Pinambili Niya ng Mamahaling Sasakyan ang Sana’y Pambayad ng Kaniyang Matrikula; Natutuhan Niyang Bawat Sentimo pala ay Mahalaga
Ginastos ng binatang si Isaac ang perang pambayad sana sa matrikula niya sa natitirang dalawang taon pa niyang pag-aaral sa kolehiyo. Buong akala niya, kapag nalaman ito ng kaniyang mga magulang ay pagagalitan lamang at papatawarin din kaagad kagaya ng ginagawa ng mga ito sa mga kasalanang nagagawa niya simula pa noong bata siya.
Kaya kahit anong pigil ng body guard niya sa gagawin niyang paggasta ng pera, hindi niya ito pinakinggan at kinagalitan niya pa ito.
“Sino ka ba sa inaakala mo, ha? Gusto mo bang ipatanggal kita sa trabaho? Alamin at alalahanin mo ang lugar mo sa buhay ko, ha!” sigaw niya pa rito dahilan para hayaan na lang siya nitong bumili ng isang mamahaling sasakyan na noon niya pa hinahangad.
Upang mabawasan ang bigat ng parusang maaari niyang makamit dahil sa kasalanang ginawa niya at para huwag masyadong magalit ang kaniyang mga magulang, bago pa magsumbong ang body guard niyang iyon, inamin niya na sa mga ito ang ginawa niya.
“Mommy, nailagay niyo na po pala sa bangko ang pambayad sa tuition fee ko hanggang sa makapagtapos po ako ng pag-aaral, ‘no?” sabi niya sa kaniyang ina nang maabutan niyang nagmemeryenda sa kanilang bakuran ang kaniyang mga magulang.
“Oo, anak, para sigurado na kaming makakapagtapos ka kahit anong mangyari sa negosyo natin,” nakangiting sagot nito.
“Kaso nagastos ko na, mommy, eh. Bumili ako ng isang mamahaling sasakyan,” mayabang niya pang pagtatapat na ikinatigil nito.
“Nagbibiro ka ba? Kung nagbibiro ka, Isaac, mas maiging itigil mo na kaysa uminit pa ang ulo ko!” sigaw nito sa kaniya.
“Bakit iinit ang ulo mo, mommy? Si daddy nga, kalmado lang na kumakain kahit na kalahating milyon ang nagastos ko roon!” wika niya pa sa pag-aakalang kakampihan siya ng kaniyang ama.
“Isaac, akin na ang credit card na pinahiram ko sa’yo. Akin na rin ang susi ng sasakyan na binili mo at ang lahat ng papeles no’n,” seryosong sabi ng kaniyang ama.
“Anong ibig sabihin nito, daddy?” pagtataka niya.
“Paparusahan kita, bakit? Ngayong wala ka nang pambayad sa tuition fee mo, tumigil ka na sa pag-aaral! Ikukulong kita sa bahay na ‘to hanggang sa magtino ka!” bulyaw nito sa kaniya saka sapilitang kinuha ang mga bagay na gusto nitong isauli niya.
Dahil sa labis na pagkainis, siya’y agad na nagdesisyong maglayas upang makatakas sa parusa ng kaniyang ama. Hinintay niya munang makatulog ang mga ito saka siya sumibat bitbit-bitbit ang ilan niyang gamit at pera.
Habang naghahanap siya ng lugar na pupwede niyang paglipasan ng gabi, may nakasalubong siyang isang binata na agad niyang pinagtanungan.
“Naku, boss, apartment ba ang hanap mo? Mayroon akong alam na upahang bahay doon sa may lugar namin. Kaso, boss, sa tabing dagat iyon at maraming tao. Ayos lang ba ‘yon sa’yo?” sabi nito at dahil nga nagmamadali na siyang makaalis sa lugar na iyon bago pa siya mahanap ng mga tauhan ng kaniyang ama, siya’y agad na sumama sa binatang iyon.
Dinala siya nito sa isang squatter’s area at doon niya nakita kung gaano kahirap ang buhay ng mga tao roon. Maaga siyang nagising dahil sa ingay ng kaniyang mga kapitbahay na nag-aaway para lang sa isang tinapay, hindi na siya muling makatulog dahil pawala-wala ang suplay ng kuryente sa kaniyang tagpi-tagping bahay na naupahan, at hindi niya rin magawang um-order ng masarap na pagkain dahil siya’y labis na naaawa sa mga taong nasa paligid niya na tutong na kain at tuyo lamang ang ulam.
“Ganito ba talaga ang buhay rito?” tanong niya sa binatang tumulong sa kaniyang makahanap ng matutulugan.
“Oo, boss, nabigla ka ba? Ngayon ka lang nakakita ng ganito kahirap na komunidad, ano? Kung magtatagal ka rito, mas marami ka pang masasaksihang masasakit na tagpo sa lugar na ito na magtuturo talaga sa’yo kung paano pahalagahan ang pera mo,” kwento pa nito habang nakain ng mais sa tapat ng kaniyang bahay dahilan para siya’y labis na makonsensya.
Doon niya labis na napagtanto kung gaano kahalaga ang bawat sentimong noon ay binabalewala niya lamang. Kaya naman, upang maituwid ang baluktot niyang pamumuhay, lahat ng perang dala niya ay binili niya ng grocery items, bigas, at ilang damit na pinamahagi niya sa kaniyang mga kapitbahay doon.
At dahil kahit ni piso ay walang natira sa kaniya, napagdesisyunan niya na ring umuwi sa kanilang bahay. Hindi para magmatigas sa kaniyang mga magulang, kung hindi upang harapin ang parusa ng ginawa niyang kasalanan at humingi ng isang malaking pabor sa mga ito.
“Mommy, daddy, pangako, magbabagong buhay na po ako. Ayos lang kahit ilang buwan niyo akong ikulong at hindi niyo ako bigyan ni singko, basta po, tulungan niyo lang ‘yong mga tao sa tabing dagat. Bigyan niyo po sila ng pagkakakitaan, pakiusap po,” mangiyakngiyak niyang pagmamakaawa sa mga ito at dahil nga unang pagkakataon niyang magmakaawa, nagtaka ang mga ito at agad na pinuntahan ang lugar na iyon.
Nang makita ng mga ito ang paghihirap ng mga tao roon, hindi sila nagdalawang-isip na magpagawa ng palaisdaan doon kung saan pupwedeng mangisda ang mga mamamayan at kumita ng pera.
Dahil sa ginawang iyon ng kaniyang mga magulang, pilit niyang binago ang sarili upang ipakita sa mga ito ang kaniyang malaking pagbabago at sa sobrang tuwa ng mga ito sa kaniya, bukod sa muli siyang pinag-aral ng mga ito, patuloy na gumawa ng proyekto ang mga ito upang matulungan ang mga taong nagbigay aral sa baliko niyang pamumuhay na talagang nagbigay saya at inspirasyon sa kaniya.
Simula no’n, natutuhan na niyang pahalagahan ang bawat sentimo at ang pamilya’t buhay na mayroon siya.