Matandang Dalaga ang Babaeng Ito Kaya Naman Tinuruan Siyang Gumamit ng Dating App ng Kaniyang Pamangkin; Hanggang sa May Maka-Match Siyang Dayuhan

Tanggap na ni Editha na sa edad niyang 50 taong gulang ay wala nang lalaking magtatangkang manligaw sa kaniya.

Alam niya rin sa sarili niya ang dahilan. Hindi siya maganda. Walang maganda sa kaniyang hitsura subalit masasabi naman niyang maganda ang kaniyang kalooban.

Subalit sa malas, sa palagay niya ay tumitingin sa panlabas na anyo ang mga lalaki sa kanilang lugar. Hindi niya naranasang maligawan kahit na kailan. Muli, tanggap na tanggap niya ito. Wala rin naman siyang sapat na lakas ng loob upang magpaligaw, o kaya naman ay magsabi ng kaniyang nararamdaman sa ibang lalaki.

Bagama’t mag-isa lamang sa buhay si Editha, siya naman ang takbuhan ng kaniyang mga pamangkin. Hindi nawawalan ng bata sa kaniyang bahay. Pabor naman ito sa kaniyang mga kapatid dahil nagagawa nila ang mga bagay na nais nilang gawin, kung nasa bahay niya ang mga anak nila.

Isang araw, pumasyal sa kaniya ang pamangkin niyang si Nilda, ang una niyang naging pamangkin sa kapatid. 22 taong gulang na ito.

“Tita, wala ka na ba talagang pag-asa na makahanap ng mapapangasawa?” tanong nito sa kaniya.

“Ano ka ba naman, Nilda, sa tanda kong ito? Hindi na ako naghahangad na may magkagusto pa sa isang gaya ko. Bukod sa matanda na ako, hindi pa ako maganda,” sagot ni Editha sa pamangkin.

“Hindi Tita, hindi totoo ‘yan! Maganda po kayo. Hindi lang kayo palaayos pero maganda po kayo. Gusto n’yo turuan ko kayong gumamit ng dating app? Uso po ‘yan ngayon,” nakangiting sabi ni Nilda.

Advertisement

“Oo narinig ko na ‘yan pero alam mo naman ako, wala akong kahilig-hilig sa ganyan!”

“Hay naku Tita, wala naman pong mawawala kung susubukan po ninyo. Sigurado ako na magugustuhan ninyo! Marami po kayong makikilala. Akin na ho ang cellphone ninyo at ako na ang bahalang mag-download at gumawa ng account ninyo,” nasasabik na sabi ni Nilda sa kaniyang tiyahin.

Maya-maya ay nakita na lamang ni Editha na nakatutok na siya sa pagtuturo sa kaniya ng pamangkin kung paano gamitin ang dating app.

Pagkaalis ng kaniyang pamangkin ay talagang ginamit ni Editha ang dating app. Kapag hindi niya gusto, pinipihit niya ng pakaliwa ang profile. Kapag gusto naman, pakanan.

Ngunit sa loob ng tatlong araw na paggamit sa naturang dating app ay ni isa, wala pa siyang naka-match. Naisip niya, marahil ay hindi talaga siya kaaya-aya sa paningin ng mga lalaki.

Napagpasyahan niyang burahin na ang kaniyang account at i-uninstall na ang dating app nang biglang tumunog ito.

‘It’s a match!’

Maya-maya, nagpadala na ng mensahe sa kaniya ang naka-match na lalaki. Isa itong dayuhan.

Advertisement

Hindi malaman ni Editha kung ano ang kaniyang gagawin.

Bago siya tumugon, tinawagan muna niya ang pamangking si Nilda.

“Tita, go! Enjoy mo lang ‘yan. Go with the flow lang po.”

Kinakabahan man, sinunod naman ni Editha ang ipinayo sa kaniya ng pamangkin.

Maya-maya, hindi na namamalayan ni Editha na nakangiti na pala siya habang nakikipag-chat sa dayuhan.

Nagkapalitan na sila ng mga pangunahing impormasyon sa isa’t isa, ngunit may napapansin si Editha sa paraan ng paggamit nito ng Ingles. Parang mali-mali. Iwinaksi na lamang niya sa isipan ang mga mali sa grammar nito.

“I have not been to any Asian country before. Don’t worry, once I get my first vacation this year, I will try to visit Philippines. I want to see you,” sabi ni Rick.

“Oh, I would love that! Excited to finally meet you,” tugon naman ni Editha.

Advertisement

“By the way, my dear, can you assist me with something?”

“What kind of assistance?” tanong ni Editha.

“Please my dear, read carefully, I’m not asking any money from you. I want to send some money to my cousin sister, she’s a tourist in the Philippines and I need your help to transfer the money to her. I will transfer the money to you first before you help me send it to my sister over there. Don’t worry, I will add some extra money for you for your assistance.”

“What shall I do?” tanong ni Editha.

“Give me your bank details. I will be transferring some money.”

Dito na kinutuban si Editha. Pakiramdam niya ay masama ang intensyon ng kaniyang dayuhang ka-chat.

Hindi na niya ipinagpatuloy pa ang pakikipag-usap sa dayuhan. Inunmatch na niya ito at agad na binura ang dating app.

Ikinuwento ito ni Editha sa kaniyang pamangkin. Napag-alaman niya na ito pala ay isang uri ng scam.

Advertisement

“Mabuti na lamang at nakinig ako sa aking kutob,” nasabi ni Editha sa kaniyang sarili.

Simula noon ay tinanggap na sa sarili ni Editha na baka ang kapalaran niya ay maging single at maging isang mabuting tiyahin na lamang sa kaniyang mga pamangkin.