
Panay ang Utos Niya sa Kaniyang Panganay na Anak; Sa Huling Utos Niya Rito, Nasaktan at Napagalitan Niya pa Ito
Kahit na si Abby na lang ang siyang inaasahan ng kaniyang tatlong anak sa kanilang bahay, simula nang maghiwalay sila ng kaniyang asawa dahil sa katamaran niya, hindi pa rin siya kumikilos katulad ng mga pangkaraniwang ilaw ng tahanan. Palagi niyang inaasa ang lahat ng gawaing bahay sa kaniyang panganay na anak dahil lang sa kagustuhan niyang magpahinga buong araw.
Ang gusto niya, pagkauwi niya galing trabaho, maayos na ang kanilang bahay, may luto nang pagkain sa kanilang lamesa at napaliguan na nito ang kaniyang bunsong anak na madalas hindi nito nagagawa dahil ito’y isa pang mag-aaral na labis niyang ikinaiinis.
Sa tuwing hindi ito nakakagawa ng gawaing bahay, bukod sa walang sawa niya itong bubungangaan at susumbatan, hahagupitin niya pa ito ng kung anu-anong bagay na kaniyang mahablot para lang magtanda ito.
Ito ang dahilan para lagi na lang siya ang paksa ng mga usap-usapan sa kanilang lugar na madalas, siya pa mismo ang nakakarinig. Imbes na siya’y maapektuhan at magbago dahil sa mga tsismis at panghuhusgang binabato sa kaniya, pinapatulan niya pa ang mga kapitbahay na nag-uusap tungkol sa kaniya kahit sa harap ng kaniyang mga anak.
“Hangga’t wala kayong ambag sa buhay ko at ng mga anak ko, wala kayong karapatan para pag-usapan at husgahan ako! Magbigay kayo ng tiglilimang daang piso sa akin linggo-linggo para ayos lang sa akin kahit araw-araw niyo akong pag-usapan! Mga chismosang mababaho ang hininga!” sigaw niya, isang hapon pagkauwi niya galing trabaho at agad niyang narinig na siya’y pinag-uusapan na naman ng kaniyang mga kapitbahay.
“Ang amin lang naman, Abby, trese anyos pa lang ‘yang panganay mo, batak na agad ang katawan sa gawaing bahay. Pati pag-aalaga sa anak mong dalawang taong gulang, siya na ang gumagawa habang ikaw, nakahilata lang!” katwiran ng isa niyang kapitbahay habang nagpapalinis ng kuko sa tapat ng bahay niya.
“Aba! Bakit nangingialam ka? Gusto mo bang ikaw na lang ang gumawa ng lahat ng gawaing bahay namin? Sige! Walang problema!” bulyaw niya pa rito.
“Kung kakatulungunin mo lang ang anak mo, sana hindi ka na nag-anak! Wala kang kwentang ina!” sigaw din nito dahilan para hindi na siya makapagtimpi at makipagsabunutan na siya rito.
Mabuti na lang talaga, agad na rumesponde ang mga barangay tanod doon at hindi na sila mas lalong nakapagsakitang dalawa.
Pagkatapos na pagkatapos niyang makipag-usap sa kanilang barangay, agad siyang umuwi ng kanilang bahay para sana kumain ng hapunan. Kaya lang, kahit sinaing, walang luto ang panganay niyang anak dahilan para bungangaan at pagbuhatan na naman niya ito ng kamay.
“Pasensya na po, mama, hindi ko po mabitawan si bunso kanina, eh, kaya hindi po ako nakapagluto,” iyak nito, imbis na intindihin lalo niya itong pinalo saka agad na pinagluto.
Habang nagluluto ang kaniyang anak, minabuti niyang magpahinga muna sa kanilang kwarto. Pinalabas niya rin ang dalawa niya pang anak upang walang umistorbo sa pagpapahinga niya.
Kaya lang, ilang minuto bago niya pinikit ang kaniyang mga mata, siya’y biglang nakarinig nang malakas na pagsabog at pagkamulat ng kaniyang mga mata, umaapoy na ang kanilang buong bahay.
Pilit man niyang hinanap ang kaniyang mga anak upang maisama sa paglabas ng bahay, hindi niya makita ang mga ito dahil sa usok. Hanggang sa may isang ginang nang humila sa kaniya palabas.
“Ang mga anak ko! Hanapin niyo ang mga anak ko! Parang-awa niyo na!” iyak niya sa mga bumberong agad na rumesponde.
Habang naghihintay na maapula ang apoy, walang sawa siyang nanalanging nasa ligtas na kalagayan ang kaniyang mga anak. Iniisip niya na lang na baka lumabas na ang mga ito bago pa may sumabog sa kanilang bahay.
Ngunit nang maapula ang apoy, kitang-kita niyang yakap-yakap ng panganay niyang anak ang dalawa niya pang anak sa harap ng sumabog nilang gasul na pawang mga sunog na labi na. May hawak pa itong takalan ng bigas na labis niyang ikinapanlumo.
“Diyos ko! Sana ako na lang ang kinuha Mo!” sigaw niya habang nagwawala sa sunog nilang bahay.
Gusto man niyang yakapin sa huling pagkakataon ang kaniyang mga anak, hindi na niya magawa dahil sa labis na pagkasunog ng katawan ng mga ito.
Walang ibang tumatakbo sa isip niya kung hindi pagsisisi at pangongonsenya dahil sa pang-aab*so niya sa panganay niyang anak at hindi niya pagtugon sa kaniyang mga responsibilidad bilang ina.
“Hindi man ako naging mabuting ina sa inyo habang nabubuhay pa kayo, hayaan niyong makabawi si mama sa huling araw niyo sa mundong ito,” iyak niya sa kabaong ng mga ito.
Hirap man siyang tanggapin ang biglaang pagbawi sa kaniyang mga anak, pinangako niyang magpapatuloy sa buhay dahil alam niyang iyon ang gugustuhin ng kaniyang mga anak, lalo na ang panganay niyang mahal na mahal siya.