Panay ang Selpon ng Kapatid Niyang Pitong Taong Gulang; Magugulat ang Babaeng Ito sa Malalaman Niyang Dahilan

Ilang araw nang pagod at stressed sa trabaho si Pauline. Nakapagsara kasi ng isang malaki at bigating deal ang kaniyang pinapasukang kompaniya at ngayon ay kailangan nilang maghapit sa trabaho. Ayos lang naman, dahil malaki ang kikitain niya ngayong panay ang kaniyang pag-o-over time. Lalo pa at nag-iipon siya para sa panggastos sa susunod na school year.

Siya kasi ang nagpapaaral sa kaniyang pitong taong gulang na kapatid na si Pola. Buhat nang kunin niya ito sa poder ng kaniyang ina sa probinsya upang mabawasan ang isipin ng kanilang mga magulang ay sa kaniya na ito halos lumaki. Halos sanggol pa kasi ito nang magkaroon ng karamdaman ang kanilang ina kaya naman nagpasiya siyang akuin ang responsibilidad sa kapatid, bilang panganay.

Naabutan ni Pauline na nakahiga ang kapatid niya sa sofa habang hawak ang cellphone nito. Pang-ilang gabi na niya itong naabutang gumagamit lamang ng cellphone at gadgets, imbes na gumagawa ito ng assignment. Nakadagdag iyon sa kaniyang stress lalo pa at pagod na pagod siya nang gabing ’yon. Kaya naman hindi niya napigilan nang ito ay mapagbuntunan niya ng pagod.

“Pola, puro ’yan na lang ba ang inaatupag mo imbes na pag-aaral? Ni hindi kita nakikitang nagbabasa o gumagawa ng assignment! Puro ka na lang gadgets at cellphone! Pagod na nga ako sa trabaho, ganiyan ka pa! Nagsasawa na ako sa ’yo! Gusto mo bang pauwiin na lang kita sa probinsya?” naiinis at tuloy-tuloy na sabi niya pa sa kapatid na agad namang nangilid ang luha.

“S-sorry po, ate. Ang totoo po—”

Ngunit hindi na pinatapos pa ni Pauline ang sasabihin ng kapatid. Pinutol niya iyon sa pamamagitan ng pagsigaw. “Huwag ka nang magpaliwanag! Pumasok ka na sa kwarto mo at matulog dahil may pasok ka pa bukas!” hiyaw niya. Agad namang tumakbo si Pola nang umiiyak at doon namukmok sa kaniyang kwarto.

Siya namang labas ng kanilang kasambahay na si Manang Ester. “Diyos ko po, Pauline! Bakit naman sinigawan mo ang kapatid mo?” nag-aalalang tanong nito.

“Paano ho’y puro gadgets ang inaatupag. Ilang gabi ko nang naabutang nagce-cellphone lang ’yon imbes na nag-aaral! Bakit naman ho kasi pinapayagan n’yo rin, manang?” kunot-noo pang katuwiran naman ni Pauline sa kasambahay.

Advertisement

Umiling-iling si Manang Ester. “Nagkakamalaki ka kung ’yan ang inaakala mo, hija. Susmariyosep! Bakit hindi mo tingnan ang CCTV footages mo sa loob ng buong linggong ito, para malaman mo ang totoo?” kalmado namang suhestiyon pa nito sa kaniya na agad namang sinunod ni Pauline.

Sa panunuod niya ng mga kuha sa CCTV nila ay nalaman ni Pauline na araw-araw ay maagang nagsisimulang mag-aral si Pola, kaya tanghali pa lang ay natatapos na nito ang kaniyang mga gawain. Pagkatapos n’on ay tinutulungan din nito ang kanilang kasambahay sa mga gawaing bahay at sinusunod ang mga bilin niya. Sa hapon, pagkagising nito galing sa pagsi-siesta ay nagsasaulo pa ito ng multiplication table, at sa gabi, pagkatapos ng hapunan ay saka lamang ito gumagamit ng gadgets na siya namang naaabutan ni Pauline.

Nakaramdam siya ng pagkapahiya. Nakonsensya siya sa mga nasabi niya sa kapatid. Nadagdagan pa iyon nang sabihin sa kaniya ni Aling Ester na may ginagawa lang si Pola sa kaniyang gadgets kaya ito gumagamit n’on tuwing gabi. Doon na naisipan ni Pauline na suriin din ang mga aparato.

Halos maluha tuloy si Pauline nang malamang ang inaasikaso pala ng kapatid ay ang pag-e-edit ng mga video at mga litrato nilang magkapatid na siya nitong ipakikita sa kaniya bilang regalo sa nalalapit niyang kaarawan!

Napahagulhol siya at walang pag-aatubiling tinakbo ang kinaroroonan ni Pola. Doon ay mahigpit niya itong niyakap at pinupog ng halik. Panay ang hingi niya ng tawad, lalo na nang makita niyang pugto ang mga mata ng mahal niyang bunsong kapatid. Mahal na mahal siya nito at ganoon din si Pauline sa bata. Mabilis naman siyang pinatawad ni Pola.

Kinabukasan ay nag-file siya ng leave sa trabaho. Nais niyang bumawi sa kaniyang kapatid kaya naman naisipan niyang magbakasyon muna sila at umuwi sa probinsya upang doon ipagdiwang ang kaniyang kaarawan. Ipinagmalaki niya sa kanilang mga kaanak kung gaano kabait na bata si Pola na ikinagalak naman ng mga ito. Simula noon ay mas tumibay pang lalo ang samahan ng magkapatid kahit pa hanggang sa nagdalaga na si Pola.