Halos Araw-araw na Nakapila sa Community Pantry ang Isang Matanda; Sa Kaniyang Pagbalik ay Magugulat Sila sa Kaniyang Gagawin

Nang pumutok ang banta ng pand*miya ay may naisip na gawin ang magkakapitbahay na Marie, Kara at Rita. Tutal ay may mga bakanteng espasyo kasi ang kani-nilang mga bakuran ay naisipan nila iyong gawing maliit na taniman ng gulay at prutas. Anila’y iyon na lang ang gagawin nila upang hindi sila maburyong sa bahay, lalo pa at mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang lugar ang paglabas o pagbibiyahe sa iba’t ibang lugar.

Ilang buwan makalipas iyon, katulad ng inaasahan ay naging maganda ang kanilang mga pananim dahil alagang-alaga talaga nila ang mga iyon. Magaganda ang naging mga bunga nito na sumakto naman dahil unti-unti na ring lumalaganap ang taggutom lalo’t napakaraming taong nawalan ng trabaho sa kanilang lugar.

“Nakakaawa nga kanina sina Aling Tess. Halos wala nang makain. Mabuti na lang at kahit papaano’y hindi nawalan ng trabaho ang asawa ko kaya kami, nakakaraos pa rin. Hayun, naisipan kong bigyan na lamang ng bigas sina Aling Tess, pagkatapos ay binigyan ko rin sila ng mga gulay na pananim ko roon sa bakuran ko para may maiulam sila,” kwento ni Marie sa kaniyang mga kaibigan at kapitbahay na Kara at Rita. Bakas sa kaniyang mukha ang awang labis na nararamdaman para sa isa pa nilang kabarangay na kapos ngayong kasagsagan ng pand*miya.

“Naku, oo nga. Sana’y sinabihan mo rin kami nang nakapag-abot din kami ng tulong. Ang asawa ko nga ring nasa abroad, mabuti at nakakapagpadala pa rin kahit papaano,” sagot naman ni Kara na sinang-ayunan din ni Rita.

“Naku, pasensiya na kayo. Pinagmadali ko na si Aling Tess dahil tanghali na. Nag-aalala kasi ako sa mga anak niya dahil baka malipasan ng gutom, e,” sabi naman ni Marie.

“Alam n’yo, may naisip akong ideya. Bakit kaya hindi na lang natin gayahin ’yong nauuso ngayon sa Facebook? Iyong community pantry? Tutal ay pare-pareho naman nating gustong tumulong at nariyan ang mga gulay sa bakuran natin na pwede nating ipamigay. Magdadagdag na lang din ako ng iba pang grocery,” suhestiyon naman ni Rita swerteng may-ari ng isang grocery store sa bayan na nananatiling bukas at kumikita kahit papaano.

Agad na nagkasundo ang tatlo na gawin nga ang bagay na iyon kaya naman kinabukasan ay dinumog ng kanilang mga kapitbahay ang kanilang community pantry. Laking pasasalamat ng mga ito para sa mabubuting puso ng tatlong magkakaibigang bagama’t nakakaluwag-luwag sa buhay ay nakakaunawa pa rin ng paghihirap ng kanilang kapwa.

Buhat nang simulan ng tatlong magkakaibigan ang community pantry na iyon ay may mangilan-ngilan na ring nakikipagpalitan sa kanila ng produkto at nagdadagdag ng iaambag sa naturang programa. Malaking tulong na ’yon para sa mga kapus-palad nilang kabarangay, tulad na lang ng matandang palaging namamataan ng tatlo na halos araw-araw na nakapila sa naturang community pantry.

Advertisement

Lingid sa kaalaman ng tatlo, ang matandang ito ay hindi naman mahirap. Sa katunayan ay hindi rin ito tagaroon sa kanilang barangay. Ito ay si Don Visencio na buhat nang pumutok ang pand*miya ay madalang nang nakakatikim ng sariwang mga gulay, kundi pa dahil sa naturang programa ng tatlong babaeng huwaran. Kaya naman nang umagang iyon, sa susunod nitong pagpila ay ikinagulat nila nang bumaba ito mula sa isang magarang sasakyan, dala ang napakaraming grocery na halos kaya nang pumunan sa pangangailangan ng kanilang buong barangay!

“Lolo Visencio, ano hong ibig sabihin nito?” gulat na tanong ni Marie sa matanda na madalas niya lang namang makitang nakasuot ng simpleng damit, ngunit nakapagtatakang ngayon ay sakay na ng isang magandang sasakyan!

“Naku, Marie, Kara at Rita, kung hindi n’yo naitatanong, e ako si Don Visencio na may-ari ng mall doon sa bayan. Pasensiya na kayo kung palagi akong nakikipila rito sa inyong community pantry. Talaga lang gustong-gusto ko itong mga tanim n’yong gulay dahil nasaksihan ko mismo kung paano n’yo ito inalagaan. Palagi kasi akong naglalakad-lakad dito sa barangay n’yo lalo pa at malaking bahagi ng kalupaan dito ay pagmamay-ari ko. Sana’y tanggapin n’yo ang mga groceries na ito na maaari n’yong ipamigay, kapalit ng mga gulay na palagi kong hinihingi rito sa inyo. Nawa’y ipagpatuloy n’yo ang kabutihan ng inyong puso.”

Bukod sa mga groceries ay nag-iwan din si Don Visencio ng cash assistance para sa mga kabarangay nina Marie, Kara at Rita na tuwang-tuwa naman sa kinalabasan ng kanilang pagkakawanggawa! Ngayon ay mas marami na silang maitutulong sa kanilang mga kabarangay! Nawa’y dumami pa ang mga taong katulad nila!