ito ba ang amo ng aso? Maganda ang dalaga. Sana nga’y wala pang nobyo.
“Mabait ka rin siguro sa mga hayop kaya nanghingi siya sa’yo,” anito saka ibinigay ang pagkaing dala para sa mga aso. “Pwede ba ang aso sa inyo? Baka gusto mong ampunin na lang sila. Kung pwede lang sana sa dorm na inuupahan ko’y matagal ko nang dinala sila Pochie,” malungkot na wika ng dalaga.
“H-ha? Ah, wala bang nagmamay-ari kay Pochie?”
Umismid ito. “Halos tatlong buwan ko nang pinapakain si Pochie at ang mga anak niya rito. Noong una’y buntis pa lang si Pochie noong hiningian niya ako’t dinala dito, hanggang sa nakapanganak siya’y wala naman akong nakitang amo niya. Baka asong kalye na talaga si Pochie o baka inabandona na siya ng dati niyang amo,” paliwanag ng dalaga.
“Gano’n ba?”
“Kung pwede sa inyo ang aso, baka pwede mo silang ampunin, kahit pansamantala lang muna. Tutulungan kita sa pagkain nilang mag-iina. Kukunin ko rin sila kapag uuwi na ako sa probinsya namin. Nakakaawa kasi ang sitwasyon nila Pochie, kapag umuulan ay nababasa sila rito. Bawal kasi sa tinutuluyan ko ngayon ang aso, kaya hindi ko sila maaaring dalhin,” anang babae.
Likas na mahilig talaga si Fredie sa aso at kagaya ng dalaga’y naawa rin siya sa sitwasyon ng mabait na aso at ng mga anak nito kaya pumayag siya sa pakiusap ng dalagang nakilala niyang si Cherry.
Kinumkop ni Fredie ang mag-inang aso at gaya ng ipinangako ni Cherry sa kaniya’y tinutulungan nga siya nitong bumili ng pagkain nila Pochie. Dahil kay Pochie at sa mga anak nito’y naging magkaibigan silang dalawa na makalaunan din ay naging magkasintahan.
Tinupad ni Cherry ang sinabing dadalhin sila Pochie sa pag-uwi nito sa probinsya. Hindi kasama sa plano nitong isasama siya, ngunit dahil nobya niya na ito’y kasama siyang umuwi sa probinsya ng dalaga upang makilala na rin ang pamilya nito.
Ngayon ay may dalawang anak na sila’t limang taon nang kasal. Sinong mag-aakalang dahil sa asong nanghingi lamang sa kaniya noon ng makakain ay kasama niyang matatagpuan ang babaeng makakasama niya sa habambuhay?
Dahil pareho silang dog lover ni Cherry, hindi kataka-takang marami na silang naging aso. Dalawa pa lang ang anak nila, pero pakiramdam nilang mag-asawa’y napakarami ng naging anak nila dahil sa mga kasama nilang mga aso.

Hindi Nag-Atubili ang Aleng Bigyan ang Binatang Walang Pambayad ng Sariling Pagkain; Sa Muli Nilang Pagkikita’y Ito ang Nangyari
