Inday TrendingInday Trending
Nakaramdam ng Labis na Inggit ang Dalaga nang Masaksihan Kung Paano Suyuin ni Mister ang Misis Nito; Ano Nga Ba ang Sikreto ng Pang-Habambuhay na Pag-ibig?

Nakaramdam ng Labis na Inggit ang Dalaga nang Masaksihan Kung Paano Suyuin ni Mister ang Misis Nito; Ano Nga Ba ang Sikreto ng Pang-Habambuhay na Pag-ibig?

Abala at maraming kustomer ang nagdagsaan sa tindahan nila ngayon kaya abalang-abala talaga si Charmaine. Alas tres pa lang ng hapon pero napapagod na siya’t gusto na niyang umuwi.

Kakaupo pa lang niya sapagkat ngayon pa lang natapos ang lahat ng kustomer, nang may muli na namang pumasok. Agad niyang inihanda ang ngiting matagal nang nakasanayang suotin sa harap ng mga mamimili.

“Good afternoon, sir. Ano pong order ninyo?” nakangiting bati ni Charmaine sa lalaking sa kaniyang tantiya’y nasa edad singkwenta na mahigit.

“Hello miss,” balik nitong bati. “Sa totoo lang miss, ito ang unang beses na bibili ako ng ganito. Usong-uso na kasi itong inumin na ‘to ngayon. Lahat ng kabataan ay walang ibang bukambibig kung ‘di milktea, milktea.

Kaya gusto ko sanang matikman iyan, kasama ang misis ko,” paliwanag nito. “Kung hindi mo kasi maitatanong ay pang dalawampu’t pitong taon naming anibersaryo ng misis ko.

Kaya naisip kong maiba naman ang dating nakagawian naming dalawa’y susubukan naming tikman ang sikat na inuming ito,” nakangiting dugtong nito na nakikita pa rin ang kilig kapag naiisip ang misis.

“Gano’n po ba tatay? Ang sweet niyo naman kay nanay. Nakakatuwang pakinggan na mula noon hanggang ngayon ay wala pa ring kupas ang pagmamahalan ninyong dalawa. Happy anniversary po sa inyo,” masayang wika ni Charmaine.

Biglang nangarap ng gising na sana siya rin ay makahanap ng lalaking mamahalin siya hanggang sa kaniyang pagtanda.

Pumili na si Mang Carlito ng flavor na tinanong nito kay Charmaine kung iyon ba’y masarap. Agad namang inasikaso ng dalaga ang order nito. Habang hinihintay ang biniling milktea ay narinig niyang tumawag ang misis ni Mang Carlito, tinatanong yata kung nasaan na ba ito.

“Hintayin mo lang ako d’yan. May binili lang ako,” sagot nito sa kabilang linya. “Ang tagal mo kasing umihi kaya naisip kong maglakad-lakad muna. Oo sabay na tayong pumasok sa sinehan. Basta hintayin mo lang ako. Okay? I love you!” anito saka ibinaba ang tawag.

Lihim na napangiti si Charmaine sa naging usapan ng dalawa. Ang sarap isipin na kahit may edad na ang dalawa’y nagagawa pa rin nilang mag-date at manuod ng sine na parang mga teenager lang. Sana lahat ng relasyon ay gano’n pa rin katibay makalipas ang dalawampu’t pitong taon na pagsasama.

“Ito na po ang order ninyo sir,” wika ni Charmaine matapos gawin ang order ng lalaki. “Ito pong maliit na cake ay libre kong ibibigay sa inyong mag-asawa dahil anibersaryo niyo naman ngayong araw. Sana po’y tumagal pa ang relasyon niyo ni nanay,” nakangiting wika ni Charmaine.

“Salamat hija,” masayang wika ni Mang Carlito.

“Ano po ba ang sikreto ng pangmatagalang relasyon, Tatay Carlito?” tanong ni Charmaine habang inaasikaso ang sukli nito.

“Simple lang naman, hija. Kailangan mo lang tanggapin na pareho kayong hindi perpekto ng partner mo. Mahalin mo kung ano siya at gano’n rin dapat ang partner mo. Kung sinuman ang magkamali’y palaging isa-puso ang pagpapatawad.

Dahil gaya ng sinabi ko kanina’y lahat naman tayo ay hindi perpekto. Iyon lang ang alam kong sikreto upang magtagal ang isang relasyon. Bakit hanggang ngayon ba’y wala ka pang asawa?” nakangising tanong ni Mang Carlito.

“Wala pa pong nagkakamali.”

“Hayaan mo at darating din iyan. Sa ngayon ay mag-pokus ka na muna sa sarili mo, hija. Enjoy-in mo ang pagkadalaga, para kapag nag-asawa ka na’y hindi mo na hanapin,” payo nito. “Hindi madali ang salitang forever. Marami ang pumalpak at nagkahiwalay dahil sa pagsubok na hindi nila nakayanan.

Kapag nag-asawa ka’y palagi niyong isama ang Diyos sa relasyon niyo, upang kahit ano mang unos ang dumating ay hindi kayo basta-basta matitinag. Payong ama lang iyan, hija.

Sana kagaya namin ng asawa ko’y maging masaya rin ang buhay pag-ibig mo. Salamat sa libreng cake, hayaan mo’y babalik kami ng asawa ko rito,” wika ni Mang Carlito, saka nagpaalam.

Sa kagaya niyang ilang beses nang nadurog ang puso’y wala rin siyang ibang hinihiling kung ‘di sana’y makahanap na siya ng lalaking magmamahal sa kaniya, kagaya ng pagmamahal na palagi niyang ibinibigay sa isang relasyon.

At sana nga’y makahanap siya ng lalaking kagaya ni Mang Carlito at sa misis nito, na kahit matagal ng mag-asawa’y hindi pa rin kumukupas ang pagmamahal nila sa isa’t-isa.

Mahirap makahanap ng gano’ng pag-ibig pero nakapasarap sa pakiramdam kapag iyong naranasan. Kung hindi mo pa natatagpuan ang taong makakasama mo hanggang sa iyong pagtanda, maghintay ka lamang at may itinadhana Siya na tamang tao para sa iyo!

Advertisement