Itinago ng Babae sa Kaniyang Ampon na Mayaman na ang Tunay Nitong mga Magulang; Baka kasi Bigla na lang Siya Nitong Iwanan

Hindi mapakali si Aling Osang habang hawak ang kaniyang lumang cellphone na bagama’t nangingitim na ang gilid at may basag na sa gitna ay ginagamit nia pa rin. May nabasa kasi siyang isang artikulo sa peysbuk tungkol sa isang mag-asawang ngayon ay kumikita na raw ng milyones dahil sa kanilang negosyo.

Kilala ni Aling Osang ang mga ito. Hinding-hindi niya makakalimutan ang hitsura ng mga ito, dahil sila ang dahilan kung bakit nagkaroon ulit siya ng pag-asa sa kaniyang buhay matapos mawala ang kaniyang asawa noon, dalawampung taon na ang nakalilipas…

Sila ang mga tunay na magulang ni Jade, ang batang inalagaan niya at itinuring niyang tunay na anak sa loob ng mahabang panahon, hanggang ngayon. Sila ang mga taong basta na lamang pinamigay ang kanilang anak sa kadahilanang wala raw silang panahong bumuhay ng sanggol lalo pa at pareho silang wala ring balak magtrabaho nang mga panahong iyon!

Natatakot si Aling Osang. Ayaw niyang malaman ng anak niyang si Jade na ngayon ay mayaman na ang tunay nitong mga magulang. Natatakot siyang bigla na lamang siyang iwan nito dahil hindi niya kayang ibigay ang mga kayang ibigay dito ng kaniyang tunay na ama’t ina! Hindi tuloy niya mapigilang maiyak habang iniisip ang mga pupuwedeng mangyari…

“Mama, bakit umiiyak ho kayo?” takang tanong ni Jade na hindi niya namalayang dumating na pala mula sa pinagpa-part-time-an nitong coffee shop. College student na kasi ito kaya nagpasiya itong mag-part time upang makabawas man lang sa kaniyang gastusin.

Agad na pinahid ni Aling Osang ang mga luhang naglandas sa kaniyang pisngi. Itinanggi niya sa anak na umiiyak siya. “Naku, napuwing lang ako. Ang alikabok kasi ng sofa. E, pinagpag ko,” pagsisinungaling niya pa.

“Ganoon po ba? Sige, mama, pasok muna ako sa kwarto,” paalam naman ng dalaga.

Bagama’t hindi naman lingid sa kaalaman ni Jade na ito ay ampon lamang ni Aling Osang, hindi pa rin naman nito kahit kailan nalaman kung sino ang tunay na mga magulang nito dahil hindi rin alam ni Aling Osang ang kanilang mga pangalan. Ngunit ngayong nalaman niya na ay wala pa rin siyang balak aminin iyon sa anak. Balak niya iyong itago habang buhay upang hindi siya iwanan nito. Mabuti na nga lang at laging nariyan ang kumare niyang si Mildred na siya niyang napagsasabihan ng lahat ng problema niya. Palagi niya itong ka-chat at wala itong sawa sa pakikinig sa kaniya.

Advertisement

Ganoon pa man ay kapansin-pansin pa rin kay Aling Osang ang labis na pag-aalala sa bagay na ’yon at hindi iyon nakaligtas sa pansin ni Jade. Nag-aalala ang dalaga sa kaniyang ina lalo pa at madalas niya itong mahuling umiiyak habang nakatitig sa kaniyang cellphone.

Isang gabi ay naabutan ni Jade na nakatulugan na ng kaniyang ina ang pakikipag-usap nito sa kumare nitong si Aling Mildred. Nakabukas ang cellphone nito kaya hindi napigilan ni Jade na mabasa ang palitan ng mga ito ng pag-uusap…

Ganoon na lang ang gulat niya nang mabasa ang nilalaman ng mga iyon! Itinago sa kaniya ng kaniyang ina ang katotohanang nalaman nito tungkol sa mga magulang niya dahil sa takot na iwanan niya ito! Ngunit imbes na magalit ay awa ang naramdaman ni Jade sa kaniyang inang si Aling Osang dahil hindi naman lingid sa kaniyang kaalaman ang pinagdaanan nito noon. Naiintindihan niya ang takot nito, kaya naman imbes na magalit o magtampo ay niyakap niya ito. Siyang dahilan upang magising ito sa pagkakahimbing.

“Mama, wala kang dapat ipag-alala dahil wala po akong balak na iwan ka. Kahit pa ibigay sa akin ng mga tunay kong magulang ang buong mundo, kayo pa rin po ang pipiliin ko. Mahal na mahal ko po kayo, tulad ng pagmamahal ninyo sa akin kahit pa hindi n’yo naman ako tunay na kadugo. Huwag na po kayong umiyak palagi, please. Ayaw ko pong nakikitang ganiyan kayo,” umiiyak na pakiusap ni Jade sa kaniyang itinuturing na tunay na ina at bumuhos na ang masayang luha sa pagitan nila.

Sa wakas ay naibsan ang pag-aalala kay Aling Osang. Humingi siya ng tawad sa anak sa pagtatago niya rito ng katotohanan at hinayaang makausap nito ang tunay nitong mga magulang na hindi rin naman nagtangkang bawiin pa siya. Gusto lamang ng mga ito na bumawi sa pagkakasala nila sa kaniya na agad namang pinagbigyan ni Aling Osang.