
Pinapayagan ng Guro ang mga Mag-aaral Niya na Mangodigo at Magkopyahan; Ano ang Magiging Epekto Nito sa Kanilang Pagtanda?
Hindi na nakatiis si Myrna, isang guro, na kausapin ang kaniyang kasamahan at kaibigang guro na si Dennis, nang sila na lamang ang nasa loob ng faculty room.
Nakarating kasi kay Myrna na pinapayagan umano ni Dennis ang kaniyang mga mag-aaral na mangodigo o mangopya sa tuwing may pagsusulit ito; basta’t huwag lamang papahuli. Kapag nahuli naman, kailangan itong magmulta sa kaniya ng 100 piso.
“Nagsumbong sa akin ang mga anak ko kanina. Pinapayagan mo raw ang ganoong patakaran sa klase. Ano ka ba naman, Dennis? Kapag nakarating ito sa taas, baka malamang sa malamang ay maipatanggal ka? O mas masama ay mawalan ka ng lisensya. Tama ba naman na payagan mo ang mga bata na mangodigo o magkopyahan kapag may pagsusulit sila?” kompronta ni Myrna sa kaniyang kaibigan.
Nagkibit-balikat lamang si Dennis.
“Myrna, hindi ako basta-basta mabubuking ng mga nasa itaas dahil malinaw ang naging usapan namin ng mga bata; kapag nagsumbong sila, ibabagsak ko sila. Hayaan mo sila, marka lang ‘yan! Ganoon din naman eh, ipapasa rin naman natin ang mga ‘yan, eh ‘di ibigay na natin ang mataas na marka na gusto nila. Hindi ba’t nakikinabang naman tayo sa kanila sa tuwing pagdiriwang ng Teacher’s Day, o kaya kapag Pasko, o kaya naman kapag kaarawan natin,” katwiran ni Dennis.
“Baluktot na katwiran ‘yan, Dennis! Hindi natin natuturuan ang mga bata na maging responsable sa kanilang mga aksyon. Ano ang ituturo ng pangongodigo at pangongopya sa kanila? Pagiging iresponsable. Pagiging tamad. Pagiging palaasa. At higit sa lahat, panloloko! Baka dalhin nila ‘yan hanggang sa paglaki nila,” naiiritang sabi ni Myrna.
“Eh halos lahat naman tayo nagdaan sa ganyan. Ang KJ mo naman, Myrna! Parang hindi ka naman nangopya o nangodigo noong nag-aaral ka pa,” nakangising sabi ni Dennis.
“Hoy, maipagmamalaki ko sa iyo o kahit na kanino na nakuha ko ang matataas na marka ko, o kahit mababa, sa maayos at marangal na paraan. Ipinaunawa sa akin ng mga magulang ko na ang pangongopya sa sagot ng iba ay pagnanakaw na rin,” matatag na sabi ni Myrna.
“Wow, heto na po, at nilelektyuran mo ba ako? Pasensya na ah, nakakahiya naman sa iyo, ikaw na walang bahid-dungis! Sige po madam, aayusin ko na po!” naiinis na sabi ni Dennis.
Simula nang mangyari ang komprontasyon na iyon ay napansin ni Myrna na ilag na sa kaniya si Dennis. Hindi na siya nito kinakausap gaya ng dati.
Hindi naman nagpatinag si Myrna. Kaibigan niya si Dennis subalit tutol siya sa paniniwala nitong ayos lamang ang pangongodigo at pangongopya.
Minsan ay tinatanong ni Myrna ang mga mag-aaral na nasa kaniyang pangangalaga bilang gurong tagapayo kung may nabago ba sa pamamalakad ng kanilang gurong si Dennis. Oo raw. Kaya lang, hindi na nga ito pumapayag na mangodigo sila, ngunit ayos lamang daw na mangopya sila ng research paper ng ibang tao upang ipasa sa kanilang asignaturang Science at English na nagpapapasa nito.
“Sabi ni Sir, copy and paste lang daw po at kaunting modipikasyon, uubra na raw po. Wala naman daw pong pakialam dito ang mga guro namin. Itatapon lang naman daw po yung mga research paper na gagawin namin, eh bakit kailangan pang pagtuunan ng pansin,” sumbong sa kaniya ng isa sa mga nangunguna sa klase.
Lalong nagpuyos sa galit si Myrna sa kaniyang kaibigan.
“Alam n’yo naman ang tama sa mali, hindi ba? Lagi kong pinapaalala sa inyo na lagi ninyong gagawin ang tama. Hayaan ninyo at kakausapin ko si Teacher Dennis.”
Buo na sa pasya ni Myrna na ilalagay na niya sa report ang mga sumbong sa kaniya ng mga bata, subalit naunahan na siya ng isang magulang. Isang araw ay dumiretso ito sa punungguro at inireklamo si Dennis.
Dito na lumabas ang iba’t ibang mga reklamo sa kaniya ng mga mag-aaral. Kesyo pinapayagan nga niya ang pangongodigo at pangongopya, na pinapalagan naman ng mga masisipag mag-aral sa klase.
May paboritismo raw ito at mataas magbigay ng marka sa mga ‘apple of the eye’ lalo na sa mga magagandang babae.
Dahil dito, tuluyan na ngang natanggal sa serbisyo si Dennis sa naturang paaralan at pinalipat na sa ibang pampublikong paaralan.
“Sising-sisi na ako sa aking nagawa,” sabi ni Dennis kay Myrna. “Sana pala nakinig ako sa iyo.”
“Hindi pa huli ang lahat, kaibigan. Sa paaralan na pupuntahan mo, ayusin mo na ha?” bilin ni Myrna.
At lumipas ang maraming mga taon…
Ang ilan sa mga mag-aaral ni Dennis na pinayagan niyang mangodigo at mangopya ay naging politiko.
At sa malas, sila ang mga napababalitang kurakot at walang ginawa kundi ang manlamang sa kapwa gamit ang kanilang posisyon.
“Oh kita mo na Dennis, walang naidulot na maganda sa mga bata mo noon yung prinsipyong itinanim mo sa kanila,” sabi ni Myrna nang minsang magkita sila.
“Oo nga eh kaya ngayon, nagbago na ako. Pangako ko sa sarili ko na itutuwid ko na ang lahat sa mga susunod na mag-aaral na magiging pag-asa ng bayan,” pangako naman ni Dennis.
Na totoo namang tinupad ni Dennis, gaya nga ng pangako niya kay Myrna, at sa sinumpaang tungkulin sa bayan.