Tatlo ang Kinikilalang Magulang ng Babaeng Ito na May Pusong Lalaki; Paano Nga Ba Nangyari Iyon?

Sa isang lugar sa Maynila, nakatira ang mag-asawang Lino at Thelma. Kasama nila sa kanilang tahanan ang kanilang kasambahay na si Mariz. Mabait ang mag-asawa, may masaganang buhay at maraming negosyo. Halos nasa kanila na ang lahat, ngunit hindi sila pinagkalooban ng anak. Kaya napagkasunduan nila na mag-ampon na lamang subalit hindi nila magawa-gawa iyon sapagkat sila ay masyadong abala sa kanilang negosyo.

Pagkalipas ng ilang buwan, laking gulat ng mag-asawa na ang tahimik nilang kasambahay na si Mariz ay mabalitaan nilang nagdadalantao na. Hindi ito pinanagutan ng kaniyang nakarelasyon. Gayunman, sa halip na palayasin ay hinayaan ng mag-asawa na manilbihan pa rin sa kanila ang kasambahay.

Nang magsilang si Mariz, ganoon na lamang ang pag-iyak nito nang maisip-isip na hindi niya kayang palakihin ang anak.

Ang mag-asawa naman ay kaagad kinausap si Mariz tungkol sa napagdesisyunan nilang ampunin ang anak nito. Sa umpisa, tumanggi si Mariz sa alok ng kaniyang mga amo, ngunit pagkaraan ng ilang araw ay pumayag na ito dahil para sa kinabukasan din naman ng anak niya.

Paalis na sana si Mariz sa bahay ng mga ito nang pigilan siya ng mag-amo.

“Maaari ka namang manatili rito kahit inampon na namin ang anak mo,” sambit ni Thelma.

“Napagdesisyunan namin na kahit inampon na namin ang iyong anak, hahayaan pa rin namin siya na kilalanin ka niya bilang tunay niyang magulang. Tayong tatlo ang magpapalaki kay Mary Grace,” masayang sabi ni Lino.

Dahil sa sinabi ng kanyang mga amo, tila nag-uunahan sa pagbagsak ang mga luha sa mga mata ni Mariz. Sa sobrang saya na kanyang nararamdaman, hindi niya napigilan na yakapin ang kanyang mga amo dahil sa mga sinabi ng mga ito.

Advertisement

“Maraming salamat po Ma’am at Sir!” banggit ni Mariz habang humihikbi pa rin sa tuwa.

Naging maayos ang pagpapalaki ng mag-asawa at ni Mariz kay Mary Grace.

Ngunit napapansin nila na sa tuwing pasasalubungan nila ito ng manyika, tila ito’y walang pakialam at interes sa bagong laruan.

Isang araw, namasyal si Mary Grace at ang mag-asawa sa mall. Nang makarating na sila sa bilihan ng mga laruan, laking-gulat nila na imbes na manyika ang kunin nito, ay isang baril-barilan.

Kahit may halong pagtataka ang mag-asawa, binili pa rin nila ang nais na laruan ng kanilang anak.

Nang makauwi na sila sa bahay, agad pinatawag ng mag-asawa si Mariz. Pinag-usapan nila ang tungkol sa kanilang mga obserbasyon sa ikinikilos ni Mary Grace.

Pagkalipas ng ilang taon, hindi pa rin nagbabago ang kakaibang kilos ng bata, hanggang sa siya’y nag-hayskul. Ang mga babae na kasing-edad niya ay nagsusuot ng bestida, maikling palda at maiikling damit samantalang si Mary Grace naman ay mas pinipiling magsuot ng pantalon at malalaking kamiseta na parang isang lalaki.

Dahil sa mga dumaraming katanungan ng mag-asawa at ni Mariz, mas minabuti na nila na kausapin si Mary Grace ukol sa kwestyonableng pagkatao nito.

Advertisement

“Anak,” paumpisang sabi ni Lino, agad itong naputol sapagkat nagsalita si Mary Grace.

“Mommy, Daddy, Mama, marahil kayo ay naguguluhan sa aking kinikilos. Aaminin ko na po sa inyo. Ako po’y isang babae na may pusong lalaki.”

Nagulat ang tatlo sa sinabi ni Mary Grace. Tahimik na nakayuko lamang ito, na tila hinihintay ang sasabihin ng kaniyang mga magulang.

“Masaya kami dahil ikaw ay naging totoo sa amin maging sa iyong sarili,” sambit ni Mariz. Ginagap nito ang kamay ng anak.

Nagulat si Mary Grace sa sinambit ng kaniyang tunay na ina na nakangiti sa kaniya. Gayundin sina Lino at Thelma.

Halos maiyak na si Mary Grace nang mapagtanto niyang tanggap siya ng kaniyang pamilya. Ipinangako naman niya sa kaniyang tatlong kinikilalang magulang na siya ay mag-aaral nang mabuti bilang ganti sa kabaitan at pagmamahal nila sa kaniya.

Sinipagan niya ang kaniyang pag-aaral. Sinubsob niya ang kaniyang sarili sa pag-aaral upang hindi niya madismaya ang kaniyang mga magulang.

Nagbunga naman ang pagsusunog niya ng kilay, dahil siya ay magtatapos bilang Summa Cum Laude.

Advertisement

“Labis akong nagpapasalamat sa aking tatlong magulang na nagpalaki at nagmahal sa akin. Kakaiba po ang kuwento ng aking pagkakaroon ng tatlong mga magulang.”

“Kung hindi dahil sa inyo, hindi ako makararating sa posisyon ko ngayon. Salamat kasi tinanggap n’yo ako nang buo-buo at walang alinlangan. Salamat dahil tinuruan n’yo akong maging ako. Hindi ko ikinahihiya na kayong tatlo ang magulang ko at hindi ko rin ikinahihiya na ako’y isang babae na may pusong lalaki!” madamdaming sabi nito sa harap ng kaniyang mga kaklaseng magsisitapos din.

Nagpakasubsob muli sa pag-aaral si Mary Grace para makakuha ng lisensya. Hindi ito nabigo sapagkat nagawa niyang makapasa sa board exam at naging isang ganap na arkitekto.

Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang idinisenyo niyang bahay para sa kanyang mga magulang, lalo na sa kaniyang tunay na inang si Mariz.

“Ang tunay na grasya sa aking buhay ay kayo,” sambit niya habang nakatingin sa ipinapatayong bahay kasama ang kaniyang mga magulang na lumuluha na sa tabi niya.