Dinakip ng Lalaking Ito ang Misis ng Mayamang Lalaki sa Halagang 500 Milyong Piso; Nagulat Siya sa Pakiusap ng Babae

Pangatlong araw.

Pangatlong araw nang nasa mga kamay ng kidnaper na si Augustus ang misis ng mayamang negosyanteng si Craig, na si Divine.

Matagal pinagplanuhan ni Augustus ang kaniyang balak. Halos dalawang buwan niyang binantayan ang bawat kilos ng mag-asawa. Matiyaga niyang pinag-aralan kung paano maisasakaturapan ang kaniyang mga plano.

Hanggang sa dumating na nga ang araw ng pagsasakatuparan ng kaniyang maitim na balak. Sinamantala ni Augustus ang pagkakataon nang dumalo sa isang kasiyahan ang mag-asawa. Agad niyang pinukpok ang ulo ng personal driver ng mag-asawa. Pumasok siya sa loob ng kotse at inabangan ang pagpasok ng misis ni Craig.

Nang pumasok na ang misis sa loob ng kotse ay mabilis na pinaharurot ni Augustus ang kotse. Nakaladkad pa nga si Craig dahil akma pa lamang siyang papasok sa kaniyang sasakyan.

Dinala ni Augustus si Divine sa isang lugar na siya lamang ang nakakaalam.

Agad niya itong itinali sa isang upuan. Pinasakan ng busal ang bibig at nilagyan ng piring ang mga mata. Sa unang araw ay halos mairita na si Augustus sa kakapalag nito.

500 milyon ang hinihinging ransom ni Augustus kapalit ng buhay ng misis nito.

Advertisement

Sa pangalawang araw, inalis na ni Augustus ang piring at busal ni Divine upang mapakain at mapainom ito.

Hindi naman basta-basta ang mga pinakakain ni Augustus kay Divine, at hindi siya kagaya ng ibang kidnaper na sinasaktan ang kanilang biktima. Alisin ang pagkakatali ng mga kamay at paa ni Divine, masasabing maalaga siya.

Kaya nagulat siya sa sinabi ni Divine nang minsang pinapakain niya ito ng hapunan.

“Anong sabi ng magaling kong asawa? Magbibigay raw ba ng ransom?” tanong ni Divine sa kidnaper.

Hindi naman kumibo si Augustus. Ipinagpatuloy lamang niya ang pagpapakain kay Divine.

“Kapag nakuha mo na ang pera, huwag mo na akong ibalik sa kaniya. Isama mo na lang ako.”

Napamaang si Augustus sa mga sinabi ni Divine. Totoo ba ito? Bakit hahangarin ng isang nakidnap na babae na sumama sa kaniyang kidnaper?

“Anong sinasabi mo?” tanong ni Augustus.

Advertisement

“Nararamdaman kong hindi ka masamang tao. Sa loob ng tatlong araw na magkasama tayo, naramdaman ko ang pag-aalaga mo sa akin. Sa tuwing sinusubuan mo ko. Hindi ‘yan nagawa ng asawa ko sa akin. Ikaw itong kidnaper, pero hindi mo ko pinagbuhatan ng mga kamay, kahit noong unang araw ay pumapalag ako at humihingi ng tulong. Maniwala ka sa akin, sa tatlong araw na magkasama tayo, mas naramdaman ko pa ang pagmamahal at pag-aalaga mula sa iyong kidnaper, kaysa sa aking asawa na 15 years ko nang kasama!” naiiyak na pag-amin ni Divine.

“S-Sinasaktan ka ba ng asawa mo?” tanong ni Augustus.

“Oo. Trophy niya ako. Idinidisplay kapag may mga pagtitipon. Kapag nasa bahay na kami, saka niya ako sinasaktan. Lagi niya akong pinaghihinalaang may ibang lalaki. Paano naman ako makakapanlalaki kung halos idikit na niya ako sa katawan bilang trophy wife niya? Ngayon na lang ako napalayo sa kaniya nang ganito.”

Natahimik si Augustus sa rebelasyon ni Divine.

“Ikaw ba? May asawa ka na ba at mga anak? May sarili ka na bang pamilya? Isama mo na ako. O kaya, huwag mo na akong isauli sa asawa ko, nakikiusap ako sa iyo. Matagal na akong nakidnap sa piling niya. Ito, itong sitwasyon kong ito sa piling mo, ito ang kalayaan. Sa wakas, malaya na ako mula sa mapanakit kong asawa.”

“Wala akong asawa. Wala akong anak. Gusto mo ba talagang sumama sa akin? Sigurado ka na ba diyan? Maganda ka. Sa totoo lang, gusto ko ang mukha mo. Mukha kang mabait. Kung sasama ka sa akin, dobleng sakit ang maipaparanas ko kay Craig. Hindi ko ito ginawa dahil sa kinailangan ko ng pera. Ang pamilya niya ang dahilan kung bakit naghirap ang pamilya ko. Inagaw ng tatay niya ang kayamanan ng lolo ko, nang magsama sila sa negosyo. Isa itong paghihiganti.”

“Kung gayon, magsanib-puwersa na tayo. Kunin mo ang ransom at huwag mo akong ibigay sa kaniya. Gusto ko nang lumaya mula sa kaniya. Sasama ako sa iyo kahit saan ka magpunta,” pagmamakaawa ni Divine.

At ganoon na nga ang nangyari. Matapos makuha ni Augustus ang pera, agad silang tumakas ni Divine.

Advertisement

Nangibang-bansa sila at doon ay nagsama sila bilang magkasintahan hanggang sa magkaroon ng mga anak.

Sinong mag-aakalang ang isang akto ng pangingidnap ay isa palang paglaya mula sa isang miserableng pagsasama?