
Nililinlang ng Ginoo ang mga Kaibigan Para Pagkaperahan; Sa Huli ay Pinagsisihan Niya ang Panloloko
“Efren! Nabalitaan ko ang nangyari sa’yo. Totoo bang may sakit ka? Kumusta ang lagay mo? ” bungad sa kaniya ng kaibigang si Noli isang umaga.
Kasunod nito ay ang dalawa pang kaibigan na halatang nag-aalala sa kaniya.
“Oo, p’re. Hindi ko nga alam ang gagawin ko. Ang sabi ng doktor, kailangan ko ng operasyon. Wala naman akong pangbayad kaya siguro titiisin ko na lang muna,” aniya sabay hawak sa kaniyang sikmura.
Umakto siyang namimilipit sa sakit kaya mas lalo pang nangamba ang mga ito.
“Ano ka ba! Bakit mo naman titiisin? ‘Wag mo nang alalahanin ang operasyon! Heto’t nag-ambagan kami. Hindi pa ‘yan sapat pero ‘wag kang mag-alala, susubukan pa naming maghanap ng tulong sa iba naming kakilala,” anito na sinegundahan naman ng iba.
Inabot nito sa kaniya ang isang puting sobre.
Nang silipin niya ang laman nakita niyang may laman iyon na ilang libong piso.
“Naku! Maraming salamat, mga pare! Malaking tulong ‘to sa pagpapagamot ko!” bulalas niya.
“Walang anuman. Para saan pa na magkakaibigan tayo.”
Tinapik siya nito sa balikat.
Maya-maya ang nagpaalam ang mga ito na aalis na.
Nang masigurong wala na ang mga ito, napatalon na lang siya sa tuwa. Tinapik niya ang tiyan na kanina lang ay pakunwari niya na iniinda.
Ang totoo ay wala naman talaga siyang sakit.
Gumawa lang siya ng kwento para makakuha ng simpatya sa mga kaibigan at kakilala lalo na’t natanggal siya sa trabaho. Wala siyang mapagkukunan ng panggastos sa sarili.
Hindi iyon ang unang beses niyang ginawa ang bagay na iyon. Sa tuwing nagigipit, sa mga kaibigan agad siya lumalapit.
Malaki ang tiwala sa kaniya ng mga kaibigan kaya nang mabalitaan ng mga ito ang tungkol sa kondisyon niya, walang pagdadalawang isip na tumulong ang mga ito.
Matapos bilangin ang pera mula sa mga kaibigan ay nagbihis siya para pumunta sa nakaugalian niyang lugar—sa sabungan kung saan siya madalas namamalagi.
“Sa wakas at dumating ka rin! Kanina ka pa namin hinahanap. Sasali ka ba sa laro ngayon?” tanong ni Tirso, isa sa mga regular sa sabungan.
“Oo naman! Sa pula ang taya ko, isang libo!” mayabang na sagot niya.
“Ayos! Mukhang marami kang pera ngayon ah!” puna nito.
Napangisi na lang siya at tinuon ang atensyon sa nangyayaring sabong.
Subalit hindi siya sinuwerte. Talo siya sa araw na iyon. Naubos ang halos labing limang libo na binigay sa kaniya ng mga kaibigan.
Gayunpaman, alam niyang kahit na anong mangyari ay may darating at darating na pera mula sa mga kaibigan, kaya naman sumige pa rin siya sa pagtaya.
“Pa’no ngayon ‘yan? Natalo kita at ngayon ay may utang ka na sa aking limang libo. Kailan mo kaya ako mababayaran?” maangas na usisa si Tirso.
“Wag kang mag-alala. Babayaran ko rin agad pagbalik ko rito,” paalam niya, bago taas noong naglakad paalis para umuwi.
Lumawak ang ngisi niya nang makita niya ang mga kaibigan sa harap ng kaniyang bahay. Mukhang hinihintay siya ng mga ito.
“Ayos. Mukhang nandito na agad ang hinihintay kong grasya!” bulong niya saka nagmamadaling lumapit sa mga ito.
“Mga pare! Nandito pala kayo. Kanina pa ba kayo riyan?” masiglang bati niya.
Halos magkakapanabay siyang nilingon ng tatlo. Pawang seryoso ang hitsura ng mga ito, bagay na bahagyang nagpakaba sa kaniya.
“Akala ko ba hindi maganda ang lagay mo? San ka galing?” usisa ni Noli.
Nagtataka man sa biglaang tanong agad naman siyang nakaisip ng palusot.
“Ah! D’yan lang sa kalapit na clinic. Sumakit na naman kasi ang tiyan ko,” pagdadahilan niya.
Nagkatinginan ang mga ito.
“Sa clinic ba talaga o sa sabungan?” tanong ni Noli na nagpakabog ng kaniyang dibdib.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya.
Bumuntong-hininga ito.
“’Wag ka nang magsinungaling. Alam na naming tatlo ang totoo. Wala ka naman talagang sakit at niloloko mo lang kami. Nakita kita sa sabungan kanina. Alam kong pinangsusugal mo lang ang perang tinulong namin sa iyo,” pahayag nito.
Natahimik siya.
“Paano mo kami nagawang lokohin nang ganito habang nagmamalasakit kami nang totoo sa’yo?” galit nitong tanong.
Imbes na humingi ng tawad, mas lalo pa siyang nagmalaki.
“Sus! Bakit ba galit na galit kayo? Kung ang pera niyo ang inaalala niyo, ‘wag kayong mag-alala at babayaran ko rin agad! Ang dadamot! Parang hindi mga kaibigan!” inis niyang singhal.
Nakita niya ang pagkadismaya sa mukha ng mga ito sa naging reaksyon niya.
“Hindi na. ‘Wag mo nang bayaran! Pero ‘wag na ‘wag ka nang lalapit pa ulit sa amin dahil hindi na kami magpapaloko pa ulit sa’yo!” pinal nitong pahayag bago umalis.
Hindi man lang siya natinag. Hindi niya kailangan ang mga ito!
Isang umaga, nagising na lang si Efren sa matinding pananakit ng kaniyang tiyan. Pinilit niya ang sarili na pumunta sa ospital para magpatingin sa doktor at doon sumambulat ang katotohanan.
“May sakit ho kayo sa atay. Kailangan niyo nang maoperahan agad,” paliwanag ng doktor.
Hindi siya makapaniwala sa narinig. Mukhang nagkatotoo ang mga kasungalingang hinabi niya noon. Ang pagkakaiba lang, noon ay suportado siya ng mga kaibigan at ngayon ay nag-iisa siya dahil sa kaniyang kagagawan.
Sising-sisi si Efren. Totoo nga talaga ang karma. Lahat ng gawin mo ay babalik at babalik din sa’yo at wala kang magagawa kundi ang pagsisihan ang lahat kung kailan huli na.