Inday TrendingInday Trending
Mapili sa Kliyente ang Dentistang Ito; Bakit Kaya Nagpasalamat Siya sa Lalaking Dugyot na Tinanggihan Niyang Linisan ng Ngipin?

Mapili sa Kliyente ang Dentistang Ito; Bakit Kaya Nagpasalamat Siya sa Lalaking Dugyot na Tinanggihan Niyang Linisan ng Ngipin?

Habang nagmamaneho ay tinawagan ni Dra. Noemi Bautista, isang dentista, ang kaniyang assistant na nasa klinika na niya.

“Oh Olga, may kliyente na ba tayo?” tanong ni Dra. Noemi.

“Opo, doktora. Dalawa na po. Ang isa po ay magpapalinis lang ng ngipin, ang isa naman po ay magpapabunot,” tugon ni Olga.

“Ah ganoon ba. Pabor naman. Kuhanan mo ng litrato tapos ipadala mo sa Messenger ko. Dalian mo. Salamat. Sige na, bye.”

At ibinaba na ni Dra. Noemi ang linya.

Maya-maya ay muling tumunog ang kaniyang cellphone. Tiningnan niya ang dalawang kilyente na naghihintay sa kaniya.

Isang matandang babae at isang lalaki.

Sa palagay niya hindi naman ito mga mayayaman at may sinasabi sa lipunan kaya ipinasya ni Dra. Noemi na huwag magmadali. Sa katunayan, nagtungo pa siya sa isang coffee shop upang bumili ng kaniyang inumin.

Ganoon ang ugali ng dentista. Kapag alam niyang karaniwang tao o mahirap lamang ang kliyente, hindi niya kaagad ito ineestima. Sinasadya niyang tagalan ang kaniyang mga kilos. O kaya naman, medyo malamig ang kaniyang pakikitungo sa kanila. Sa hitsura pa lang, alam na niya kung mayaman ba, may mataas na pinag-aralan, o hindi basta-basta.

Kapag natunugan niyang may kaya, mayaman, sosyal, o may mataas na naabot na edukasyon ang kliyente, mabilis niya itong inaasikaso. Makikita rin ang kaniyang mga ngiti sa labi at talagang nakikipagkuwentuhan siya.

Alam na alam na ni Olga ang ganoong mga katangian ng among dentista subalit nagsasawalang-kibo na lamang siya. Kailangan niya ng trabaho, at wala siya sa posisyon upang panghimasukan ito.

Makalipas ang 30 minuto ay saka naman dumating si Dra. Noemi. Naroon na rin ang isa niyang dentistang empleyado na inaasikaso na ang unang dumating.

Ang pangalawang kliyente na lalaki ay lihim na pinagmamasdan ni Dra. Noemi. Masama ang kutob niya rito. Kanina pa ito tingin nang tingin sa paligid. Sa hitsura nito, mukhang wala itong ibabayad. Marurungis din ang mga paa, na kitang-kita sa marumi-rumi nitong tsinelas.

“Bakit mo naman pinapasok ‘yan dito? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na ayoko ng dugyot sa klinika ko? Ano bang papagawa niyan?” pabulong na tanong ni Dra. Noemi kay Olga.

“Siya po yung magpapalinis,” tugon ni Olga.

“Sabihin mo naubusan tayo ng panlinis. Palayasin mo na ‘yan. Gawan mo ng paraan,” utos ni Dra. Noemi.

Napabuntung-hininga na lamang si Olga sa inaasal ng kaniyang boss, ngunit wala siyang magagawa kundi sundin ito. Bantulot itong lumapit sa lalaking kliyente at sinabi ang pinapasabi ng among dentista.

“Grabe naman kayo sa akin, may ibabayad naman ako sa inyo,” sabi ng lalaki.

“Pasensya na po talaga, pero naubusan daw po kami ng solution para sa panlinis ng mga ngipin. Bumalik na lang daw po kayo sa susunod,” nahihiyang sabi ni Olga. Siya ang nahihiya sa mga ginagawa ng kaniyang boss dahil siya ang humaharap sa mga tao.

“Sige sa iba na lang ako pupunta. Salamat,” sabi ng lalaking kliyente na halatang dismayado dahil para siyang naghintay sa wala.

“Sa susunod tingnan mo muna ang hitsura bago magpapasok dito ha? Ayaw ko talaga sa lahat yung mga dugyutin. Gusto ko yung mukhang malinis at mabango man lang,” muling paalala ni Dra. Noemi sa assistant.

Tumango-tango naman ang assistant sa kaniyang among doktora.

Maya-maya, may pumasok na isang guwapo, matangkad, at mukhang propesyunal na lalaki. Malayo pa lamang ito ay tinimbrehan na ni Dra. Noemi si Olga na asikasuhin kaagad ito at estimahin nang maayos. Mga ganitong tipo ang gusto ng dentista.

“Magpapagawa ng braces,” ngiti ng guwapong lalaki kay Olga. Kinilig naman si Dra. Noemi.

“Hi sir! Mabuti naman at dito ninyo naisipan sa klinika ko magpunta. Sisiguraduhin ko sa inyo na hinding-hindi kayo magsisisi na sa dinami-dami ng mga dental clinic sa lugar na ito, eh dito kayo napunta!” ubod-tamis ang pagkakangiti ng doktora.

Nang makaalis na ang isang kustomer ay biglang may inilabas ang lalaki mula sa kaniyang tagiliran.

“Holdap ito, walang kikilos nang masama. Magsidapa kayong lahat!” at biglang bumalasik ang mukha ng guwapong lalaki na isa palang holdaper.

Ipinalagay nito sa loob ng bitbit na balutan ang kanilang mga pitaka, cellphone, gayundin ang kanilang kinita.

Nanginginig sina Dra. Noemi, Olga, at ang isa pang dentista. Hindi nila akalaing ang guwapo, malinis tingnan, at mukhang propesyunal manamit ay isa pa lang masamang-loob.

Nang maisakatuparan na ang panghoholdap, lumabas na ang holdaper at nagmamadaling lumapit sa kaniyang motorsiklo.

Ngunit bago pa man mapaandar ang motorsiklo ay lumapit na rito ang mga lalaking tambay at kinuyog ito. Dumating naman ang mga pulis at dinakip ang holdaper.

Ganoon na lamang ang pasasalamat ng tatlo, lalo na si Dra. Noemi, sa taong nagsumbong na may tila hindi magandang nangyayari sa loob ng klinika.

Walang iba kundi ang pangalawang kliyente na dugyutin at pinaalis ni Dra. Noemi!

“Pabalik ako sa klinika dahil naiwanan ko ang payong ko sa upuan nang mapansin ko ang mga kakaibang pangyayari sa loob. Sinabihan ko kaagad ang mga kakilala kong tambay sa labas. Tumawag na rin ako ng pulis,” paliwanag ng lalaki sa imbestigasyon.

Labis-labis ang pasasalamat ni Dra. Noemi sa naturang lalaki na nagligtas sa kanila. Isang aral ang natutuhan niya: huwag manghusga ng kapwa batay sa panlabas na anyo. Huwag ding ibatay ang paggalang o pagbibigay-serbisyo batay sa estado nito.

Simula noon ay nagbago na si Dra. Noemi at mas naging maingat na, bagama’t hindi na siya nangmamata ng kaniyang kapwa. Libre na rin ang taunang pagpapalinis ng ngipin at iba pang dental services ng lalaking nagligtas sa kanila.

Advertisement