
Galit Siya sa Kaniyang Pamangkin na Nagdadala ng Malas; Galit pa Rin ang Nasa Puso Niya Para Rito Matapos ang Ilang Taon
Agad na sumiklab ang galit ni Irma nang makita ang kaldero na walang kalaman-laman.
“Alexa!” galit na sigaw niya sa pamangkin.
“T-tita, bakit po?” May takot sa mga mata nito.
Galit na ibinato niya ang kaldero, na nagdulot ng malakas na ingay.
“Bakit walang kanin? Paano ako kakain niyan?” asik niya sa bata.
“Tita, w-wala na po kasing bigas sa lalagyan, k-kaya po hindi ako n-nakapagsaing,” paliwanag nito.
Imbes na mabawasan ay lalo lang nadagdagan ang galit ni Irma. Buo kasi ang paniniwala niya na si Alexa ang nagdadala ng malas sa bahay niya.
Simula noong dumating ang bata ay sunod-sunod na kamalasan ang nangyari sa kanila. Nawalan ng trabaho ang asawa niya. Kalaunan ay napagod na raw ito sa katatalak niya, kaya nambabae ito, dahilan para maghiwalay sila.
Nang iwan siya ng asawa niya ay nalaman niya na buntis pala siya, ngunit nakunan din siya matapos siyang mahulog sa hagdan isang araw habang ginug*lpi niya ang pamangkin.
Sa lahat ng kamalasang nangyari ay isang tao ang parating naroon—si Alexa.
Kung hindi lang ito anak ng namayapa niyang kapatid ay iisipin niya na talaga na may sumpa ang bata kaya minalas siya.
Napatitig siya sa mata nitong tila papaiyak na.
“Ano pa ang tinutunganga mo riyan? Bakit hindi ka mangutang kay Mareng Lucy ng isang kilong bigas nang makakain tayo?!” sigaw niya.
Dahan-dadan itong naglakad papalabas ng bahay, tila nag-aalangan. Lumingon ito sa kaniya.
“Tita, hindi pa po kasi natin bayad ang utang kay Aling Lucy. Baka po hindi tayo pautangin…” katwiran nito.
Napamura siya sa labis na gigil.
“Wala akong pakialam! Kapag umuwi ka na walang dala, talagang malilintikan ka sa’kin!” pananakot niya bago ito pinagtulakan papalabas.
Makalipas ang mahigit sampung minuto ay umuwi ito na may dalang isang kilong bigas. May dala rin itong isang lata ng sardinas.
“Bigay po ni Aling Tess…” tukoy nito sa lata ng sardinas.
“Isaing mo na ‘yan! Bilisan mo at gutom na gutom na ako!” asik niya sa pamangkin.
Tumalima naman ito. Sa edad na sampung taon kasi ay maalam na ito sa gawaing bahay. Maging ang pagluluto ay sanay na itong gawin.
Makalipas ang mahigit tatlumpung minuto ay inilapag nito sa maliit na mesa ang dalawang plato ng umuusok pang kanin.
Binuksan naman ni Irma ang isang lata ng sardinas bago iyon walang habas na ibinuhos sa sarili niyang kanin.
Nakita niya ang paninitig ni Alexa kaya pinukol niya ito ng matalim na tingin.
“Ano? Anong tinitingin-tingin mo? Kumuha ka ng asin at tubig doon, ‘yun ang ulamin mo!” nakairap na utos niya sa bata.
“Opo, Tita…” anito habang takam na takam sa pagkain niya.
Matapos ang hapunan ay agad na nakatulog si Irma. Nagising na lang siya sa malakas na yugyog ng kung sino.
“Tita, Tita! Lumabas na po tayo at nasusunog na ang bahay!”
Nang imulat niya ang mata ay naaninag niya si Alexa. Balot na ng usok ang paligid at naglalagablab na ang apoy sa buong kabahayan.
Sa kabutihang palad ay nakalabas sila nang walang aberya at agad silang nalapatan ng paunang lunas.
Ngunit wala silang anumang naisalba. Naging abo ang buo niyang bahay, maging ang kaniyang mga gamit.
Sa sobrang galit niya ay ang pobreng bata na naman ang napagbuntunan niya.
“Bwisit ka talagang bata ka! Kamalasan na naman ang inabot ko sa’yo! Ang dapat sa’yo, mawala na!”
Dahil buo ang paniniwala na si Alexa ang malas sa buhay niya, dinala niya ito sa bahay-ampunan.
“Tita! ‘Wag mo po ako iwan dito! Magpapakabait po ako, kahit hindi mo na po ako pakainin!” tulo ang luhang pakiusap nito habang nakakapit sa paa niya.Walang awa niya itong sinipa.
“Dito, dito ka maghasik ng malas mo. ‘Wag sa buhay ko!” malamig na turan niya bago siya walang lingon likod na umalis.
Mukhang tila may sumpa nga talaga si Alexa dahil ilang linggo lang ang lumipas ay nginitian na siya ng kapalaran.
Nakilala niya ang biyudo na si Erik. Hindi man mayaman ang lalaki ay may bahay naman ito na maaari niyang tuluyan. Naghayag din ito ng pagkagusto sa kaniya at nangako ito na bibigyan siya ng magandang buhay.
Walong taon ang lumipas at tuluyan nang nalimot ni Irma ang mga kamalasang naranasan niya. Wala na rin siyang balita pa kay Alexa, at wala na siyang pakialam pa.
Subalit isang araw ay isang magarang sasakyan ang huminto sa tapat ng bahay nila. Isang mag-asawa ang bumaba, at isang dalaga.
Unang tingin pa lang ay kilalang-kilala niya na ito. Marami mang nagbago rito at nagka-edad man ay nakilala niya pa rin ang pamangkin na si Alexa.
Nagsasampay siya ng damit ng mga oras na iyon. Ang sopistikadang babae ang unang nagsalita. Nahinuha niya na ang mag-asawa ang nakaampon sa kaniyang pamangkin.
“Ikaw ba si Irma, ang tiyahin ni Alexa?” tanong nito.
Tumayo siya bago pinapasok ang mga bisita. May iilan din kasing tsismosa ang nakikiusyoso.
Nang makaupo ang mga bisita ay agad na umarangkada ang bibig niya. Wala kasi siyang kaplano-plano na muling kupkupin ang pamangkin.
“Naku ho, kung binabalak niyo na isauli sa akin ang bwisit na batang ‘yan, hindi ko na kukunin ‘yan. Puro kamalasan lang ang dala niyan sa buhay ko! Hinding-hindi ko na ulit ‘yan tatanggapin sa pamamahay ko!” galit na utas niya sa mag-asawang tigagal na nakatingin sa kaniya.
Bumaling siya kay Alexa.
“At ikaw, gusto mo ba na asin at tubig na naman ang kainin mo? Araw-araw kitang gugulp*hin kung babalik ka rito!” pananakot niya kay Alexa na noon ay nangingilid na ang luha.
Napapitlag siya sa tila kulog na boses ng lalaking bisita.
“Hindi namin ibabalik sa’yo ang anak namin. Mahal namin siya, at sa amin lang siya. Hindi kagaya mo, itinuturing namin na swerte ang pagkakaroon ng mabait na anak,” malamig na wika ng lalaki.
“Matagal ka naming hinanap. Alam mo kung bakit? Ang sabi kasi ni Alexa ay gusto niyang bayaran ka sa pagpapalaki sa kaniya…” sabi pa ng lalaki.
“Pero ngayong nalaman namin kung paano mo siya itrato noon? Hinding-hindi ka makakuha ni isang kusing sa amin,” mataray na sabi naman ng babae bago pinunit sa harapan niya ang isang piraso ng tseke.
Bago umalis ang mag-asawa ay may iniwan na salita ang lalaki. Halata sa mukha nito ang labis na galit.
“Hindi malas si Alexa. Napunta siya sa amin at napakaswerte namin dahil isa siyang mabait na bata. Kaya kung ikaw, minalas ka, hindi kasalanan ni Alexa ‘yun. Parusa ‘yun ng langit dahil sa pagmamaltr*to mo sa bata,” litanya nito bago tuluyang umalis.
Naiwan siyang tigagal. Noon niya napansin ang punit-punit na tseke. Nang makita niya ang halaga noon ay nagimbal siya—tumataginting na limang milyong piso!
Hahabulin niya pa sana ang mag-anak, ngunit nakaalis na ang mga ito, at wala siyang kaide-ideya kung sino ang mga ito, o kung saan sila nakatira.
Napaluhod si Irma sa labis na panghihinayang. Naisip niya na marahil nga ay hindi siya minalas, kundi naparusahan sa mga kasalanang ginawa niya sa kaniyang pobreng pamangkin.