Pinangakuan ang Dalaga na Wala Siyang Babayaran Upang Maging Matagumpay; May Mawawala Pala sa Kaniya na Higit pa sa Pera
“Talaga po? Wala akong ibabayad na kahit na ano?” namimilog ang matang wika ni Tori.
Ngumiti ang babaeng kausap niya.
“Oo naman. Sa ganda mong ‘yan, hija, sila pa mismo ang magbabayad sa’yo,” tila natutuwang wika nito.
Nahihiya na napangiti si Tori. Hindi na niya mabilang kung ilang tao na ang nagsabi sa kaniya na maganda siya. Napanatili niyang makinis ang kaniyang kutis sa kabila ng kahirapan nila. Hugis puso ang kaniyang mukha na binagayan ng mga mata niya na tila parating nangungusap, at ng malalantik na pilikmata.
Marami na rin ang lumapit sa kaniyang na kagaya ng babaeng kausap niya ngayon. Niyayaya siya nito na mag-artista.Naengganyo siya nang malaman na wala siyang babayaran, at nais niyang sumubok. Karaniwan kasi ay hinihingan sila ng malaki-laking halaga para raw maiba ang itsura niya at magmukha siyang tunay na artista.
Ngunit ang babaeng kausap niya, na nagpakilalang si “Tita Jill” ay mabilis kausap. Ito na raw ang gagastos sa lahat, pumayag lang siya.
“Magpapaalam muna ako sa magulang ko, Tita. Pati na rin po sa boyfriend ko,” aniya sa babae.
“Heto ang calling card ko, tumawag ka sa akin kapag desidido ka na,” anito bago kekendeng-kendeng na naglakad palayo.
Sabik na si Tori. Napapayag niya na kasi ang kaniyang magulang. Kailangan niya na lang magpaalam kay Harry, ang nobyo niya.
“Tori, sigurado ka ba riyan? Hindi madali ang pag-aartista. Wala kang privacy, parating may camera na nakatutok sa’yo. Hindi ka naman sanay sa ganoong buhay,” katwiran nito.
“Harry naman. Pagkakataon ko na ‘to na makatulong kay Nanay at Tatay. Balita ko ay maganda raw ang kitaan… Pumayag ka na,” ungot niya sa nobyo.
Napabuntong-hininga ito. Tila problemado.
“Libre ba talaga ‘yan? Bakit parang nakakapagduda?” hindi pa rin kumbinsidong wika nito.
Upang mapanatag ang nobyo ay hinanap nila sa internet ang pangalan ng babae sa calling card. Doon nila nalaman na isa pala talaga itong manager na nakatrabaho na ang ilang sikat na personalidad.
“‘Di ba? Sabi ko naman sa’yo. Ito na ang swerte ko!” sabik na bulalas ni Tori. Halos mapatili siya sa labis na pagkasabik sa panibagong kabanata ng kaniyang buhay.
“Sige na. Basta ‘wag mo akong kakalimutan, ha? Baka sumikat ka na, tapos kalimutan mo na ako…” tila batang pagtatampo nito.
Natawa na lang siya sa asta ng nobyo.
“Sira ka ba? S’yempre naman! Ikaw lang ang mahal ko!” natatawang paglalambing niya sa nobyo.
Tinawagan niya si Tita Jill upang sabihin dito na pumapayag na siya sa alok nito na gawin siyang isang artista.
Tuwang-tuwa naman ito, dahil nararamdaman daw nito na malaki ang potensyal niya. Ang una nitong ginawa ay bigyan siya ng make-over.
Nang matapos iyon ay halos malula siya. Maganda na siya noon, ngunit mas lalong lumutang ang kaniyang ganda dahil nag-iba rin ang istilo ng kaniyang buhok.
Nagtuloy-tuloy ang kung ano-anong lakad nila ni Tita Jill. Kung saan-saan sila pumupunta, at kung sino-sinong mga tao ang kaniyang nakikilala.
Isa-isa nang dumating ang mga proyekto para sa kaniya. Nang makuha niya ang una niyang sweldo ay nanlaki ang mata niya. Totoo pala kasi na napakalaki talaga ng kita ng isang artista!
Nawalan na siya ng oras sa ibang bagay, dahil sa tuwing may libre siyang oras ay ginagamit niya iyon upang magpahinga.
Miss na miss niya na ang kaniyang pamilya. Ngunit mas miss niya na ang kaniyang nobyo. Araw-araw itong nagpapadala ng mensahe, na halos hindi niya na rin masagot.
“Tita, pwede ba akong magpahinga muna? Gusto kong makasama ang pamilya ko,” ungot niya kay Tita Jill, na siya nang tumayong manager niya.
Tumaas ang kilay nito.
“Nagpapatawa ka ba, hija? Kasisimula mo pa lang sa industriya, hindi pwedeng magpahinga ka na kaagad,” taas kilay na sagot nito, dismayado.
“Ibigay mo sa akin ‘yang cellphone mo,” utos pa nito.
Nang hindi siya sumunod sa sinabi nito ay pahablot nitong kinuha sa kamay niya ang hawak niyang cellphone.
“Ibibigay ko lang sa’yo ‘to kapag wala kang iskedyul. Kapag meron, sa akin muna ito para hindi naaagaw nito ang atensyon mo,” anito bago ibinulsa ang kaniyang cellphone.
Ilang buwan pa ang matuling lumipas. Halos hindi niya na makausap ang kaniyang pamilya dahil sa patakaran ng istrikta niyang manager. Mabuti na lang at kahit paano ay nakakausap niya pa rin si Harry minsan.
“Bakit hindi mo iwan ‘yan? Hindi na nakabubuti para sa atin. Hindi ka rin naman masaya,” isang araw ay payo ni Harry.
“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Malaki ang kita ko rito, hindi kayang ibigay ng ibang trabaho ang kinikita ko sa pag-aartista,” inis na turan niya sa nobyo.
Hindi na ito nagsalita. Maya-maya ay ibinaba na nito ang tawag.
Ang araw-araw na pagpapadala ni Harry ng mensahe ay unti-unting dumalang, hanggang sa tuluyan na itong hindi nagparamdam.
Kapag tumatawag naman siya ay malamig na ang sagot nito. Dahil sa nangyayari ay nagdesisyon siya na kausapin si Tita Jill.
“Aalis ka, kung kailan may alok sa’yo na pelikula?” kunot noong tanong nito.
Nanlaki ang mata ni Tori. Ang kagustuhan niya na maayos ang relasyon nila ng nobyo ay natalo ng kagustuhan niya na kumita.
Umabot din ng isang taon ang paghahanda niya sa pelikula. Hindi man alam ni Tori ang estado ng relasyon nila ni Harry ay umaasa siya na maaayos nila ang kanilang sigalot. Matagal din ang pinagsamahan nila at alam niya na hindi iyon basta-basta mabubuwag.
Sumapit ang araw na ipapalabas na ang kaniyang pelikula. Magandang-maganda si Tori sa suot niyang itim na gown. Dinumog ng tao ang sinehan.
Natigilan siya nang isang pamilyar na mukha ang makita niya. Nakangiti ito habang nakatitig sa kaniya—walang iba kundi si Harry.
“Congrats sa una mong pelikula, Tori,” sinserong sabi nito bago inilahad ang palad upang makipagkamay.
Yayakapin niya na sana ito nang isang magandang babae ang sumulpot sa likuran ng lalaki.
“Harry, babe! Bigla kang nawala!” anito bago kumapit sa braso ng nobyo niya.
Mali. Hindi niya na pala ito nobyo dahil mukhang may iba na ito.
“Sorry, babe. Si Tori pala, kaibigan ko,” pagpapakilala nito sa kaniya.
Tila may dumagan sa dibdib niya nang marinig ang sinabi nito. Kaibigan. Lalo pang sumikip ang dibdib niya nang makita ang singsing na suot nito.
Nang dumako ang tingin sa kaniya ng nobya nito ay halos mapatili ito sa gulat.
“Totoo nga! Kaibigan ka nga niya! Akala ko binibiro lang ako ni Harry! Grabe, ang ganda-ganda mo at fan mo ako!” hindi magkandaugagang sabi ng babae.
Isang pilit na ngiti ang isinukli niya. Tila kasi babagsak na ang luha niya. Mabuti na lang at nagpaalam na ang dalawa.
Naramdaman niya na may humawak sa balikat niya. Nang lumingon niya ay nakita niya si Tita Jill. Nakatingin ito sa daan-daang taong dumalo para mapanood ang peikula niya.
“Ang dami mong fans, Tori. Sikat na sikat ka na. Sino bang mag-aakala na makukuha mo ito lahat nang libre, at wala kang binabayaran? Buti naniwala ka sa akin,” komento nito.
Kasabay ng pagtulo ng luha ni Tori ay ang pagpaskil ng mapait na ngiti mula sa kaniyang labi. Sising-sisi siya ngunit huli na.
“Wala akong perang binayad. Marami akong pera ngayon. Pero may nawala sa akin na hindi na maibabalik pa. May nawala sa akin na hindi kayang bilhin ng pera. Nawala sa akin ang pinakamamahal ko…” bulong niya.