Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Sobrang Katabaan ng Kaniyang Nobya ay Palaging Palaman sa Kantiyawan ang Binata; Dapat Lang Bang Baguhin na ng Dalaga ang Kaniyang  Sarili?

Dahil sa Sobrang Katabaan ng Kaniyang Nobya ay Palaging Palaman sa Kantiyawan ang Binata; Dapat Lang Bang Baguhin na ng Dalaga ang Kaniyang Sarili?

“Pare, ano bang nakita mo sa girlfriend mo?” puno ng pagtatakang kantiyaw ni Jaime sa kaibigang si Clifford.

“Oo nga, p’re. Ang laki ng girlfriend mo. Sabagay sabi naman nila’y chubby is the new sexy. Pero p’re hindi lang chubby nobya mo e. Papunta na siya sa pagiging balyena,” segundang kantiyaw ni Johnny.

  • “Baka nakakalimutan niyong syota ko ang nilalait niyo, p’re!” matigas na wika ni Clifford. “Mahal ko si Bea, kahit mataba siya. Saka hindi ako kagaya niyong bumabase sa panlabas na anyo. Maganda ang ugali ni Bea, kahit mataba siya.

    Hindi kagaya sa mga syota niyong panlabas na anyo lang ang kayang ipagmalaki, pero ang mga ugali’y hindi kayang kainin ng aso!” galit na wika ni Clifford sa mga kaibigang kantiyawero.

    Natahimik naman ang dalawa sa nahimigang inis sa boses ni Clifford. No’ng niligawan niya si Bea ay alam niyang kakantiyawan siya ng kaniyang mga kaibigan. Sa lahat kasi ng naging nobya niya’y si Bea lang ang bukod tanging hindi pumasok sa taste ng mga ito.

    Mataba kasi ang katawan ni Bea, hindi gaya ng mga dati niyang syota na animo’y bote ng sopdrinks ang katawan. Pero aanhin mo ang magandang pangangatawan kung hindi naman marunong makuntento at hindi sila nagkakaunawaan kaya nauuwi lamang sa hiwalayan ang relasyon.

    Pang-limang taong anibersaryo nila ngayon ni Bea, kaya napagkasunduan nilang magkita at mag-celebrate sa anibersaryo nila. Susunduin niya ito sa bahay nito at sabay na silang pupunta sa lugar kung saan sila mamamasyal.

    “Happy 5th anniversary, babe,” masayang bati ni Bea sa kaniya sabay yakap ng mahigpit.

    Oversized talaga si Bea at mabigat ito kaya nga mula nang naging sila’y hindi niya ito kailanman nakayang buhatin. Pero mula noon hanggang ngayon ay gandang-ganda siya rito. Maganda naman talaga ang mukha ng kaniyang nobya.

    Sa t’wing magkasama sila’y hindi nila naiiwasan ang mapanghusgang tingin ng mga taong kanilang nakakasalubong. No’ng una’y naiilang si Bea at nahihiya. Kaya palagi siyang nand’yan upang ipalala sa nobyang walang ambag sa buhay nila ang mga taong ito.

    Kaya hindi dapat ito nagpapaapekto. Nakikita naman niyang nagkakaroon na ng kumpyansa ang nobya sa mga matang mapanghusga, na labis niyang kinakatuwa.

    “Babe, talaga bang okay lang sa’yo kahit ganito ako? Hindi mo ba ako kinakahiya?” Tanong ni Bea.

    “Mahal kita Bea at tanggap kita ng buong-buo. Nakilala kitang ganiyan. Niligawan kita dahil mahal ka ng puso ko. Mataba ka na noong nililigawan kita, pero niligawan pa rin kita. Kaya paano mo naisip na ikinakahiya kita?”

    “Siyempre kasi hindi pang-modelo ang katawan ng nobya mo. Kaya naiisip kong baka dumating ang araw na iiwan mo ako kasi nakakahiya ako.”

    Umismid si Clifford saka niyakap ang nobya. “Kahit hindi ka seksi ay may maganda kang mukha, babe. Kung ikakahiya kita’y hindi na sana tayo tumagal ng limang taon. Mahal kita at sapat na iyon upang ipagmalaki kita sa buong mundo. At saka hindi naman permanente ang pagkakaroon ng magandang pangangatawan. Kumukupas ang lahat ng iyan.”

    “Pinapangako ko sa’yo, babe. Magpapapayat na ako,” nakangiting wika ni Bea.

    Nagsalubong naman agad ang kilay ni Clifford dahil sa sinabi ng nobya. “Hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo para sa ibang tao, babe,” aniya.

    “Hindi naman iyon para sa ibang tao, babe. Para iyon sa’kin— sa sarili ko. Dahil sa’yo kaya nagkakaroon na ako ng kumpyansa sa sarili ko at ipinagpapasalamat ko iyon sa’yo. Pero naisip kong mas magkakaroon ako ng higit na kumpyansa sa sarili ko kapag nagbawas ako ng timbang. Suportahan mo na lang ako, babe. Para naman ‘to sa’kin,” naglalambing na wika ni Bea.

    Gaya nang ninais ni Bea ay nagsumikap nga ito upang pumayat. Nag-gym ito at dinisiplina ang sarili upang matupad ang gustong pagbabago sa sarili. Si Clifford naman ay lagi lamang na nasa tabi ng nobya upang suportahan ito. Sa t’wing nakikita niyang nahihirapan si Bea ay siya ang nagiging lakas nito. Kahit ang totoo’y nahihirapan din siya sa t’wing nahihirapan ito.

    Makalipas ang sampung buwan, tumimbang si Bea ng 58 kilos, kaya sobrang saya nilang dalawa. Ang dating timbang nito’y 83 kilos, at totoong ang taba-taba nito. Ngayon ay nakikita na nila ang resulta sa lahat ng pinagdaanan nilang hirap.

    Niyakap ni Bea si Clifford at mariing hinalikan sa labi. “Salamat, babe. Kung hindi dahil sa suporta mo’y baka sumuko na ako sa gusto kong pagbabago para sa sarili ko,” mangiyak-ngiyak na wika ni Bea.

    “Sinuportahan kita Bea, dahil iyon ang hiningi mo sa’kin. Tandaan mo na palaging mahal kita kahit ano pa man ang itsura mo. Dahil puso ko ang nagmamahal sa’yo hindi ang mata ko.

    Pero masaya akong nakikita kitang masaya ngayon. Tandaan mong ginagawa mo ito para sa ikakaunlad ng iyong sariling kumpyansa, hindi para i-please ang ibang tao. Okay?” mahabang litanya ni Clifford.

    Agad namang tumango si Bea at muling niyakap ang nobyo. Napaka-swerte niya dahil si Clifford ang kaniyang nobyo. Ni minsan ay hindi nito ipinaramdam sa kaniyang hindi siya karapat-dapat rito, kahit noong sobrang taba pa niya.

  • Tama si Clifford. Hindi mo kailangang baguhin ang sarili mo para sa ibang tao. Baguhin mo ang sarili mo, dahil iyon ang alam mong mas makakabuti para sa’yo.

    Advertisement