Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ng Edukadang Babae ang Kaibigang Naging Online Seller na ‘Lang’ Matapos Mabuntis nang Maaga; Pagkapahiya ang Aabutin Niya

Hinusgahan ng Edukadang Babae ang Kaibigang Naging Online Seller na ‘Lang’ Matapos Mabuntis nang Maaga; Pagkapahiya ang Aabutin Niya

Palinga-linga si Thalia sa paligid. Namamasyal siya ngayon nang mag-isa sa isang mall at nagre-relax. Sa wakas, makalipas ang mahabang panahon ng pagtatrabaho ay nakapag-rest day din siya. Paano kasi ay ilang buwan silang tambak ng mga paper works lalo pa at nagkaroon ng problema ang kompaniyang pinagtatrabahuhan niya. Halos wala na tuloy siyang oras sa kaniyang sarili. Iyon din ang dahilan kung bakit ngayon ay wala pa ring usad ang kaniyang buhay pag-ibig, kahit pa halos lahat na yata ng mga kasabayan at kaedad niya ay may mga anak na.

Sa pagpapatuloy ng paglalakad na iyon ni Thalia ay hindi inaasahang nahagip ng mga mata niya ang isang pamilyar na mukha. Namataan niya pala sa ’di kalayuan ang dati niyang kaeskuwela at kaklase noong kolehiyo! Si Ysadora!

“Ysa!” tawag niya sa babae. Agad naman siyang nilingon nito kahit pa halos hindi na ito magkandaugaga sa mga kahong binubuhat nito papasok sa isa sa mga store sa loob ng mall na hindi pa man nagbubukas nang tuluyan ay dinadayo na ng mga tao. Tindahan kasi iyon ng mga pampaganda na ngayon ay kilala na sa madla, dahil sa pagiging epektibo nito. Maging ang mga ilang artista nga ay tinatangkilik na ang naturang produkto at kabilang na rin doon si Thalia.

“Thalia, ikaw ba ’yan?!” nagulat din si Ysadora nang makilala siya. Nakangisi naman niya itong tinanguan.

“Ako nga! Naku, kumusta ka na?” agad niyang tanong.

“Maayos naman ako. Heto, may asawa’t anak na, ikaw?” tanong naman nito sa kaniya.

Bagama’t alam ni Thalia na wala namang intensyon si Ysadora na insultuhin siya ay hindi niya pa rin napigilang mapangiwi sa tanong nito. Nahihiya lamang talaga siyang aminin na trenta’y sinco na siya ay wala pa rin siyang anak o asawa man lang.

“Ayos din naman ako. Heto, laging busy sa work kaya walang time sa lovelife. Alam mo na, ganoon talaga kapag successful. Iyon naman ang dahilan kung bakit ako nagtapos ng college, ’di ba?” sagot naman niya na ang hindi maikakailang may himig na ng pagmamalaki. Natatandaan kasi ni Thalia na nabuntis ito bago pa man sila makapagtapos noon ng kolehiyo kaya napilitan itong magtrabaho na lang kaysa magtapos ng pag-aaral. “Ikaw? Ayos ka lang ba talaga? Dito ka nagtatrabaho?”

Umiling si Ysadora. “Naku, hindi ako trabahador dito. Online seller ako—”

Hindi pa man tapos ang sinasabi ni Ysadora ay tumawa na si Thalia. Hindi niya rin itinago ang disgusto sa pagtingin niya sa dating kakilala. Pakiramdam niya kasi ay doon lang siya lamang dito. May asawa’t anak nga ito ngunit naghihirap naman!

“Oops, sorry kung natawa ako. Sana kasi, tinapos mo na lang ang pag-aaral mo noon kaysa nagpabuntis ka sa nobyo mo. ’Yan tuloy, naghihirap ka at bumagsak na lang sa pagiging online seller. Tingnan mo ako, professional at office girl. Maganda ang buhay ko,” pagmamalaki pa ni Thalia na agad na ikinangiwi ni Ysadora.

“Mabuti naman at masaya ka sa buhay mo ngayon, Thalia. Pero klaruhin ko lang, ha? Nabuntis ako nang maaga noon pero hindi naman ako naghihirap ngayon. Sa katunayan ay kaga-graduate ko lang din ng college noong isang taon dahil naisipan kong tapusin ang pag-aaral ko matapos kong makaipon mula sa pag-o-online selling. Heto ngayon, isa na akong negosyante na masasabi kong kahit papaano ay successful naman. Hetong store na ito ang isang patunay. Hindi ako trabahador dito, dahil ako ang may-ari nito,” sagot naman ni Ysadora na ikinalaglag ng panga ni Thalia. Agad siyang nakaramdam ng pag-iinit ng mukha habang animo binuhusan naman ng malamig na tubig ang buo niyang katawan! Lalo na nang lapitan ito ng isang guwapo at makisig na lalaki habang karga ang isang batang tinatawag na “mommy” si Ysadora!

Pagkapahiya, inggit at pagsisisi ang agad na naramdaman ni Thalia nang makita kung gaano kaganda ang buhay ni Ysadora ngayon kumpara sa kaniya! Pagkatapos ay nagawa niya pa itong insultuhin kanina! Napagtanto niya na hindi pala magandang pagtawanan at hamakin ang paghihirap ng iba sa nakaraan nito dahil hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan ng mga sitwasyon natin sa hinaharap.

Wala nang nagawa pa si Thalia kundi ang nahihiyang magpaalam kay Ysadora. Umalis siya sa harap nito na halos itago na ang kaniyang pagmumukha. Napakabilis kasing dumapo ng karma sa kaniya.

Advertisement