Inday TrendingInday Trending
Napansin Niyang Palaging Gustong Magpunta ng Kaniyang Nobyo sa Perya Matapos Niya Itong Tanggihan sa Kasal; May Bago na Nga Ba Ito?

Napansin Niyang Palaging Gustong Magpunta ng Kaniyang Nobyo sa Perya Matapos Niya Itong Tanggihan sa Kasal; May Bago na Nga Ba Ito?

Hindi nagdalawang-isip ang dalagang si Joy na tanggihan ang alok na kasal ng kaniyang kasintahan sa loob ng sampung taon dahil bukod sa mumurahing singsing ang gusto nitong isuot sa kaniya nang mag-propose ito, alam niya pang ni piso ay wala itong ipon at walang kahit na anong ari-ariang pupwede nilang gamitin para sa kanilang kasal at pagpasok sa mas seryosong relasyon.

“Hindi ka ba natatakot na baka biglang magbago ang nobyo mo dahil tinanggihan mo ang alok niyang kasal?” pag-aalinlangan ng kaniyang kaibigan, isang araw nang kitain niya ito upang ibalita ang ginawa niyang pagtanggi sa nobyo.

“Diyos ko, mare, mas matatakot akong maikasal sa isang taong walang maipapakain sa akin! Saka, alam mo naman kung gaano ko gustong magkaroon ng bonggang kasal, hindi ba? Hindi na nga ako nakapag-debut noong ikalabing walong taon ko, pati ba naman kasal na engrande, hindi ko mararanasan, ‘di ba?” katwiran niya habang patuloy na hinihigop ang iced coffee na kaniyang binili.

“May punto ka naman, pero tinanong mo ba ‘yong kasintahan mo kung ayos lang sa kaniya ang pagtanggi mo?” tanong pa nito.

“Ayos lang sa kaniya ‘yon! Naiintindihan niya naman siguro kung bakit ayokong magpakasal sa kaniya!” kumpiyansado niya pang sabi rito kaya iniba na lang nito ang kanilang usapan para sumaya naman ang kanilang pagkikita.

Buong akala niya, ayos lamang sa kasintahan niya ang ginawa niyang iyon kaya matapos ang pangyayaring iyon, ni hindi siya humingi ng kahit anong kapatawaran dito o nagbigay ng ekplanasyon sa desisyong ginawa niya. Hinayaan niya lang na magpatuloy sa pagiging magkasintahan ang kanilang relasyon dahil hindi naman niya nararamdamang nagtatampo o nagagalit ito.

Kaya lang, paglipas ng ilan pang mga araw, napansin niya ang palagiang pagpunta ng kaniyang nobyo sa perya. Walang araw na hindi ito nagpapaalam sa kaniya na gusto nitong pumunta sa perya at sa tuwing sinasabi niyang gusto niyang sumama, palagi itong natanggi o kaya sasabihin nito, “Ay, may gagawin pala ako, bukas na lang siguro ako pupunta,” dahilan upang siya’y maghinalang mayroon itong kinikitang ibang babae roon.

Upang mapatunayan ang hinala niyang ito, nang muling magpaalam ang kaniyang nobyo, agad niya itong pinayagan. Dali-dali rin siyang nagpunta sa naturang perya sa kanilang bayan upang matiyagan ang binata.

Kaya lang, imbes na makita niyang may kasama itong babae, puro matatanda, bata, at ilang kalalakihang tindero ang biglang sumalubong dito pagkarating nito sa perya na labis niyang ikinagulat.

Dahil sa labis na pagtataka, hindi niya na napigilan ang sarili at siya’y nagtanong na sa isa sa mga tindero roon.

“Kuya, bakit todo salubong sa lalaking iyon ang mga tao rito sa perya?” tanong niya sa lalaki.

“Naku, napakabuting binata kasi niyan, hija! Mantakin mo, simula nang maipasara ang perya, dalawang taon na ang nakakalipas dahil sa pand*mya, siya lang ang tumulong sa amin upang makabangon! Araw-araw ‘yang nagbibigay ng pagkain dito, tatlong beses sa isang araw! Hanggang sa naisip niyang bigyan kami ng ibang pagkakakitaan! Pinagtinda niya kami ng tusok-tusok, palamig, balot, at kung anu-ano pang pagkain at lahat ng puhunan, mula sa bulsa niya! Ibang klase nga ‘yang binatang ‘yan kaya mahal na mahal naming lahat ‘yan! Kaya ngayong bukas na ang perya, balak naming magbigay din ng tulong sa kaniya. Balita kasi namin, tinanggihan siya ng nobya niya sa alok niyang kasal dahil wala siyang ipon,” tuloy-tuloy nitong kwento habang pinagmamasdan nilang dalawa ang pangungumusta ng kaniyang nobyo sa mga tao roon kaya wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang maiyak at makonsensya sa ginawa niyang pagtanggi rito na alam niya, nakasakit sa damdamin nito.

Maya maya pa, napatingin sa kanila ang kaniyang nobyo at tila ba nakakita ito ng multo nang siya’y mamukhaan. Bago pa ito lumapit sa kaniya, tumakbo na siya palapit dito saka ito mahigpit na niyakap.

“Bakit hindi mo sinabi sa aking maraming tao ka palang tinulungan kaya wala kang ipon? Bakit hinayaan mong tanggihan ko ang alok mong kasal kung ito naman pala ang dahilan kung bakit wala kang ipon? Patawarin mo ako, mahal, alam kong nasaktan kita,” iyak niya habang yakap-yakap ito.

“Pasensya na, mahal, ayoko kasing ipaalam kahit kanino ang ginagawa kong pagtulong,” kamot-ulo nitong sagot dahilan para kaniyang mapagtanto na ito na talaga ang binatang dapat niyang pakasalan.

“Oo na,” bigla niyang sabi.

“Anong oo na, mahal?” tanong nito.

“Magpakasal na tayo! Kahit mayor lang ang magkasal sa atin, kahit tinapay at margarine lang ang handa natin, ayos lang sa akin! Huwag lang mawala sa akin ang isang mabuting taong katulad mo!” sigaw niya kaya nagsimula nang maghiyawan ang mga tao sa perya dahil sa labis na kasiyahan.

Wala na ring nasabi ang kaniyang nobyo dahil sa pagkabigla dahilan para agad niya itong halikan na lalong ikinagulat ng lahat!

Doon na nagsimula ang masasaya nilang araw. Simple man ang naging selebrasyon ng kanilang kasal, ayos lamang sa kaniya dahil ngayon, napag-isip-isip niyang hindi siya dapat bumase sa taba ng bulsa kung hindi dapat, sa buti ng puso.

Simula noon, dalawa na silang tumutulong sa mga tao sa perya na hindi niya kailanman pinagsisihan dahil sa sayang naibibigay ng mga ito sa kaniya.

Advertisement