Inday TrendingInday Trending
Upang Ipahiya ang Lalaking Nagnakaw ng Gatas at Diaper sa Kanilang Tindahan ay Naisipan Niya Itong I-post; Kabaliktaran pala ang Mangyayari

Upang Ipahiya ang Lalaking Nagnakaw ng Gatas at Diaper sa Kanilang Tindahan ay Naisipan Niya Itong I-post; Kabaliktaran pala ang Mangyayari

Nagkagulo sa convenience store na iyon nang araw na ’yon. Paano kasi ay nahuli sa kanilang CCTV ang pagpupuslit ng isa nilang lalaking kustomer ng gatas at diaper. Tinangka nitong itakas iyon at ilabas ng kanilang tindahan nang hindi inaasahan, kaya naman ganoon na lang ang galit ng babaeng ito.

“Ipakukulong kitang kawatan ka! Sinasabi ko sa ’yo!” nanggagalaiting hiyaw ng babae sa ngayon ay umiiyak nang lalaki.

“Pakiusap po, ma’am, maawa na po kayo. Nagawa ko lang po ’yon sa kagustuhang maibsan ang gutom ng anak ko. Pitong buwang gulang lamang po siya at iniwan na kami ng kaniyang ina buhat nang matanggal ako sa trabaho dahil nagkasakit ako nang malubha. Hindi ko na po alam kung saan ako hihingi ng tulong kaya napakapit ako sa patalim,” paliwanag pa nito sa kaniya.

Masama naman ang tinging ipinukol ni Ginang Miranda sa lalaki. May halo ring labis na disgusto ang tinging iyon. Bukod sa naiinis siya at nagagalit sa mukha ng lalaking ito na tinatawag niyang kawatan ay nandidiri pa siya sa hitsura nito. Napakapayat kasi nito at halos buto’t balat na! Malayong-malayo sa litratong naroon sa ID na ipinapakita nito ngayon sa kaniya bilang pagkakakilanlan.

“Wala akong pakialam! Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa kulungan at ikahihiya ka ng anak mo, pagtanda niya—kung siya ay tatanda pa! Kapag kasi nabulok ka sa kulungan, hindi ko alam kung ano na lang ang mangyayari d’yan sa sinasabi mong anak mo!” natatawang sabi pa ng ginang.

Awa naman ang naramdaman ng isa sa mga staff ni Ginang Miranda sa tindahang iyon para sa amang nangangailangan lang ng ipakakain sa kaniyang anak. Para sa kaniya ay sobra naman ang gustong mangyari ng kaniyang amo, samantalang wala pa ngang dalawang daang piso ang ipinuslit ng lalaki! Napakaliit n’on kumpara sa kinikita ng kaniyang amo sa sobra-sobra nitong pagtutubo sa kaniyang paninda, dahil iyon lang ang malapit na convinience store sa lugar na ’yon, dahil ang iba at nasa bayan na!

Kaya naman naisipan ng naturang staff, na nagngangalang Yoly, na abonohan na lamang ang nakuha ng lalaki, ngunit imbes ay ikinagalit pa rin ’yon ni Ginang Miranda! Bukod pa roon ay nagpasiya pa siyang paabutin sa social media ang nangyari at ipahiya ang kawatan sa pamamagitan ng pagpo-post ng mukha nito sa peysbuk!

Mabuti na lamang at nai-record ng staff na si Yoly ang buong pangyayari kaya naman naipaliwanag niya sa mga tao ang tunay na kalagayan ng lalaking tinatawag na ‘kawatan’ ngayon ni Ginang Miranda, at mabilis na umani ng awa sa mga tao ang sitwasyon nito. Imbes na ito ay mapahiya, inulan ito ng tulong at nahusgahan pa si Ginang Miranda sa pagiging napakamatigas ng puso nito!

Tunay ngang nagkasala si Victor—ang lalaking nagpuslit ng gatas at diaper mula sa tindahan ni Ginang Miranda—ngunit kumpara sa ginagawang panloloko ni Ginang Miranda sa mga kustomer ng kaniyang tindahan ay napakaliit lamang ng kasalanan nito upang maparusahan ito nang sobra-sobra, lalo pa at sinsero naman itong humihingi ng tawad at halatang hindi naman gusto ang kaniyang ginawang kasalanan!

Dahil sa ginawang pagtatanggol ni Yoly kay Victor ay pinagbintangan pa siya ni Ginang Miranda na kasabwat ng naturang lalaki sa pamumuslit, na mabuti na lang ay mabilis na ibinasura ng tanggapan ng barangay na siyang pumagitna sa kaguluhan, dahil napakaliit lang talaga ng halagang pinag-uusapan para pagsabwatan pa ng dalawang tao! Isang pirasong gatas at isang pirasong diaper lamang iyon!

Napahiya lamang si Ginang Miranda. Bukod doon ay nasilip pa tuloy ng kanilang lokal na pamahalaan ang presyo ng kaniyang mga produkto, na talaga namang wala na sa tama, habang si Yoly naman ay inulan ng iba’t ibang oportunidad. Ganoon din si Victor na ngayon ay may sarili nang sari-sari store mula sa donasyon ng mga taong may mabubuting puso, upang makapagsimula siya ng bagong buhay kasama ang kaniyang anak habang nagpapagaling sa kaniyang sakit, na ngayon ay sinusuportahan din ng kanilang lokal na pamahalaan.

Isang leksyon ang iniwan ng pangyayaring iyon sa lahat. Hindi kalabisan kung parurusahan natin ang mga taong nagkasala, ngunit hindi rin naman masamang magpatawad sa mga taong sinserong humihingi ng patawad sa kanilang mga nagawa, lalo na kung iyon naman ay hindi labis na nakaapekto sa ating pamumuhay.

Advertisement