Inday TrendingInday Trending
Matagal na Niyang Gustong Umalis sa Kaniyang Trabaho, Ngunit Ayaw Siyang Payagan ng Kaniyang Amo; Ito Pala ang Dahilan

Matagal na Niyang Gustong Umalis sa Kaniyang Trabaho, Ngunit Ayaw Siyang Payagan ng Kaniyang Amo; Ito Pala ang Dahilan

“Sir at ma’am, magpapaalam lang po sana ako. Kung maaari po’y baka pwede na akong umuwi sa’min,” nag-aalangang wika ni Jemma. “Namimiss ko na po talaga ang pamilya ko’t gusto ko rin po sanang alagaan ang mga magulang kong mahihina na ang pangangatawan dahil sa katandaan,” nakayukong wika ni Jemma sa dalawang amo na ngayon ay tahimik na kumakain.

Agad namang nagsalubong ang kilay ng kaniyang among lalaki na tila mainit ang ulo.

“Napag-usapan na natin ito, Jemma,” wika ng amo niyang lalaki. “Hindi ka pwedeng umalis hangga’t wala pang nahahanap na kapalit sa’yo. Hindi pa ba malinaw ang mga sinabi ko sa’yo noong nakaraang buwan?” dugtong pa nito.

Ilang beses na siyang nagpaalam sa mag-asawa na nais na niyang umalis sa poder ng dalawa at uuwi na lamang sa probinsya nila. Kaso palagi nitong dinadahilan ay hindi pa pwede sapagkat wala pang hahalili sa pwestong iiwanan niya.

Halos tatlong buwan na ang nakararaan, ngunit hanggang ngayon ay wala namang nangyayari. Hindi naman ito naghahanap ng magiging kapalitan niya.

“P-pero kasi sir… ilang buwan ko nang ipinapaalam ang bagay na ito,” nakayuko pa ring wika ni Jemma.

Pursigido na siya sa kaniyang desisyon. Matagal na niyang nais umalis dahil talagang hindi na niya kayang gawin ang kaniyang trabaho. Mag-isa lamang siyang katulong at siya lang ang gumagawa ng lahat.

Noong unang taon niya rito bilang isang katulong ay may kasama siyang katulong, kaso pinaalis din ito ng mag-asawa sapagkat malikot ang kamay nito at kung ano-ano ang nawawalang gamit sa mag-asawa.

Mula noon ay hindi na muling naghanap ng iba pang katulong sina Ma’am Faye at Sir Marlon. Minsan naman ay tinutulungan siya ni Ma’am Faye sa mga gawain niya, pero mas madalas kasi’y nasa opisina ito, kaya kargo niya talaga ang lahat. Kapag nanghihingi naman siya ng kasama’y puro pangako lang ang dalawa, kaya umaayaw na siya ngayon.

“Ano bang gusto mo, Jemma? Kung gusto mo’y dadagdagan ko ang sahod mo,” ani Marlon.

“Uuwi na lang po ako sa’min, sir. Iyon lang po ang gusto ko,” aniya.

Umabot na yata sa sukdulan ang inis ng amo niyang lalaki kaya hindi na nito napigilan ang singhalan siya.

“Wala kang utang na loob, Jemma! Pagkatapos ng ginawa namin sa’yo ito lang ang isusukli mo sa’min? Lalayasan mo kami at gusto mo ura-urada pa?”

“Hindi naman po ura-urada ang pagpapaalam ko sa inyo sir,” pangangatwiran ni Jemma. “Mag-aapat na buwan na ang nakakaraan mula ng magpaalam ako sa inyo ni ma’am na gusto ko ng umuwi sa probinsya namin para ako na lang mismo ang mag-alaga sa papa at mama ko na may sakit, pero sabi niyo wala pa akong magiging kapalit kaya naghintay po ako,” aniya.

“Sa totoo lang po hindi ko na kinakaya ang trabaho ko rito. Ako lang mag-isa, ta’s ang laki-laki ng bahay ninyo. Ilang beses na rin akong nakiusap na bigyan niya ako ng makakasama pero hanggang ngayon ay wala pa rin,” hinggil niya sa totoong nararamdaman.

“Alam mo naman, Jemma, na nahirapan na ulit kaming magtiwala mula noong ginawan kami ng masama ni Ofelia, hindi ba?” wika ni Faye. Tukoy nito sa dating kasamahan niyang katulong.

“Pero hindi naman po lahat ng taong makikilala ninyo ma’am ay kagaya ni Ofelia,” sagot ni Jemma. “Alam kong may mga tao pa ring kagaya ko na mapagkakatiwalaan. Ayaw niyo lang talaga ulit maghanap at hindi naiisip na nahihirapan na ako.”

Isa sa inayawan ni Jemma sa mag-asawa’y wala itong respeto at pakialam sa oras niya. Magkano lang ang sinasahod niya bilang isang all-around kasambahay, pero sobra-sobra ang trabahong pinapagawa ng dalawa.

Mahilig sa pagtitipon ang kaniyang dalawang amo. Kapag may mga bisita ito’y siya ang mas napapagod dahil siya lang naman mag-isang katulong. Bukod sa paglilinis at pag-aasikaso ng lahat ay siya pa ang nag-aalaga sa tatlong anak ng kaniyang mga amo.

Malalaki na ang mga anak nito, pero sa kaniya pa rin nakaasa. Masyadong na-baby ang dalawa. Kaya hindi kataka-taka kung siya na mismo ang sumusuko. Pagod na pagod na ang kaniyang pakiramdam at sumusuko na siya.

“Desidido na po akong umalis sa poder niyo, ma’am at sir. Hindi ko na po talaga kaya ang trabaho ko rito. Kahit dagdagan niyo pa ang sahod niyo sa’kin. Pakiramdam ko’y mas kailangan ng katawan ko ang pahinga,” pag-amin ni Jemma sa dalawa.

Natahimik ang kaniyang dalawang amo saka nagkatinginan na para bang sa pamamagitan ng mga tingin ay nag-uusap ang dalawa. Kung sa ugali’y wala siyang masabi sa mga ito. Mababait ang kaniyang amo, sa trabahong bahay nga lang siya napapagod talaga, kaya dumating na sa puntong ayaw na niyang magtrabaho pa.

“Umalis ka kung iyon talaga ang nais mo, Jemma,” maya-maya’y wika ni Sir Marlon.

“Maraming salamat po sir,” tugon niya.

Ramdam ni Jemma na hindi iyon kusang loob ng among lalaki. Parang sinasabi nitong gawin na niya ang gusto niya at wala na itong magagawa. Pero nagpapasalamat pa rin siya sa pagpayag nito, tunay man iyon sa loob nito o hindi.

Tapos na si Jemma sa lahat ng kaniyang gawain kaya pumasok na siya sa kaniyang silid na tinutulugan. Inayos na niya ang mga gamit na kailangan niyang dalhin pauwi sa probinsya nila nang may kumatok sa kaniyang pintuan at nang kaniyang pagbuksan ay si Ma’am Faye iyon.

“Desisdo ka na ba talaga sa pag-alis mo, Jemma?”

Tumango si Jemma bilang pagtugon.

“Pasensiya ka na kung bahagya kang nasinghalan ni sir mo kanina. Medyo mainit ang ulo no’n dahil nagkaroon ng problema sa kumpanya, tapos dumagdag ka pa. Pasensiya ka na sa inasal niya kanina sa’yo,” mahinahong wika ni Faye. “Ito oh,” anito sabay abot ng kulay abong sobre.

“Ano po ito, ma’am?”

“Iyan ang huling sahod mo, Jemma, sa buwang ito. May idinagdag din kami ng sir mo d’yan, maliit na halaga lang naman dagdag sa’yong bagong simula,” wika ni Faye.

Niyuko ni Jemma ang sobre at mangiyak-ngiyak itong tinitigan.

“Bago ka umalis, Jemma ay tulungan mo muna kami ng sir mo na maghanap ng makakapalit mo. Tama ka. Hindi namin naisip na nakakapagod ang trabaho mo. Masyado kaming nadala na baka makakuha ulit kami ng kagaya ni Ofelia, kaya hindi na namin ninais pang kumuha ng makakasama mo.

Kaya napagkasunduan naming kumuha ng kahit tatlong katulong na hahalili sa’yo at sana tulungan mo kaming suriin silang lahat. Iyon na lang ang hinihingi kong pabor, Jemma. Alam ko naman na abala rin akong tao at hindi ko kaya kung ako lang mag-isa,” nakikiusap na wika ni Faye.

“Oo naman po, ma’am. Tutulungan ko po kayong makahanap ng makakapalit ko,” ani Jemma.

Gusto niyang maiyak. Hanggang sa huli ay hindi pa rin siya pinabayaan ng dalawa. Kaya bilang pagbabalik pabor ay tutulungan niya rin ang mga among makahanap ng kagaya niyang magkakatiwalaang katulong.

Makalipas ang dalawang Linggo ay nakahanap na nga si Jemma at Faye ng tatlong katulong na papalit sa kaniya. Sinuri nilang maigi ang tatlo at sinigurong mapagkakatiwalaan ang mga ito.

“Ma’am, salamat po sa inyong dalawa ni sir. Aalis po ako sa poder niyo na walang sama ng loob at sana’y gano’n rin kayo sa’kin,” paalam ni Jemma sa dalawa.

“Salamat din, Jemma,” maiksing wika ni Marlon. “Alam kong marami-rami rin kaming pagkukulang sa iyo. Pero salamat sa mga taong nakasama ka namin at naging parte ka ng pamilya namin. Mag-iingat ka sa pag-uwi sa inyo. Kapag hindi naging maganda ang takbo ng naging desisyon mo, Jemma ay huwah mag-aatubiling bumalik sa’min. Alam mong welcome na welcome ka rito.”

Agad namang namasa ang mga mata ni Jemma sa mga luhang nagbabadyang tumulo. “Naiiyak na ako, sir. Pangako niyo ‘yan ah. Pababalikin niyo pa rin ako kapag ninais kong bumalik.”

“Oo naman. Alam mong sa lahat ng taong dumaan sa’min ni Ma’am Faye mo’y ikaw ang mas pinagkakatiwalaan namin, kaya ikakatuwa namin Jemma kapag naisipan mong bumalik sa’min. Sanay na kami sa ugali mong mareklamo,” anito saka natawa ng malakas.

Agad naman silang nagtawanang tatlo dahil sa sinabi ni Sir Marlon.

Hinatid siya ng mag-asawang Faye at Marlon sa terminal kung saan siya sasakay pauwi sa kanila. Niyakap muna siya ni Faye nang mahigpit bago pinayagang sumakay sa bus na maghahatid sa kaniya pauwi.

Kung anuman ang buhay na maghihintay sa kaniya sa kaniyang pag-uwi ay hindi siya nakakaramdam ng kahit anumang takot. Nagpapasalamat siya dahil nakilala niya sina Faye at Marlon na itinuring siyang totoong kapamilya.

Advertisement